45. Uuwi

246 7 0
                                    

Chapter 45: Uuwi

Erin

"Alam mo bang ang sarap nitong chop suey na dala mo. Saan mo 'to nabili?" Nagmumula ang boses ni Mando sa phone na nakalapag sa unan. Kanina pa kami nag-uusap ng kung ano-anong bagay at hindi ko inaasahan na bigla niyang isisingit ang kaniyang komento sa kung ano ang kinakain niya ngayon.

Komportable akong mag-isang nakaupo rito sa kama, sa loob ng aking silid at kasalukuyang itinatapon ang libre kong oras sa bagay na halos linggo-linggo kong hindi nililigtangang gawin pagkatapos ng aming mga gig.

Naging dahilan ng paghinto ko ang sinabi ni Mando at nahikayat mapangiti. Napasarap masyado naman ang pagtibok ng puso ko. "Hindi ko 'yan binili. Nagpaluto kasi sa akin sina Papa kanina sa bahay."

"Talaga? E 'di, gawa mo ito?"

"Oo. Nag-request kasi sila sa akin kung puwede ko raw bang iluto 'yong isang putahe na natutunan ko raw dito kaya ayun, chop suey ang napili kong ihanda. May mga natira pa kaya nagdala ako para matikman mo manlang," sagot ko. Muli ako nagpatuloy habang inaabangan ang tugon niya.

"Ah . . . okay, kung ganoon, ilalagay ko na sa mga listahan ng favorite dish ko 'to."

Napaawang ako ng bibig pero nauwi rin sa isang ngiti. "Agad? Hay nako, binobola mo ako." Alam kong nagbibiro lang siya.

"Hindi, seryoso. Masarap. Since favorite dish ko na, ilalagay ko rin sa tabi na 'it should be made by Erin.'"

Napailing-iling ako. "Masyado na akong na-fa-flatter. Ano ka ba."

Doon ko na narinig ang mariing pagtawa niya. "Iba kasi talaga 'yong pagkakaluto mo, mahahalatang may kargang saya 'yong nagluluto."

"Salamat."

"Magaling na nga kumanta at tumugtog, magaling pa magluto."

"Sa totoo lang, hindi naman talaga ako maalam," pag-amin ko. "Kinailangan, eh."

"Paanong kinailangan?" usiso nito sa gitna ng kaniyang pagnguya.

"Kasi nga maliban kina Lola Racel, wala naman akong aasahan na ipagluluto ako rito sa bahay. Hindi rin maganda na puro delata ang iulam ko sa hapag. Hindi kagaya kapag nasa bahay ako, nag-aabang na lang sa 'kin ang pagkain ko na niluto ni Mama."

Nilunok niya agad ang laman ng kaniyang bibig. "Oh? Ba't hindi mo sinabi sa akin para ako na lang magluluto para sa 'yo?" Hindi na ako nagtaka kung bakit ganyan ang naging reaksyon niya. Nasisilip ko na nang karampot ang ugali niya, nakadikit na sa katauhan niya ang pagmamalasakit at masuwerte ako para doon.

Alam kong 'yong pagmamalasakit niya ay hindi lamang nakabatay sa mayroon siyang kailangan sa akin.

Pero ngayon, umiling-iling ako na parang ayaw kong sang-ayunan ang sinabi niya. "Mando, tigilan mo nga ako."

"Bakit?"

"Pagtimpla nga ng kape, ang pait-pait mong gumawa, ipagluluto mo pa kaya ako?" panggagatong ko.

Nakatanggap ako ng marahan ng pagtawa niya. "Siyempre, black coffee 'yon. Ano inaasahan mo? Ayaw mo pala ng mapait, bakit ka bumibili ng ganoong klaseng kape?" pagpapalusot niya.

"Kapag kasi ako nagkakape, may kasamang gatas."

"E 'di, sorry. Hindi ko alam. Hindi na lang 3 in 1 ang bilhin mo." Uminom siya ng tubig.

"Para tansya kung gaano karaming gatas."

Narinig ko ang kaniyang pagtayo. Natiyak kong pumunta ito ng lababo upang hugasan ang kaniyang mga pinagkainan. "Basta, ipagluluto kita isang beses. Ano bang gusto mo?" Kasabay ng pagsalita niya ang tunog ng pag-agos ng tubig sa gripong pinihit niya.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon