32. Huwag Ngayon

309 13 0
                                    

Chapter 32: Huwag Ngayon

Erin

Nabili na namin ni Elmo ang lahat ng kailangan na rekado para sa napag-usapang lulutin na ulam mamayang gabi. Dalawang klaseng putahe ang ihahain namin. Nagkusa siyang bitbitin ang mga pinamili namin at hinayaan ko na lang siya dahil noong tinangka kong kunin 'yong isang supot sa kamay niya, may tonong hindi kanais-nais ang lumitaw sa boses niya, napagtaasan niya ako ng boses na sobra kong ikinagulat at hindi ko nagustuhan. Hindi ko alam kung sinadya niya ba 'yon o ano. Napatahimik na lamang ako at kanina pang mahigpit ang hawak ko sa strap ng bag ko. 'Yon lang ang dala ko, pati 'yong binili kong mga damit.

Panay akong sulyap sa kaniya habang nasa biyahe kami pauwi. Naiilang ako. Iniiwasan kong magtama ang mga braso namin.

Kanina ko pa napapansin na parang ayaw niya akong kibuin, tipid lang siyang sumasagot kapag tinatanong ko siya tungkol sa mga rekado at hindi manlang siya nag-aabalang tingnan ako. Pagkatapos no'n, wala na siyang imik. Tahimik lang siyang nakaupo sa tabi ko ngayon at seryoso ang mukha na para bang napakalalim ng iniisip. Nakatanggal na rin ang mga bitones ng suot niyang polo habang nasa loob ang kaniyang sandong puti. Kakaiba ang awra niyang nasasaksihan ko ngayon.

Gusto ko sana siyang tanungin kung ano ang problema, pero baka hindi niya ako sagutin kaya naisipan kong huwag na lang. Ayaw kong mapahiya, ayaw ko ring masigawan ulit. Mabuti na lang kanina walang masyadong nakarinig ng sigaw niya dahil medyo malayo kami sa tao. Idinaan ko na lang sa pagbabakasakaling pagod lang siya at gusto nang umuwi kaya ganoon ang trato niya sa akin.

Napabuntong-hininga na lamang ako nang may kasamang pait at idineretso ang paningin sa labas ng tricycle. Mas mabuting 'wag intindihin ang toyo niya.

Malapit nang dumilim nang nakauwi kami ng bahay pero hanggang ngayon, hindi pa rin niya ako pinapansin.

Nasabi ko na baka pagod lang siya pero naalala ko 'yong sa hairclip, doon nagsimulang iniwasan niya ako ng tingin. Kung tungkol ba 'to roon, bakit kailangan niyang nagtampo at magalit?

Umuwi muna ako sa bahay saglit para maligo at makapagpalit ng komportableng damit. Iniwan ko na rin ang mga damit na balak ko nang ibigay kay Mando kapag nagtagpo kami mamayang gabi. Bumalik din ako agad sa bahay nina Elmo at naabutan ko siyang nagsisimula nang hugasan ang mga rekado, nakasuot na rin ito ng pambahay at mukhang naligo na rin dahil kapansin-pansin ang magulo at basa niya pang buhok. Pareho yata kaming pinagpawisan maigi sa palengke kalalakad.

Binati ko siya at tinanguan niya lamang ako habang nakatuon ang pansin sa ginagawa. Wala pa rin akong naririnig na sorry mula sa bibig niya. Maliit akong napasimangot sa ginawa niya na alam kong hindi naman niya nakikita dahil nakatalikod siya. Sigurado na ako, may tampo nga siya sa akin at hindi siya pagod.

Nanahimik ako. Maingat kong hinawakan ang ibang rekado. Tinulungan ko na lang siya sa paghuhugas. Sa totoo lang, nawawalan na ako ng gana dahil sa kasama kong parang ang layo-layo kahit katabi ko lang. Kinuhanan ko pa rin siya ng tingin at seryoso lamang siya sa ginagawa. Naghintay pa ako ng ilang sandali, umaasang magsasalita na siya at kakausapin na niya ako pero nanatili pa rin tikom ang kaniyang bibig. Ibubuka ko na sana ang bibig ko para kausapin siya kaso hangin ang lumabas, binawi ko rin agad, nahiya ako.

Nang hindi ako makatiis ay inipon ko ang tubig sa dalawa kong palad at pabirong itinapon ko iyon sa mukha niya. Hindi sinasadyang nabitawan niya ang hawak na gulay at bahagyang napaatras dala ng gulat. Medyo nagdamusak din ang tubig sa sahig.

Tinawanan ko siya dahil sa hitsura niya, sa basa niyang mukha.

Pinasadahan niya muna ng tingin ang sarili bago dahan-dahan niyang inangat ang tingin sa akin. Halos mabura na ang pagitan ng kilay niya dahil sa pagkasalubong ng mga ito. "Kaliligo ko lang, Erin! Anong problema mo?!" bulyaw niya sa akin, binibigyan ako ng inis na tingin, mas inis kumpara kanina. Nagulat ako dahil sa diin ng boses niya nang baggitin niya ang pangalan ko.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon