13. Huwag Sabihin

305 17 1
                                    

Chapter 13: Huwag Sabihin

Erin

Ayaw huminto sa pagtulo ng mga luha ko nang pumara ako ng taxi kaya hinayaan ko na lang muna. No'ng una, hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko kung bakit ako lumabas pero napagtanto kong gusto ako dalhin nito sa bahay, gusto kong makita kung ano ang kalagayan ni Mama. Nakatakas na ako kung nasaan sina Papa ngunit para silang palabas na umuulit-ulit ipinapakita sa utak ko. Parang nandoon pa rin ako sa loob ng restaurant.

Habang nasa biyahe, panay vibrate ang phone ko dahil sa mga text at tawag nina Peter pero ni-isa sa kanila, hindi ko pinansin. Iniwan ko silang nagtataka kung bakit bigla na lang ako kumilos nang ganoon. Hindi mawala-wala sa utak ko ang masaya at payapang ngiti ni Papa habang may kasamang ibang babae. Walang-wala sinabi 'yong mga ekspresyon ng mukha niya na ibinibigay niya sa akin noon, walang bakas na kahit anong sungit dito. Nangingibabaw ang sayang ngayon ko lang nasulyapan. Hindi ko sukat akalaing sa ibang tao siya nagiging masaya at hindi sa pamilya namin. Naaawa ako kay Mama. Pakiramdam ko, hindi kami nagiging sapat kaya hindi niya kami magawang ngitian.

Hindi man ako sigurado sa hinala ko pero nakuha ko na agad ang masaktan dahil pakiramdam ko, doon din ang kahahantungan ng mga hinala ko. Parang pinipiga ang puso ko. Ayaw kong paniwalaang niloloko niya si Mama. Pero kung paano sila magtinginan no'ng babae kanina, napakamakahulugan. Kung paano sila magbigayan ng ngiti, napakatamis. Kung paano sila kumilos, para silang mag-asawa.

Pagkababa ko sa tapat ng bahay namin, buong lakas ko pinakalma ang sarili ko, sinubukan kong huwag mag-iwan ng bakas ng pag-iyak at matanggal ang paghikbi. Ayaw kong ipakita kay Mama ang hitsura ko. Napakalalim ng nilabas kong hininga. Ilang minuto ko rin inayos muna ang sarili ko.

"Anak? Akala ko mga alas-nuwebe ka pa darating? Napaaga ka yata?" Tumayo siya sa pagkakaupo nang buksan ko ang pinto. Natigil siya sa panonood ng balita sa TV. Nang makita ko pa lang siya, nanglalambot na agad ang mga tuhod ko pero pilit kong huwag magpakita ng kahit anong emosyon sa mukha. Hindi ko na agad kinakaya kaya tinutulungan ko ang sarili kong huwag bumigay.

Hindi ko inaalis ang paningin ko sa kaniya.

Itong nanay ko? Ano pa bang mga bagay ang hindi nakikita ni Papa sa kaniya at sa ibang babae niya pa natagpuan? Maganda si Mama, maasikaso, maalaga, maalalahanin, lahat ng katangian ng isang ina, nagagampangan niya. Hindi ko tuloy mailarawan kung paano siya mawawasak kapag nalaman niyang niloloko siya ni Papa.

Humakbang ako palapit sa kaniya. Tumayo siya para lapitan din ako. Hinawakan ko ang mga kamay niya at hinimas ang mga likuran nito.

"Happy anniversary." Sinubukan kong ngumiti. Panay hiling ako na sana wala siyang mahalata sa mapait kong boses.

"May problema ba?" Ganoon nga siguro ang mga ina, mabilis makiramdam kapag may mali sa kanilang mga anak kahit anong gawin nito. Mariin akong napapikit at iiling sana pero kahit anong pigil ko, muling tinahak ng luha ko ang daang dinaanan nito kanina. "Bakit?" puno ng pag-aalala ang mukha niya nang bumigay ako sa harapan niya. "Anong nangyari?" Hinawakan niya ang makabila kong pisngi at diretso lamang ang tingin sa mga mata kong naglalabas ng tubig. Parang nanghihina ang katawan ko.

Nagsimula na akong humikbi. "W-Wala po." Dahan-dahan akong umiling. Gusto ko man aminin pero hindi ako handang makita kung paano siya masaktan kapag nalaman niya. Sinong anak ang gugustuhing makitang kinakain ng iba't ibang emosyon ang kanilang ina? Wala naman, 'di ba? Hangga't maaari itatago ko ang tungkol sa mga nakita ko. "Na-miss lang po kita." Hindi pagsisinungaling 'yon, totoo 'yon ngunit nagsinungaling pa rin ako dahil 'yon ang isinagot ko sa tanong niya.

Sumilay ang ngiti niya, pinusan niya mga luha kong gumugulong pa rin. Inipit niya ang mga hibla ng buhok kong nalalaglag sa likuran ng tainga ko. "Ito talagang batang 'to, miss na rin kita." Agad niya ako binigyan ng yakap at akin naman 'tong tinugunan, ang sarap ng yakap ng isang ina. Doon, mas lalo akong napaluha at yakap na yakap sa kaniya, parang ayaw ko ng kumawala at parang ligtas ako sa mga bisig niya.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon