44. Proyekto

210 9 0
                                    

Chapter 44: Proyekto

Erin

"Sorry," mahina ngunit buong emosyong sambit ni Papa bago idinikit ang palad nito sa likuran ni Mama. Kaniya itong hinagod. "Sorry. Please. Sorry," inuulit-ulit niya pa ito na para bang 'yon na lang salitang kaya niyang bigkasin.

Nandito ako mula sa malayo kung saan, tanaw ko sila. Noong pumasok si Papa ay sumunod na rin ako pero huminto agad ang mga paa ko at hinayaan siyang lapitan mag-isa si Mama. Papanoorin ko sa kung paanong paraan niya aayusin ang gusot na nagawa niya. Biglaan, oo pero hindi rin masasabi ang panahon. Kahit anong pilit niya itago kay Mama ang totoo, kailangan niya pa rin itong malaman dahil kasalanang maituturing ang pagsisikreto. Ito na ang panahon para dito. Hindi pa man handa si Papa, wala na siyang magagawa. Kailangan nilang mag-usap dalawa. 'Yong hindi ako makisasawsaw. Wala man akong ideya kung paano si Papa magpapaliwanag pero umaasa akong maaayos niya rin ito agad.

Nandoon sila sa may kainan, walang tigil si Mama sa pag-iyak habang mahigpit ang hawak sa isang kahon ng tissue.

"Sorry, please," tuloy lang si Papa, samantalang walak imik si Mama. "Patawarin mo ako kung hindi ko nasasabi sa 'yo kung gaano kita kamahal."

Pumuwesto sa harapan ni Mama si Papa at lumuhod dito, inagaw niya ang kahon ng tissue na hawak ni Mama at ipinatong ito sa lamesa bago niya bahagyang damputin ang mga kamay nito. Hindi ito nag-apila. Hindi ko gaano naaaninag ang kabuuang mukha ni Mama dahil nakatalikod ito sa akin, tanging mukha lang ni Papa. Kahit hindi ko man makita si Mama, alam kong ayaw niyang salubungin ang diretsong tingin na ipinupukol sa kaniya ni Papa, namumula ang mga mata nito, naghahanda nang muling bumagsak ang mga luha. Kung ako ang tatanungin, naniniwala ako sa nag-uumapaw niyang pagsisisi. Totoo iyon. Kahit ngayon ko lang 'yon nakita, alam kong tunay ang nasa mukha niya.

Mariing hinalikan ni Papa ang pares ng mga kamay ni Mama at saka muling ibinalik ang tingin. "Pinili kong magkamali," kaniyang panimula. Ayaw pa rin siyang tingnan ni Mama ngunit nagpatuloy na siyang magpaliwanag. "Malaking tanong 'yon para sa akin, bakit ko pinili? Hindi ko alam ang ginawa ko. May ibang babaeng lumapit sa akin, pamilyado. Hindi na ako magsisinungaling, nadala ako. Hindi ko namamalayang unti-unting naaakit na ako pero mabuti, nahuli ako ng anak natin. Kung hindi, baka tuluyan na akong natukso. Sorry. Hindi ko alam. Patawarin mo ako, Mahal. Hindi ko alam na baka masira 'yong pamilya natin dahil doon. Ako 'yong may kasalanan ng lahat ng ito. Kaya please, huwag na huwag mong sisisihin sarili mo. Walang mali sa iyo, walang kulang sa iyo, ako 'yong may problema." Humigpit ang hawak niya kay Mama, samantalang ang kaniyang hinlalaki ang humihimas sa mga kamay nito.

Nanatiling nakaiwas tingin si Mama.

Pumatak na sa wakas ang luha ni Papa. "Inutusan ko anak mo na huwag sabihin sa iyo, ang sabi niya sa akin, hinding-hindi niya raw gagawin 'yon dahil ayaw niyang masaktan ka. Nakita ko si Erin, iyak na iyak sa harapan ko, sobrang apektado. Nakita ko 'yong sakit sa mukha niya. Hindi dahil sa mga sermon ko, kun'di dahil takot siyang malaman mo 'to. Sabi ko, tama, oo nga, ayaw kitang masaktan, pero ano 'tong pinasok ko? Hindi ako pinatulog no'n. Tanda mo noong gabing iyon, tinanong mo ako kung bakit ayaw ko pang matulog, 'yon ang iniisip ko. Hindi matahi-tahimik kalamnan ko. Naalala ko 'yong ipinangako ko sa 'yo sa simbahan noong ikinasal tayo, buong-puso akong nangako sa Diyos na iingatan kita, poprotektahan, hindi kita paiiyakan, hindi kita sasaktan, hindi kita hihiwalayan, magiging mabuti akong asawa sa 'yo. Bawal 'yon, eh. Hindi lang sa bawal dahil ikaw naman talaga 'yong totoo kong mahal. Ayaw kong magwatak-watak tayo. Matagal ko nang pinagpaplanuhan kung paano ko ito sasabihin sa 'yo kaso natatakot ako, hindi ka dapat nasasaktan. Maling-mali. Pero kagaya ng nasabi ko, araw-araw akong nakokonsensiya kaya siguro, kailangan kitang bigyan ng oras, pasasayahin kita, babawi ako, bonding tayo, gawin natin lahat ng bagay na ginagawa natin noon kahit mali pa rin iyon dahil may itinatago akong kasalanan," paglabas niya ng mga inipong salitang kailangang malaman ni Mama. "Tingnan mo ako, please."

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon