1. Pagbabanda

1K 28 0
                                    

Chapter 1: Pagbabanda

Erin

"Alas-dose na," malamig na bungad sa akin ni Papa nang buksan ko ang pintuan ng bahay. Ang pagiging seryoso at nakatatakot nitong mukha ang unang sumalubong sa akin. Napaawang ako ng bibig dala ng gulat.

Tuwid itong nakatayo habang nakaharap sa pintuan. Hindi ko inaasahang nandito siya ngayon. Ang buong akala ko ay nasa trabaho siya ngayong oras kaya nakampante akong hindi niya ako mahuhuli kapag tumakas at sumama ako sa contest na sinalihan ng mga kabanda ko. Akala ko, matiwasay na akong makauuwi at makararating sa kuwarto ko pero hindi pala. Malilintikan na naman ako nito.

Nakahawak pa ito sa suot niyang relo sa kanang braso, kunwaring tinitingnan kung anong oras na. Nakasuot siya ng puting sando at siguradong handa na siyang matulog ngunit mukhang hinintay niya pa ang pagdating ko dahil nandito pa siya sa sala. Nakasuot pa rin ito ng salamin. Kapansin-pansin na ngayon lang niya hindi nakasama si Mama tuwing nadadatnan nila ako. Sa katunayan niyan, maaga pa ako umuwi ngayon hindi katulad noon na inaabot na ako ng liwanag.

Napakagat ako ng ibabang labi. Tuluyan na akong pumasok at dahan-dahang isinarado ang pintuan at sumandal dito. Yumuko ako at mariing napapikit. Patay! Kutob ko na kung anong kahahantungan nito kaya kailangan ko nang ihanda ang sarili ko at tainga ko sa maaari kong marinig, sasabak ulit ako sa mga sermon niya.

Nagsimulang gumapang ang kaba sa buong katawan ko nang maramdaman kong idinerekta niya na ang kaniyang paningin sa akin. Ilan segundo muna siyang tumahimik na nagbigay pa lalo sa akin ng dobleng kaba.

"Hanggang kailan mo ba ako susuwayin?" kalmado niyang tanong ngunit bakas dito ang diin.

Ipinagbuhol-buhol ko ang mga daliri ko para maiwasan ang panginginig. Hangga't makakaya ko, sinusubukan kong huwag siyang tingnan dahil nakatatakot ang mga mata niya. Nakatatakot ang aura niya. Magkasalubong ang mga kilay niya habang nakahalukipkip.

Nagpatuloy siya. "Ilan beses ko bang isisiksik sa kokote mo na bawal kang umuwi nang ganitong oras?!"

Napalunok ako. Itinaas na niya ang kaniyang boses katulad ng palagi niyang ginagamit sa tuwing nahuhuli niya akong umuwi nang dis oras ng gabi. Sermon na naman ang naabot ko. Hindi ko na mabilang sa mga daliri ko kung ilang beses nang umaabot sa ganito. Tuwing magkikita kami dito sa bahay, palaging ganito ang senaryo. Gigising ako ng umaga at wala na siya. Uuwi ako ng gabi at hinihintay niya ako para sigawan. Napakaistrikto niya sa akin at naiintindihan ko naman kung bakit pero hindi ko gusto kung paano siya maging mahigpit. Nakasasakal.

"Bakit ba ayaw mo akong sundin? Ayaw mong makinig?! Paulit-ulit ka na lang nagiging ganyan! Alam mong delikado na sa labas nang ganitong oras pero pasaway ka pa rin. Paano kapag napahamak ka sa daan?!" tuluy-tuloy niyang sabi. "Pagod ako ngayon galing sa trabaho pero hinintay pa rin kita dahil nag-aalala ako para sa iyo. Tandaan mo, babae ka! Maraming loko-loko diyan sa daan."

Unti-unting namumuo ang tubig sa ilalim ng mga mata ko. "S-sorry po." Ang babaw talaga ng mga luha ko. Kahit paulit-ulit ko iyon naririnig, hindi ko pa rin maiwasan ang matakot. Hindi pa rin ako nasasanay sa sermon niya.

"Naglakwatsa ka naman ba? Saan ka nanggaling?" tanong niya. "Sagot!"

Kahit nanginginig ang labi, hinanap ko pa rin ang lakas upang magsalita. "Sumali po kami sa isang song writing competition po ng kabanda ko," pag-amin ko, umiiwas pa rin ng tingin. Hindi ko siya maatim tingnan.

Humakbang siya nang isa palapit sa akin. "Talo?"

Natagalan akong sumagot. Napabuntong-hininga ako. Tanging tipid na tango lang ang kaya kong isagot.

when you disappeared at midnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon