Chapter 3

182 27 4
                                    

P A U M I


“May I take your order, ma'm?”

Tumingin naman muna siya sa menu bago isa-isang binanggit ang order niya. Nakinig ako sa kaniya nang maiigi habang sinusulat sa papel ang order niya.

“Just to be clear po, isang set ng chicken wings, one bowl of fried rice at iced tea,” pag-ulit ko sa sinabi niya.

Tumango lang naman siya sa'kin kaya kinuha ko na ang menu bago nagpasalamat at pumunta na sa may counter. Inabot ko lang ang pilas ng papel bago umalis at kumuha pa ng mga order sa ibang table.

Kanina pa tapos ang shift ko pero dahil nagdadagsaan ang mga tao ay pinagovertime muna ako ng manager namin. Nagtatrabaho ako sa isang casual dining restaurant. Nagpapart time ako para atleast hindi sayang ang kalahating araw na nakatunganga lang ako sa boarding house namin. Atsaka gaya ng sabi ko dati, tumutulong ako para makapag-aral ang nakababata kong kapatid.

Paulit-ulit lang naman ang ginagawa ko. Lilibot at pupunta sa mga bagong dating para magbigay ng menu, kukunin ang order nila, maglilibot ulit para maglinis ng lamesa. Wala naman akong nagiging problema pero hindi ko expected na may makakabunggo akong ganitong klaseng customer.

“I'm sorry po talaga, ma'am, hindi ko po talaga sinasadya,” pagpapaumanhin ko habang todo yuko.

Hindi ko naman talaga sinadya. Bigla siyang nagmamadaling lumabas ng restroom nung nabangga niya 'ko, natapunan ko tuloy siya ng isang pitsel ng iced tea. Pero dahil siya ang customer, siyempre siya ang laging tama.

“Bobo ka ba!? O sadyang bulag ka lang!?” inis na aniya habang pinupunasan ng tissue ang damit niya.

Nanatili lang akong nakayuko. “Pasensya na po talaga, ma'am. Kasalanan ko po dahil hindi ko po kayo nakita agad,” pagpapaumanhin ko ulit.

Marami nang nakatingin na customer sa'min kahit ang isa kong ka-crew ay tinulungan na 'ko sa paghingi ng tawad. Pero kahit anong gawin naming pagpapaumanhin ay hindi pa rin humihinahon ang boses niya.

“Alam mo ba kung ga'no kamahal ang damit kong 'to? Galing pa 'to sa Japan at kahit ibigay mo pa ang pagkatao mo ay hindi mo mababayaran 'to,” sambit niya habang dinuduro-duro ako.

Napahawak lang ako sa kamay ko at do'n ko lang napansin na nagsugat pala ito dahil sa bubog ng nabasag na pitsel. Pero hindi alintana sa'kin ang sakit dahil mas masakit ang pinagsasabi ng customer sa harap ko.

Alam ko naman na mahirap lang ako pero hindi naman niya kailangan ipamukha sa'kin 'yon. Pero hayaan na lang, sure naman akong hindi niya alam ang ginagawa niya. May naaamoy rin kasi akong alak sa kaniya kaya baka nakainom na 'to.

Yumuko lang ako sa kaniya at humingi ulit ng tawad habang tinitiis ang mga masasakit na salitang binibitawan niya. Hinga ka lang ng malalim, Paumi, nakainom lang siya.

“Anong po nangyayari rito?” pagsingit ng manager namin.

Pumagitna sa'min si ma'am Cyril bago nginitian ang customer. Naramdaman ko naman ang pag-alo sa'kin ng kasamahan ko kaya inangat ko lang ang tingin ko sa kaniya bago siya nginitian para sabihin na ayos lang ako.

“Ikaw ba ang manager? Pwede mo bang turuan 'yang babaitang 'yan na tumingin sa nilalakaran niya!? Napaka tanga eh,” galit nanaman na aniya.

Humingi lang din si ma'am Cyril ng paumanhin bago inintindi ang nangyari. “Pasensya na po talaga, ma'am. Sisiguraduhin ko po na hindi na po 'yon mauulit,” aniya.

Lumingon naman sa'kin si ma'am Cyril kaya humakbang ako papalapit at sumabay sa paghingi ng tawad sa kaniya. Pinaalis lang din ako ni ma'am Cyril at binulingan akong hintayin ko siya sa may staff room. Humingi lang ulit ako ng paumanhin bago ako sinamahan ni ate Kimn sa staff room.

Until It Fades Away [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon