CHAPTER - IV
Dumating na ang ikalawang araw ng pagsasanay ko sa ilalim ng mahigpit kong pinunong si Jotaro. Narito ako ngayon sa labas ng templo—sa may kakahuyan, at katulad ng kahapon; late na naman si Jotaro.
"Bukas, hindi na talaga ako gigising ng maaga, bahala na kung mabatukan." Naiinis kong sambit habang nakasandal ako sa ilalim nitong puno ng kaimito. Tahimik kong kinakain ang tinapay na pasikreto kong itinakas sa may kusina kagabi. Nakatingala ako sa madilim na ulap habang kumakain...
Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nalaman ko kahapon...
Kahapon [Flashback]
——————————————-
"Magaling! Nagawa mo na rin ng maayos—nasalo mo na itong bola..." Nakangiting sambit sa akin ni Jotaro habang iniaabot nito sa akin ang kanyang kamay, para tulungan ako sa pagtayo.
Ilang beses akong nadulas, sumubsob ang mukha at nabugbog bago ko naunahan ang pinuno sa pagsalo nitong bola, hapon na—halos takip silim na nga eh, pagod na pagod na ako. Mabuti na lang talaga at nagawa kong masalo itong bola mula sa mabilis na pagkilos nitong si Jotaro.
Dahan-dahan kong inabot ang kamay ng pinuno at mabilis naman niya akong inalalayan para makatayo, nakangiti ito. Madumi na rin ang suot niyang damit at kahit papaano ay may mga galos na rin ito sa mga braso—dala ng paulit-ulit kong pagsipa at pagsuntok sa kanya sa buong maghapon, ginawa ko kasi ang lahat ng paraan para naman hindi n'ya ako maunahan sa pagsalo ng bola; kaya lang sadyang napakabilis nitong si pinuno.
Mabuti na lang talaga at nagawa kong uhanan siya sa pagsalo ng bola. Mabuti na lang talaga...
"Konsentrasyon at lakas ng loob ang gusto kong ipahiwatig sa pagsasanay mo na 'to Kelvin, hindi lang para maging mabilis ka o malakas..." Sambit ni Jotaro, ibinato niya sa akin ang isang maliit na boteng may lamang tubig.
"Maraming mababangis na halimaw ang naglipana sa buong kagubatan ng Buruta, at karamihan sa kanila ay ninanais na mapasakamay ang baluting iniingatan ng mga Alan, maaaring makumbinsi mo ang Alan na ibigay sa'yo ang baluti; ngunit hindi nangangahulugang hindi ito magagawang kunin ng mga halimaw mula sa'yo sa oras na lumabas ka sa nayon ng mga Alan. Tuso at brutal ang pamamaraan ng pagpatay ng mga halimaw na nakakubli sa Burutan, kung sakaling manakaw nila mula sa'yo ang Baluti—anong gagawin mo?" Mungkahi ni Jotaro.
Tumango na na lang ako, hindi ko na magawang makapagsalita sa pagod at sakit ng katawan na nararamdaman ko—panay nga ang hingal ko eh.
"Kailangan mong maging mabilis at matapang, sabihin na nating taga-lupa ka lamang at marahil ay wala kang laban sa mga halimaw na 'yon, subalit may pambihira kang katangiang kakaiba sa lahat ng mga taga-lupa; at nararapat lamang na palakasin mo ito—lalo pa't narito ka sa Arentis... Kailangang maging malakas ang loob mo, ang Arentis ay punong puno ng mga kakaibang nilalang—mga mabibilis at makapangyarihang nilalang... Kailangan mong maging mas mabilis sa kanila, o kung hindi naman ay—kailangan mo silang sabayan, kailangan mong gawin ang lahat para mabuhay—kung sakaling manakaw mula sa'yo ang baluti ay kailangan mo itong bawiin, sa kahit anong paraan—'wag kang matakot, dahil kakambal ng karuwagan ang kamatayan o pagkasawi—kailangan mong maging matalino, alerto—kailangan mong mabuhay..." Sambit muli ni Jotaro.
BINABASA MO ANG
Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently Editing
AventuraIsang nakakatakot na alamat tungkol sa isang nilalang na kayang wasakin ang mundo at ibigay sa mga tao ang isang kalunoslunos na kamatayan, ang mabilis na kumakalat sa buong Arentis. Marami ang hindi naniwala, sa pag-aakalang isa lamang itong ala...