LVI - Balani

2K 94 31
                                    

CHAPTER - LVI



Arentis [Filler/Flashback]
[Third Person's POV]
--------------------------------------------


"...Walang ibang maaring makakuha ng kapangyarihan nito, kung hindi ako at ako lamang..."


Dagliang napahinto si Jotaro sa kanyang paglalakad, dito sa tahimik na pasilyo ng kaharian ng Arentis ng marinig niya ang pamilyar na boses na iyon. Sandali niyang pinag-isipang mabuti kung tama ba ang kanyang mga narinig, Marahan itong sumandal sa pader at manaka-nakang sumilip sa direksyon kung saan niya narinig ang pinagmulan ng pamilyar na boses...


Hindi naman maitago sa mga mata at reaksyon ni Jotaro ang pagka-gulat ng makita niya ang isang pamilyar na lalaki, na nakatayo sa ilalim ng puno ng Balete.


Si Nathaniel. 


"Subalit pinuno... Nakalimutan n'yo na 'atang nasa pangangalaga ng mahal na reyna ang sinumpang bato—sa papaanong paraan niyo makukuha ang Balani?" Tanong naman ng isang lalaking nakaupo at katabi ang mandirigmang si Nathaniel.


"Madali na iyan Nakuayen..." Nakangising sagot ni Nathaniel. "Tuluyan ng nahulog sa akin ang kalooban ng mahal na reyna, lubos na niya akong pinagkakatiwalaan... Kaunting panahon na lamang at siguradong sa akin na ipapaubaya ni Acacia ang pagbabantay sa sinumpang Balani..." Nagpakawala ito ng isang maikli at malamig na halakhak.


"Ano itong pinagsasasabi mo Nathaniel? May balak kang kunin ang Balani?"


Dali-daling tumayo ang dalawang mandirigma ng makita nilang lumabas ang punong mandirigmang si Jotaro, at ngayo'y marahang naglalakad papalapit sa kanila. Mariin ang pagkakatitig ng mga mata nitong nakatuon lamang sa direksyon ni Nathaniel.


"P-pinuno—?!" Gulat na gulat na bulalas ni Nathaniel na nang mga sandaling iyon ay magbibigay pugay sana sa kanyang pinuno, subalit nahinto ito ng muli na namang magtanong si Jotaro.


"Sabihin mo." Pasigaw na tanong ni Jotaro. "Ano itong narinig kong balak mong kunin mula sa kaharian ang Balani?" Mabilis nitong inilabas ang espadang kahoy na nakasabit sa kanyang tagiliran at dali-daling itinutok sa leeg ni Nathaniel.


"Hmm?"


Tumaas lamang ang kilay ni Nathaniel na sinundan pa ng mapang-uyam na pagngisi. Lalong nanlisik ang mga mata ni Jotaro dahil dito.


"Kung gayon ay totoo nga—" Ngitngit ni Jotaro. "Tampalasan ka! Isa kang traydor Nathaniel!" Itinaas nito ang hawak-hawak niyang espadang kahoy at marahang bumuwelo, subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi magawang pakawalan ni Jotaro ang naka-amba niyang pag-atake.


"Hmm?" Nakataas ang kilay na tanong ni Nathaniel. "Bakit hindi mo ituloy? Hinding hindi naman ako lalaban..." Ngumisis muli ito.


Napapikit at napabuntong hininga na lamang si Jotaro at mabilis na ibinalik sa upak na nakasabit sa kanyang tagiliran ang sandata nitong espadang kahoy; bumuntong hininga muli ito at tinalikuran ang dalawang mandirigma.

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon