LXV - Ang katotohanan

2K 97 24
                                        

CHAPTER - XLV 


Hinding hindi ko makalimutan ang mga reaksyon nina Jotaro, Acacia, Geret, ng mga pinsan kong sina Paolo at kuya Gayle; habang pinakikinggan nilang mabuti ang pagkukwento ni Tatang patungkol sa totoong dahilan ng ginawang pagnakaw ni Bakunawa sa sinumpang bato ng Balani...

"Ang totoo niyan ay, ginagampanan pa rin ni Nathaniel ang kanyang sinumpaang pangako na pangalagaan at panatilihin ang kapayapaan dito sa Arentis, at ang mga ginawa niyang pagsalakay sa tatlong batang taga-lupa'y isa lamang paraan upang pigilan sila sa tiyak na kapahamakan—kapahamakang magtutulak sa kanila sa tiyak na kasawian sa kamay ng halimaw na si Minukawa..." Humahangos na bulong ni Tatang habang hawak-hawak naman ni reyna Acacia ang nanginginig nitong mga kamay...

Binalingan ko ng tingin ang duguan at walang malay na katawan ni Bakunawa na nakahimlay naman katabi ni Tatang, butas at duguan ang dibdib nito nang katulad ng sa matanda—dahil na rin sa malalim na pagkakatagos ng ibinatong sibat ni Jotaro sa kanila.

Hindi na humihinga si Bakunawa... Kumpara kay tatang na siyang unang sumalubong at tumanggap sa matalim na tulos ng sibat ay mukhang mas napuruhan itong si Nathaniel...

"Pero, bakit hindi ito nabanggit sa akin ni Nathaniel?" Tanong ni Acacia. "Bakit hindi man lang n'ya naisip na ipaliwanag sa akin ang lahat? Na nagawa lamang niya ang mga bagay na ito upang iligtas ang buong Arentis, laban sa tangkang pagsugod ni Minukawa?!" Bulalas niya.

"Dahil mas inisip niyang, sarilinin na lamang ang nalalaman niyang tangkang paglusob ni Minukawa..." Giit naman ni Jotaro. "Alam niyang takot at pangamba lamang ang mananaig kung sakaling kumalat ang balitang muling mabubuhay at sasalakay ang halimaw na minsan ng sumira sa katahimikan ng Arentis... Matalino siya... Subalit hindi ganoon katalino—hindi niya dapat sinarili ang ganitong klase ng pagsubok..." Mungkahi niya.

Binalingan siya ng tingin ng naghihinalong si Tatang.

"Siyang tunay, Jotaro..." Bulong nito. "Isang mapangahas na hakbang ang ginawang paglilihim na ito ni Nathaniel... Isang magiting, subalit mapangahas na hakbang... Masyado siyang nasilaw sa mga papuring kanyang naririnig mula sa mga tao, na inakala niyang kaya niyang tapusin ng mag-isa ang buhay ng muling nagbabalik na si Minukawa... Hindi man lamang niya naisip na may mga ilang nagnanais na tulungan siya sa kanyang adhikain..." Bulalas nito.

"Subalit totoo naman ang mga papuring kanyang natatanggap hindi ba? Siya ang pinakamalakas sa lahat ng mga punong mandirigmang itinalaga ng kaharian!" Bulalas ni Geret.

"At isa 'yon a mga dahilan, kung bakit minabuti niyang gawin ang mga hakbang na ito ng mag-isa..." Saad ni Jotaro. "Masyado siyang naging bilib sa kanyang sarili..."

"Dahil na rin sa ginawang ito ni Nathniel ay napukaw ang atensyon natin sa Balani at hindi sa muling pagbabalik ng halimaw na si Minukawa, inakala nating siya ang kalaban... Nagawa pa natin siyang kalabanin—hindi man lamang natin nakitang ang tanging dahilan ng mga naganap na labanan sa pagitan ng mga bata at ng kanyang pangkat, ay para rin hindi na sumulong ang mga bata palapit sa halimaw..." Dagdag ni tatang.

"Iniligtas niya ang mga bata?" Tanong ni Acacia. Tumango naman si Tatang.

"Bata..." Lumingon sa aming magpipinsan si Tatang. Dali-dali kaming lumapit. "Noong unang beses na nakalaban ninyo ang pangkat ni Bakunawa sa inyong lugar, ay isa lamang sa mga paraan ni Bakunawa upang iligtas kayo sa kamay ng halimaw na si Minukawa. Naroon s'ya noon—at kung hindi ako nagkakamali'y naroon siya upang tugisin at kitilin kayo, dahil kayo lamang ang makapipigil sa kanya—gaya nang nabanggit sa propesiya. Katulad rin ng dahilan ng pakikipaglaban natin sa kanya sa Eringkil... Nagkamali tayo ng hinala... Hindi magkasapi sina Bakunawa at ang halimaw na si Minukawa... Kung hindi magkalaban..." Ngumiti siya.

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon