XLIII - Manggagapas

1.8K 111 17
                                    

CHAPTER XLIII



Sandaling napalibutan kami ng mga kawal ng Riasotera, tumingin-tingin ako sa paligid at nagbaka-sakaling may pwede pa kaming daanan para makatakas, pero talagang wala—ultimo sa bubong meron.


"Patay tayo d'yan." Bulong ko habang marahan kong inilalapat ang likuran ko sa likod ni Je'il at ng pinuno naming si Jotaro.


Nagsama-sama kami at marahang pinagmamasdan ang mga kawal, kalmado ang mga mukha nila pero halata sa mga mata nila ang pagiging alerto at handa. Isama mo pa 'yung mahigpit na pagkakahawak nila sa mga sandata at kalasag nila; isang maling galaw lang, siguradong kalaboso kami.


"Sabihin n'yo, anong kaguluhan ito?"


Isang boses na galing sa isang matandang lalaki ang biglang umalingawngaw mula sa mga nagkukumpulang kawal na nakapalibot sa amin. Kasunod nito ang mabilis na paghihiwalay ng mga kawal upang magbigay daan sa isang matandang lalaking nakasuot ng asul na kalasag at baluti, kamukha rin naman ng mga kawal ang disenyo ng suot n'ya—'yun nga lang kulay asul.


Marahang naglakad patungo sa harap ng mga kawal ang lalaki, na naisip ko namang pinuno ng lahat ng mga kawal na narito, dahil isa-isa silang nagsi-saludo habang dahan-dahan niyang nilalampasan ang mga ito.


Lalo akong kinabahan, napalunok ako.


Maliit, matangos na may kalakihan ang ilong, may makapal na bigote at mahabang pilan sa kanyang kanang mata kung saan ang haba nito ay nagmumula sa kanyang noo hanggang sa kanyang pisngi. Mahaba ang buhok nito na maayos at mahigpit namang nakapuyod at nakasuot ito ng salamin.


Hawak nito ang isang malaking palakol at hindi katulad ng mga kawal; wala itong hawak na kalasag.


"Anong kaguluhan ito?" Tanong sa amin ng matandang lalaki. "Ako si Galur, ang pinuno ng mga kawal dito sa kaharian at kasama sa pitong mandirigma ng Riasotera." Dagdag nito.


Mabilis nitong ibinaling ang paningin niya sa akin. Mabuti na lang talaga naka-ninja suit ako. Magsasalita na sana ako ng biglang sumabat naman si Je'il.


"Naku! Pasensya na ho sa kaguluhang nangyari—" Sagot ni Je'il habang marahang kinakamot ang kanyang nakataklob na ulo. "Ang totoo po niyan ay ipinagtanggol lang ho namin ang mga sarili namin mula sa kanila, tahimik po kaming naglalakad rito—bigla na lang nila kaming hinarang." Dagdag niya.


"Opo!" Sabat ko naman. "Kinursunada po kami ng mga 'yan." Dagdag ko.


Kumunot ang noo ni Galur sa amin at marahang binalikan ng tingin ang mga nakahalandusay na lalaki sa kalsada, umiling-iling ito at marahang lumingon pabalik sa amin.


"Sigurado ba kayo?" Tanong nito.


"Opo!" Mabilis at sabay kaming sumagot ni Je'il.


Subalit tila ba hindi kumbinsido sa amin si Galur, marahan itong naglakad papalapit sa amin at huminto sa harap ni Jotaro na ng mga oras na 'yon ay nakatakip pa  rin ng balabal ang mukha.

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon