CHAPTER XVI
Nagpatuloy kami sa paglalakad; ako, si Je'il at ang kanina pang nagpupumiglas na Undin. Malayo-layo na rin ang nilakad namin at pakapal na rin ng pakapal ang hamog habang sinusuong namin ang masukal at madilim na kagubatan ng Buruta.
Mukhang jungle nga 'to eh. Hindi ito kamukha ng Elmintir na punong puno ng mga naglalakihang puno ng balete at mangga; hinding hindi nagkakalayo ang Buruta sa Tanlimook, mas marami pang damo dito at kawayan kumpara sa mga punong namumunga ng mga prutas.
Baging, lumot, mga natuyong dahon at iba't ibang mga hayop tulad ng bayawak, uwang at ahas ang madalas kong makitang nagkukubli sa mga kawayan at dahuhang pumapalibot dito sa Buruta. Tahimik ang paligid-wala kaming marinig na ibang ingay kung hindi ang maya't mayang pag-gapas ni Je'il sa mga nagtataasang damo, mga yabag at kaluskos ng mga paa namin at ang maya't mayang pagsigaw nitong Undin.
"Isa pa talaga kakaltukan na kita." Banta ko sa Undin.
"Kiii... Magpa-"
"Hep! Ano? Magsasalita ka pa?" Banta ko ulit.
"Kii-"
"Sige-isa pa, magtuturo lang ng daan; napakadami mong dakdak." Bulalas ko. Narinig kong humagikgik si Je'il.
Kumunot lang ang noo ng Undin at matalim akong tinitigan ng kanyang mga dilaw at nanlilisik na mga mata. Hindi na ito nagsalita at nagpatuloy sa paglalakad.
Pakapal ng pakapal ang hamog habang papalapit naman kami ng papalapit sa pusod nitong kagubatan, tinatahak lang naman namin ang mga direksyong itinuturo ng Undin. Hindi pa nga ako sigurado kung nagsasabi ba 'to ng totoo o lalo lang kami nitong nililigaw. Mas lalo ko tuloy hinigpitan ang pagkakahawak ko sa dulo ng lubid na nakagapos sa katawan ng Undin.
"Malapit na ba tayo?" Tanong ko sa Undin.
"Kiii... M-malapit na." Nauutal na saad ng Undin.
Mabilis kong hinila ang dulo ng lubid na hawak ko na siya namang naging dahilan ng biglaang pagkakasubsob ng Undin sa masukal na lupa.
"'Yung totoo? Malapit na tayo?" Tanong kong muli.
Subalit imbes na sumagot ang Undin, ay isang 'di pamilyar na boses ang dagliang umalingawngaw sa paligid.
Dali-dali kaming nagpalinga-linga ni Je'il-nagkatitigan kami.
"Ano ang inyong pakay at naparito kayo sa kagubatan ng Buruta?"
Isang nilalang na nakaupo at tila ba namamahinga sa itaas ng puno ng kamagong ang kaagad naming nakita ni Je'il, nanlaki ang mga mata ko sa itsura ng nilalang na 'to-lalo na ng dahan-dahan nitong inilingon ang ulo nito sa direksyon namin.
Malaki ito at halos nasa anim na talampakan ang taas, matipuno ang katawan at mamulamula ang balat; may mahahaba at dilaw na mga kuko ang mga daliri nito sa magkabilang mga kamay at talampakan, may mahaba at puti itong buhok na umaabot hanggang sa kanyang mga balikat, puti rin ang makapal nitong mga kilay, ang mga mata nito ay kahawig ng sa mga lawin-dilaw at nanlilisik. May mahaba at payat itong ilong, malapad ngunit patusok na mga tenga, manipis ngunit kulay itim na mga labi... At malaki at kulay itim na mga pakpak.
"Ano ang inyong pakay dito sa kagubatan ng Buruta?" Tanong muli ng nilalang. Dahan-dahan itong bumaba mula sa puno at marahang naglakad patungo sa kinatatayuan namin ni Je'il.
Napalunok ako. Nakaramdam ako ng kaunting kaba.
"Hmm? Hindi ba kayo magsasalita?" Sambit muli ng nilalang.
BINABASA MO ANG
Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently Editing
MaceraIsang nakakatakot na alamat tungkol sa isang nilalang na kayang wasakin ang mundo at ibigay sa mga tao ang isang kalunoslunos na kamatayan, ang mabilis na kumakalat sa buong Arentis. Marami ang hindi naniwala, sa pag-aakalang isa lamang itong ala...