L - Ang kwento ng huling Saserdote

1.9K 95 19
                                    

CHAPTER - L



"Ang ibig mong sabihin... Mag-iisang linggo ka ng walang kain at matinong tulog n'ong nakita kita sa Eringkil?" Tanong ko kay Kheena habang paulit-ulit kong hinahawi ng espada kong kahoy ang mga nagkakapalang damo at halamang nakaharang sa dinaraanan namin.


Nasa loob na kami ng kagubatan nitong munting isla ng Tanauwi at isa lang ang napansin ko: puro nagtataasang mga niyog lang ang kadalasang mga puno rito, may mga ibang puno naman tulad ng mangga, kaimito at duhat—pero mas marami pa rin 'yung bilang ng mga niyog at nagkakapalang mga damo naman ang nagkalat sa buong paligid.


Karaniwan ring maririnig ang tawag ng mga tuko, huni ng mga ibon at ingay ng mga palaka at kuliglig kahit na napakataas pa ng sikat ng araw, wala naman akong makitang ibang mga hayop bukod sa mga paru-paro at tutubi.


Naisip ko ngang parang napaka-lungkot naman nitong isla at para bang wala namang nakatirang tao rito. Tahimik ang buong kagubatan; kami lang 'ata 'yung maingay dito e.


"Oo, gaya n'yo—gaya mo; hinahanap ko rin si Minukawa." Kalmadong sagot sa akin ni Kheena. Daglian siyang huminto para pulutin ang ilang mga nagkalat na tuyong mga sanga at mabilis 'yong iniabot sa akin.


Inutusan ko kasi s'ya eh. Hindi naman sa hindi ako gentleman, pero narito ako sa kagubatan dahil inutusan ako, sumama s'ya—kailangan n'ya rin tumulong 'no.


Makisama s'ya.


"Teka—anong sabi mo? Hinahanap mo rin si Minukawa?" Sagot ko ng marinig ko ang sinabi ni Kheena.


Bigla kong naalala 'yung eksena sa bulkang Griton kung saan naroon rin si Kheena at sa pangalawang pagkakataon eh iniligtas na naman niya ako mula sa tiyak na kamatayan, doon na rin s'ya nawalan ng malay.


"Bakit?" Tinaasan ko s'ya ng kilay.


Sandaling nanahimik si Kheena, huminga ito ng malalim at dahan-dahang humarap sa akin. "Dahil malaki ang kasalanan ni Minukawa sa akin..." Sambit n'ya. "Pinaslang n'ya ang ama ko..."

Nagulat ako sa sinabing 'yon ni Kheena at napansin ko ang poot na dahan-dahang bumalot sa kanyang mapupungay na mga mata, kapansin-pansin rin ang marahang pag-tiklop ng kanyang mga kamao.


"P-patawad... Hindi ko alam..." Nauutal kong sambit. "P-pero, ayos lang ba kung itatanong ko kung anong nangyari? Ayos lang din naman kung ayaw mong pag-usapan—hindi naman kita pinipilit." Pasubali ko.


Umiling naman si Kheena at mabilis akong nginitian.


"Hindi. Ayos lang..." Saad n'ya. "Ikukwento ko rin naman sa inyo ang tungkol sa misyon ko—" Sambit n'ya. Hindi na ako nagsalita at hinayaan na lamang s'yang magpataloy...


                                                                                ***

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon