CHAPTER - XLV
Nanlaki ang mga mata kong halos hindi kumurap habang pinagmamasdan ang dahan-dahang pag-iiba ng anyo ng pinuno naming si Jotaro. Nakaramdam ako ng pangingilabot, nanlaming ang mga dulo ng mga daliri ko sa magkabilang kamay at talampakan, nagsimula ng manginig ang mga tuhod ko, lumakas ang kabog ng dibdib at halos hindi ko na alam ang gagawin.
Nagsisimula—mali, takot na ako. Takot na takot.
Naging puti ang mga balahibo ni Jotaro, lalong mas naging matipuno ang malaking katawan nito; lumaki ang mga braso at binti niya, maging ang mga matutulis nitong mga kuko at pangil ay humaba na rin at tila ba kayang humiwa ng laman ng walang kahirap-hirap. Ang kalmadong mga mata nito'y dagliang nanlisik at naging pula.
Hindi na si Jotaro ang nilalang na ito. Kung hindi isang diyablo...
Isang diyablong minsan ay nakita na ng mga mata ko at isa sa mga nilalang na ayoko ng muli pang makita...
"MINUKAWA!!!" Sigaw ni Jotaro ng mabilis itong nawala sa gumuhong lupang kanina'y kinatatayuan niya at ngayon ay nasa itaas na, at naka-amba ang nagngangalit nitong kamao na handang handa ng atakihin ang dambuhalang halimaw.
Sandali namang ibinuka ng halimaw na si Minukawa ang kanyang higanteng tuka at nag-ipon ng pwersa upang magpakawala ng isang higanteng bolang apoy mula rito. Mabilis niya itong pinakawalan sa direksyon ni Jotaro na kamangha-mangha namang iwinasiwas lamang niya gamit ang kanyang kaliwang kamay, dahilan upang tumilapon ang bolang apoy patungo sa kakahuyan.
"ARKH—!!!" Daing ni Minukawa.
Isang napakalakas na suntok ang buong lakas na ipinatikim ni Jotaro sa dambuhalang halimaw, lumapat ito sa bungo ng halimaw na kaagad namang nanghina at ngayo'y pagewang gewang ang ulo't tila ba hindi nakayanan ang pinsalang natamo niya sa atakeng pinakawalan ni Jotaro.
Subalit hindi pa natatapos dito ang lahat, dahil muli na namang umatake ang pinuno. Matapos itong makabalik sa lupa ay muli na naman itong tumalon patungo sa dambuhalang ibon, nang makalapit siya kay Minukawa ay kaagad niyang niyakap ang mahabang leeg nito at mabilis na pinagkakalmot gamit ang mga matutulis niyang mga kuko. Ginawa niya ito ng marahas at paulit-ulit.
Dahilan upang sumambulat ang dugo mula sa napakalaking sugat na ngayon ay makikita sa leeg ng dambuhalang si Minukawa. Patuloy pa rin sa pagkalmot si Jotaro at isa isa na niyang hinihinila ang mga duguang litid at ugat ng halimaw.
Unti-unti ng bumababa mula sa itaas ang nanghihinang si Minukawa, mukhang napuruhan na ni Jotaro ang halimaw.
"Tapos na 'ata..." Bulong ko.
Subalit nagkamali ako.
Mabilis na ipinagaspas ni Minukawa ang dambuhala at nagliliyab niyang mga pakpak, dahilan para muling lumagaslas ang napakalakas na hangin sa kinatatayuan namin ni Je'il. Nagsisayawan ang mga naglalakihang puno dito sa kakahuyan, kumalat ang mgan atuyong dahon at sanga at muling nagliparan ang mga maliliit na piraso ng bato at alikabok.

BINABASA MO ANG
Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently Editing
AventuraIsang nakakatakot na alamat tungkol sa isang nilalang na kayang wasakin ang mundo at ibigay sa mga tao ang isang kalunoslunos na kamatayan, ang mabilis na kumakalat sa buong Arentis. Marami ang hindi naniwala, sa pag-aakalang isa lamang itong ala...