XXV - Sumpa

2.2K 104 16
                                        

CHAPTER - XXV



Flashback [Filler]

[Third Person's POV]

———————-


Puno ng mga hindi mabilang at nagkikislapang mga bituin ang buong kalangitan, maliwanag ang sinag buwan na nagbibigay liwanag sa madilim at payapang kaharian ng Arentis. Ang lahat ay mahimbing na natutulog sa kanilang mga papag, habang niyayakap ang malambot na unan; ang ilan ay nakatalukbong ng makapal na kumot habang ang iba naman—lalo na ang mga matatanda ay papatulog pa lamang.


Malamig ang simoy ng hangin, maaliwalas ang kalangitan, payapa ang lahat. SIno nga ba naman ang makapagsasabing paparating na pala ang isang delubyong sisira sa buong kaharian?


Mula sa hindi kalayuan ay mabilis na lumilipad sa kalangitan ang isang dambuhalang halimaw, isang napakalaking ibon na inakala ng lahat na matagal ng nawala at napapabilang na lamang sa libro ng mga alamat.


Isang dambuhalang ibon na may hindi masukat na kapangyarihan at lakas, isang halimaw na kinatatakutan ng lahat; kahit na ng mga pinakamalakas na mandirigma at baylan.


Ang halimaw na si Minukawa.


Mabilis na ipinapagaspas ni Minukawa ang kanyang mga pakpak na nagdudulot ng napakalakas na hangin na siyang nagpasayaw sa mga naglalakihang puno sa ibaba, matalim na nakatingin ang mga mata nito sa kaharian ng Arentis.


Kung ano man ang pakay nito sa payapang kaharian ay walang nakakaalam...


Kasalukuyan namang nasa hardin ng lumulutang na bulwagan ni Acacia ang baylan na si Lucas at ang Talimao na si Jotaro; nakangiti silang nakikipagpalitan ng atake sa isa't isa at tila ba nasisiyahan sa kanilang pakikipag-buno.


"Tsk, ano bang iniisip mo't parang ang bagal mo namang 'atang kumilos ngayon Lucas?" Humihingal na sambit ni Jotaro habang nakaluhod ito sa damuhan at nakatingin kay Lucas.


"Bumagal ka rin naman ah? O baka naman senyales 'yan ng katandaan?" Nakangiting sambit ni Lucas, naupo ito sa tabi ni Jotaro at sinindihan ang kanyang pipa na kinuha niya mula sa kanyang suot na balaba.


"Tss. Ikaw lang matanda dito." Biro ni Jotaro habang pinagmamasdan si Lucas; hindi pa naman ganoon katanda si Lucas, hindi pa kulay puti ang mahaba nitong balbas. Tumayo si Jotaro at marahang naglakad patungo sa napakalaking pinto ng bulwagan.

"Saan ka pupunta?" Tanong ni Lucas.


"Kukuha ng maiinom." Sagot ni Jotaro.


"Kukuha ng maiinom..." Bulong ni Lucas. "Makikipagkita ka lang kay Acacia eh." Biro i Lucas. Napahagikgik ito at naubo.


"ANO?!" Nakasimangot na sagot ni Jotaro, namula ng bahagya ang mga pisngi nito.


Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon