CHAPTER - II
Nagpunta kami sa isang malaki at lumang templo. Luma na subalit kakikitaan pa rin ng pagiging matibay ang buong gusali, kahit na ba halatang matagal na itong abandonado. Malawak at halos parisukat ang hugis nito na pinapalibutan ang isang malawak at maalikabok na lupain na may nakatayong mga troso sa gitna—doon kami nagsasanay.
May siyam na kwarto ang buong templo, subalit apat lamang ang ginagamit namin—kaunti lang kasi kami sa tribo; dalawang silid ang ginamit naming tulugan, isang silid para sa kusina. At isang napakalaking silid para kay Jotaro, ang aming pinuno.
Noong unang beses kong makita itong lugar, inakala kong nasa ibang bansa ako eh; malaki kase ang pagkakahawig nitong templo sa mga dojo sa Japan. Yari sa kahoy ang bawat pundasyon at mga dingding, ang mga pinto at bintana naman ay sliding na may mga puting piraso ng capiz; kahoy din ang sahig na madalas kong pakintabin sa umaga sa tuwing wala akong misyon at maiiwan ako dito kasama ni Je'il. Bubong lang ang yari sa bato—at napapalibutan na rin ito ng lumot.
Nakakubli ang templong ito sa gitna ng kakahuyan ng Tanlimook, napapligiran ito ng nagkakapalang mga kawayan, sobrang kapal na halos hindi na namin mawari ang pinagkaiba ng umaga sa gabi—palaging madilim; tanging mga ilaw lamang mula sa mga alitaptap na ikinulong namin sa mga maliliit na bote ang nagsisilbing liwanag nitong templo. Wala kasing dapat na makaalam ng sikretong lugar na ito.
Kung bakit? Hindi ko rin alam. Marahil siguro ay dahil sa mga bandido kami—mga tulisan, mga nilalang na binabayaran ng salapi para lamang maisagawa ang mga bagay na hindi kayang gawin ng normal na tao—oo, tao ang tawag kadalasang tawag sa mga walang kapangyarihang nilalang na namumuhay dito sa Arentis.
Parang ako, tao. Nagkataon lang na hindi ako dito ipinanganak at lumaki. Nanggaling ako doon—sa mundo ng mga taga-lupa. Gulat ka 'no? Kahit ako nung una eh, akala ko kasi lahat ng nandito sa Arentis may kapangyarihan.
Pero nagkamali ako. Tulad ko, piling pili lang pala talaga sila. Tulad ko, piling pili lang ang mga nilalang dito sa Arentis na biniyayaan at taglay ang kakaibang kapangyarihan. Maliban na lang siguro kung ipinanganak ka sa isang tribo—kunyare mga Talimao, o kaya naman eh ipinangak kang isang Engkantado.
Pero 'yun nga kadalasang ang tawag sa mga namumuhay dito eh tao. Mukha din naman silang normal na taga-lupa, 'yun nga lang—medyo mahaba ang mga tenga. Pero sabi ko nga, mukha pa rin silang normal na taga-lupa sa unang tingin.
Ngayon, pakiramdam ko parang walang pinagkaiba ang Arentis at ang mundong pinanggalingan ko.
Nagkataon lang na sa mundong 'to, matiwasay na namumuhay at nagsasama ang mga tao at mga nilalang na may pambihirang lakas at mahika.
"Kailan pa dumating ang mensahe? Sinong nagpautos?" Tanong ko kay Je'il habang naglalakad kami dito sa pasilyo nitong lumang templo, papunta kami sa bulwagan—ang pinakamalaking silid dito sa buong templo; dito kami nagpupulong pulong sa tuwing may ibibigay na misyon sa amin ang aming pinuno, dito na rin kami kumakain.
"Mensahe? Walang dumating na mensahe." Sagot naman ni Je'il habang nakapataong ang mga kamay nito sa likod ng kanyang ulo, habang naglalakad kami. "Espesyal ito. Galing mismo kay Jotaro ang misyong ito." Ngumiti siya at humgikgik.
BINABASA MO ANG
Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently Editing
AventuraIsang nakakatakot na alamat tungkol sa isang nilalang na kayang wasakin ang mundo at ibigay sa mga tao ang isang kalunoslunos na kamatayan, ang mabilis na kumakalat sa buong Arentis. Marami ang hindi naniwala, sa pag-aakalang isa lamang itong ala...