XII - Kirok: Ang siyudad ng mga mang-uumit

2.3K 121 22
                                        

CHAPTER XII

Inabutan na kami ng hapon mula sa mabagal at napakatagal naming paglalakbay pababa ng bundok, ewan ko ba—napakabagal nitong Morgul. 

Pero ayos lang naman, dahil nabusog naman ang mga mata ko habang pinagmamasdan ko ang luntiang mga kakahuyan at asul na kalangitan habang binabaybay namin ang matarik na bundok, nakakatuwa pa nga at ngayon ko lamang nalaman na may malalawak pa lang karagatan itong Arentis.

May ilan din akong nakitang mga isla sa gitna ng malawak na karagatan.

"Maraming isla angsakop ng kaharian ng Arentis, ang Riasotera, Magbalungen, Barlibag at iba pa. Nagkataon lang na ang Arentis ang nangunguna at ang pinakamalakas na kaharian—sagana ang islang ito sa lahat ng klase ng likas na yaman, at ang sino man na nanunungkulan bilang hari o reyna ng Arentis ay ang siyang pinaka pinuno ng lahat ng mga kaharian sa daigdig na ito. Ito ang dahilan kung bakit ipinangalan na rin sa islang ito ang daigdig naming ito." Bulalas ni Je'il habang nakaupo ito sa itaas ng ulo ng Morgul at malumanay na nangungutsero.

"Ah... Ganoon pala..." Bulong ko habang marahang tumatango.

Ibinaling kong muli ang mga mata ko sa ganda ng kalikasang kanina ko pa pinagmamasdan habang nakaupo ako sa tabi ng napakalaking bintana nitong kubo. Maaliwalas ang panahon, medyo mainit nga lang; pero ayos na rin.

"Malapit na tayo." Dinig kong sigaw ni Je'il mula sa labas.

Dali-dali akong bumaba mula sa papag na inuupuan ko at dumiretso palabas ng kubo upang puntahan si Je'il, na noon naman ay itinuturo sa akin ang isang munting siyudad sa may hindi kalayuan. Malayo layo pa naman kami pero hindi ko maitatangging napangiti ako sa galak ng makita ko ang munting bayan na 'yon.

Hindi na ako pumasok pang muli pabalik ng kubo, na-excite talaga ako ng makita ko ang siyudad na 'yon. Lalo pa ng dahan-dahang umusad ang sinasakyan naming Morgul papalapit dito.

"Wow." Bulalas ko.

Napapalibutan ng mahahaba at nagtataasang mga bakod na bato ang buong siyudad habang ang tarangkahang sumalubong sa amin ay yari sa bakal, hugis arko ito na may naka-ukit na letra sa itaas.

Ang kaso lang, hindi ko maintindihan ang nakasulat.

"Anong nakasulat doon? Nasaan na ba ta'yo?" Tanong ko kay Je'il.

"Nakalimutan mo na 'ata ang habilin sa atin ni Jotaro eh!" Natatawang sagot ni Je'il. "Nasa Kirok na tayo." Humahagikgik na sambit nito.

Hindi na lang ako sumagot. Ang totoo n'yan nakalimutan ko talaga, masyado kasing maganda ang tanawin sa paligid; na sa sobrang ganda eh nagawa kong makalimot na nasa misyon pala kami—sorry naman.

"Tayo na sa loob at ng makapaghanap naman tayo ng bahay-pahingahan." Sambit ni Je'il na nauna ng bumaba mula sa Morgul.

"Ah, oo. Mabuti pa nga—nagugutom na rin ako." Saad ko na daglian na ring tumalon ay bumaba mula sa taranghakan nitong kubo na nakapatong sa itaas ng higanteng Morgul.

Itinali ni Je'il ang Morgul sa labas ng tarangkahan, doon sa parte kung saan may mga naglalakihang butas kung saan lumalabas ang maruming tubig na nanggagaling sa mga bahay-bahay dito sa siyudad; naglagay na rin siya ng napakaraming tumpok ng dayami sa harapan ng Morgul para naman may makain ito habang wala kami.

Pagkatapos noon ay pinasok na namin ang munting siyudad.

"Wow..." Bukambibig ko ng makita ko ang loob ng nasabing siyudad.

Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon