Marahan niya akong pinatayo at hindi ko napigilan ang sarili kong yakapin siya. Binaon ko ang aking mukha sa kaniyang dibdib at doon ko binuhos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.
Sa totoo lang naiinis ako sa sarili ko. Bakit ako umiiyak nang dahil doon, bakit ako nasasaktan? Pagkatapos niyang sabihin na layuan ko siya at 'yon naman ang bubungad sa'kin. Siguro tama siya.
Lalayuan ko na siya para magawa niya ang mga gusto niyang gawin. Hindi man niya sabihin pero ramdam ko na nagiginig sagabal ako sa kaniya. Tapos ang sabi niyang lalayuan ko si Ravi? Bakit ko naman 'yon gagawin?
Hindi ko siya lalayuan dahil tignan mo ngayon. Siya ang nandito sa'king tabi habang ako ay umiiyak at nasasaktan.
Hinila niya na ako palayo roon at magtatangka sana akong lingunin ang puwesto ni Joaquin ngunit mabilis niyang binawi ang aking mukha at seryoso akong tinitigan.
"Mas lalo ka lang masasaktan kapag lumingon ka pa," aniya at mabilis akong inilayo roon.
Pina-upo niya ako sa couch sa baba habang hindi niya pa rin tinatanggal ang pagkakayakap sa'kin.
"S-Salamat," bulong ko at dahan-dahang humiwalay sa kaniyang yakap. Mabilis ko namang pinunasan ang aking mga luha at pilit akong ngumiti nang tinignan siya.
"Nagagawa mo pa ring ngumiti kahit nasasaktan, huh," sarkastiko nitong kaya naglaho ang ngiti ko at nagbaba ng tingin.
"Ito lang ang alam ko para pagaanin ang pakiramdam ko," sagot ko. "Hindi naman masamang ngumiti kapag nasasaktan, ah?" At tinaasan ko siya ng isang kilay.
"Hindi masama pero nagmumukha namang pilit," aniya kaya tumahimik na lang ako.
Napanguso na lang ako at nagbaba ng tingin. Bumuntonghininga ako at mapait na ngumiti habang tinitignan ang mga taong naghihiyawan dahil nanalo yata ang isa sa kanila sa sugal.
"Tignan mo sila. Nanalo lang sila nang isang beses sa sugal ngunit paniguradong uulit at uulitin nilang sumugal hanggang sa wala na silang maitataya," seryoso nitong saad habang nakatingin din sa mga taong tumatalon sa saya.
"At mababaliw na sila kapag wala na silang pera," panunuya ko at sarkastikong ngumisi.
Ang sugal talaga ay laging naiihalintulad sa buhay ng tao. Hindi sila titigil hangga't hindi sila nagwawagi, titigil lang sila kapag wala na silang maitaya. Ang iba naman ay sumuko agad dahil nawalan sila nang pag-asa.
"Okay na ba ang pakiramdam mo? Gusto mo bang ihatid na lang kita sa inyo?" tanong ni Ravi habang inaayos ang kaniyang buhok. Liningon niya ako at ngumiti.
Bumuga ako ng hangin at tinignan muna ang buong paligid bago ako marahang tumango. "Wala na rin naman akong gagawin dito," sagot ko. Maghahapon na rin naman.
"Okay." Tumayo na siya at akmang aalalayan niya sana akong tumayo ngunit mabilis akong umiling.
"Huwag na. Salamat." Pilit akong ngumiti.
Hindi siya umimik at naunang maglakad kaya sumunod ako. Nang mapatingin ako sa hagdanan ay mabilis kong nilihis ang aking tingin dahil nakita kong pababa roon ang dalawa. Ang imahe rin nilang dalawa na naghahalikan ay muling bumalik sa aking isipan.
Kumuyom ang aking panga at mas binilisan ang aking paglalakad. Hindi ko na ininda ang kirot na nararamdaman ko sa aking dibdib. Buti na lang at nakatalikod sa'kin si Ravi, dahil kung hindi ay makikita niya ang aking ekspresyon.
Paglabas namin ay agad niya akong nilingon kaya matamis akong ngumiti. Pinapakita kong ayos lang ako. Pinantayan ko ang paglakad niya para hindi ako nahuhuli at para hindi ako nasa likod niya.

BINABASA MO ANG
The Gamble (COMPLETED)
RomanceILLEGAL SERIES #1 In order to capture the enemy, you should target the weakest point, which is the daughter.