"Maayos na pala ang burol ng inyong lola at naka burol siya ngayon sa isang chapel, malapit doon," saad ni Dether habang kami ay nag-aalmusal.
Sobrang tahimik at tanging kalansingan lang ng kubyertos ang naririnig pati na rin ang pagtama ng mga ito sa babasaging pinggan.
Lahat kami ay naka-itim habang walang ideya naman ang kambal sa nangyari. Nagpapasalamit din ako dahil hindi nila nakita ang krimen. Kasalukuyan daw silang nakikipaglaro sa labas noong mga oras na 'yon. At hanggang ngayon ay hindi ko pa pinapaalam sa kanila na wala na ang kanilang lola.
"Ate, kanino po ang bahay na 'to?" maya-maya'y tanong ni Dana kaya napatingin ako sa kaniya.
"Mm. Siya," sabay nguso kay Boss.
"Sino po siya?" muli niyang tanong kaya napabuntonghininga ako.
"Kaibigan ni lola. At kung tatanungin mo kung bakit wala si lola ngayon dahil may pinuntahan siya, malayo," wika ko at mapait na ngumiti. Natulala na lang ako sa kawalan.
"Ang ganda rito, ate! Dito na po ba tayo titira?" manghang tanong ni Dani habang nilalantakan ang bacon.
"Ah. Hin—" Napalingon ako kay Boss nang sumabat siya.
"Bakit? Gutso mo ba rito?" tanong nito habang may maliit na ngisi sa kaniyang labi.
"Opo! Gusto ko!"
"Gusto ko rin po!"
Napabuga na lang ako ng hangin. Habang natatawa naman si Boss dahil tila naaaliw ito sa dalawang makukulit na bata. Napangiwi na lang ako.
"Okay!" bigla nitong saad kaya napakunot ang noo ko. Bahagya siyang lumapit sa'kin. "Dito muna kayo titira dahil siguradong nanganganib ang buhay niyong magkakapatid." seryoso nitong saad.
"Bakit ba? Sino ba kasi ang nagtatangka sa buhay namin?" iritado kong tanong.
Nagkibit-balikat siya. "Wala pa kaming alam sa ngayon ngunit malalaman din namin." Seryoso siyang tumingin sa'kin bago bumalik sa kaniyang kinakain.
Napasandal naman ako sa upuan at hindi talaga ako mapanatag. Bumabagabag talaga sa'kin kung na ang nangyayari. Wala naman akong maalala na may nabangga akong isang malaking sindikato.
Pagkatapos naming kumain ay naghanda na kami papunta chapel. At habang nasa loob ng sasakyan ay nagtango na naman ang kambal. Ganito talaga ang mga bata 'no? Inosente at laging curious. Nais nilang malaman ang mundong ginagalawan nila. Na hindi nila alam ay puro karahasan lang.
"Saan po tayo pupunta?" tanong ni Dana habang abala naman si Dani'ng nililibot ang mata sa loob ng sasakyan.
"Uhm. B-Basta." At pilit akong natawa 'tsaka marahang ginulo ang kaniyang buhok ngunit agad ko ring inayos.
"Gusto kong magkaroon ng kotse!" maya-maya'y bulalas nito. Napa-iling na lang ako habang rinig ko naman ang mahina pagtawa ni Boss na kasalukuyang katabi ng driver. Habang sa likod namin ay mayroon namang isang sasakyan na nakasunod, at mga tauhan ni Boss ang laman n'on.
"Sige. Sa'yo na 'to," biro naman ni Boss kaya ginulo ko ang buhok ni Dani nang magtatalon ito sa saya. Umiling na lang ako. "Tutal marami naman akong sasakyan. "Di ba?" hirit nito sabay tanong sa katabi nitong driver na agad namang tumango.
Nasapo ko na lang ang noo ko at mas piniling tumingin na lang sa bintana.
Nang makarating kami roon at kaunti lang ang tao. Mga malalapit na lola noon at halos lahat ay mga tauhan ni Boss. Sa harapan naman ay nahagip ng mata ko si Joaquin, kasama nito si Acid. Naglakad ako palapit sa kanila at malungkot ang mukhang sinalubong ang yakap ni Acid.
BINABASA MO ANG
The Gamble (COMPLETED)
RomanceILLEGAL SERIES #1 In order to capture the enemy, you should target the weakest point, which is the daughter.