Ilang oras na rin kaming naglalakad. Kapag nakakaramdam kami ng pagod, humihinto kami sandali, iinom ng tubig, magpapahinga, tapos lakad ulit.
Wala kaming oras na dapat sayangin. Dapat makuha na namin ang susunod na artifact na mukhang nasa tuktok ng bundok na 'to. At dahil nga may snow storm dito tuwing gabi, kailangan tapos na ang misyon namin bago lumubog ang araw.
"Malapit na ba tayo?" tanong ni Ryker habang hinihingal.
"Oo. Malapit-lapit na tayo," sagot naman ni Klein habang nakatingin sa mapa.
"Hay nako. Kanina mo pa sinasabi 'yan, eh. Ano ba talaga?" reklamo pa ni Ryker.
"Totoo na nga 'to. Malapit na tayo," kumbinsi naman ni Klein.
"Ang maganda lang sa pag-akyat nating 'to ng bundok, pinagpapawisan na tayo kahit papaano. Kasi kahit balot na balot tayo ng winter jacket, malamig pa rin," sambit naman ni Xavier.
Totoo 'yong sinabi ni Xavier. Tama lang ang init na nararamdaman ko habang naka-winter jacket pero hindi ako pinagpapawisan. Ngayon lang habang umaakyat kami ng bundok.
"Dapat lang na malapit na tayo dahil papalubog na ang araw," sabad naman ni Gunner.
Tumingala naman ako sa langit at napansin ko na kahel na ang kulay nito.
Napahinto naman kami nang bigla na lang kaming nakaramdam ng pagyanig ng lupa. At mukhang hindi ito lindol.
"Mukhang nandito nga talaga ang artifact," sambit ni Klein.
Lumitaw na lang bigla ang mga Unholy at naglalakad sila ngayon papalapit sa'min. At napapaligiran na rin nila kami.
"Pero wala na tayong oras para rito. Papalubog na ang araw," reklamo ni Ryker.
"Wala naman tayong magagawa. Kapag hindi tayo lumaban, tayo ang tatapusin nila," sagot ni Xavier.
"Ganito. Tutal, si Aika naman ang may kakayahang makaramdam kung nasaan ang artifact sa isang lugar, sila na lang ni Jerome ang mauna ro'n sa tuktok para hanapin ang artifact. Tayo na lang ang bahala rito," saad ni Klein ng plano.
"Mukhang gano'n na nga. Tara na," sambit bigla ni Jerome sabay aya niya sa'king umalis.
Nagmadali naman kami sa pag-alis. Mabilis na lakad ang ginawa namin hangga't sa tumakbo na rin kami. Nilingon ko sila sandali at nakita kong nakikipaglaban na sila sa mga Unholy na 'yon.
Malayo-layo na kami ni Jerome nang bigla kong maramdaman ang pagbigat ng mga hakbang ko hudyat na matarik ang daang tinatahak namin.
At dahil matarik ang daan, bigla tuloy bumigat ang aking paghinga. Hinahabol ko tuloy ang hininga ko habang naglalakad kami. Sumasakit na rin ang mga paa't binti ko na halos gustuhin ko nang gumapang na lang sa lupa.
Habang tumatagal ay lalong bumibigat ang paghinga ko dahil parang tumatarik lalo ang daan. Humihinga na tuloy ako ngayon gamit ang bibig ko. Napatingin naman ako sandali kay Jerome at mukhang ganoon din siya pero hindi lang niya pinapahalata.
BINABASA MO ANG
Underworld University: The Mystic Quest
Fantasy[ COMPLETED ] FIRST INSTALLMENT OF UNDERWORLD CHRONICLES & CRUSADE SERIES Si Aika ay kilala bilang isang popular girl sa kanyang school. Mayroon siyang marangya at masayang buhay kasama ang kanyang mga magulang, kaibigan, at kasintahan, kaya't para...