*Miles*
Hindi ko inaasahang masasabi ko iyon sa kanya. Ang bigat lalo ng loob ko, lalo na nung magtama ang mga mata namin. Hindi ko pala kayang tingnan siya habang alam ko na nasasaktan siya.
Sinaktan ko siya.
At alam kong ang paghingi ko ng kalayaan ay daramdamin niya. Dahil kahit ako, mahirap sa loob kong tanggapin.
Wala na kami.
Nawala na kami.
At hindi na babalik ang dating kami.
Kasi marami nang nangyari. Marami na kaming nasabi na masasakit na salita at nakakapagod na rin ang mga away namin.
Alam kong napakabilis ng desisyon ko, alam kong nabigla siya at alam kong hindi siya basta-basta papayag.
Gaya na lang ng pakiusap niya bago kami maghiwalay. Mahirap, masakit, mabigat sa loob. Humingi siya ng isa pang pagkakataon, ayaw ko na sanang pagbigyan ngunit nung nag-umpisa nang bumagsak ang mga luha niya, wala akong nagawa.
Paano ako makakasiguro na maayos pa ang lahat sa isang upuan lang namin o ilang pagkikita namin sa therapy session?
Aaminin ko, hindi ko inasahan na magiging ganito kami, sa kabila ng mga pinagdaanan namin. Kung babalikan namin ang nakaraan namin, hindi na rin talaga kami ganun kasigurado, nung pang-apat na taon namin, marami nang naging hadlang, maraming na kaming napagtanto, panahon na nag-uumpisa na akong magduda sa kakayahan ko, sa estado ng buhay ko at kung kakayanin ko bang panindigan ang responsibilidad bilang lalaki ng tahanan.
Yun din kasi ang taon kung saan sinabi ko sa sarili ko na pagsusumikapan ko, pagbubutihin ko para maging karapat-dapat na maging asawa ng isang Reina Montalvo.
Alam naman ng lahat kung gaano ka-impluwensya at kaalwan ang buhay ng pamilya niya, sa totoo lang, kahit hindi na siya magtrabaho, kahit hindi na siya mag-aral, buhay na siya. Pero dahil gino-groom na siya ng tita niya na humawak ng mga posisyon, naisip ko bigla, ano na lang ang magiging papel ko sa buhay niya?
Kababawan at kahangalan pero, nanliit ako, napagtanto ko na hindi talaga kami pantay sa maraming bagay.
Siya, may malalaking kompanya na naghihintay sa kanya kapag natapos na niya kursong gusto niya. Abogasya ang next target niya.
Marami nang nag-aabang at nakahanda na ang posisyon niya bilang tagapagmana ng conglomerate businesses ng angkan niya na di lang dito sa bansa ang sakop ng kapangyarihan ng negosyo nila kundi pati sa ibang bansa.
Kaya naman, di ko maiwasan na laging ikumpara ang mga achievements ko sa kanya. Lagi kong nakikita ang kaibahan ng sariling sikap ko sa gaya niyang may pilak na kutsara na nakasubo sa bibig mula pa nung isinilang.
Malaki ang agwat namin pagdating sa estado ng buhay, at oo, noon, wala lang sa akin yun, kasi mahal naman niya ako.
Pero habang tumatagal, habang naglalakbay kami sa magulo at malupit na takbo ng buhay, napag-isip-isip ko na hindi talaga kami bagay sa isa't isa.
Hindi realistic, kapag naiisip ko ang takbo ng utak ko dati. Sa 'kin, dati okay na kahit ano lang ang gusto naming gawin, sabay lang kami sa agos ng buhay.
Nasanay kami sa bahala na bukas, nasanay kami na pag-ibig lang, okay na kami, saka ko lang na-realized na lahat ng bagay pinatatakbo ng makinarya. Ng pera. Hindi ako nagpapakatotoo kung hindi ko kailangan ng pera.
Napatunayan ko 'to nung taon na nahirapan akong gumawa ng paraan para magkapera, nung mga panahon na gusto kong maipagmalaki niya ang mga narating ko, walang wala sa kaya niyang marating kahit wala ako sa tabi niya.
BINABASA MO ANG
Sunset in Paradise
General Fiction"Hindi sapat na mahal ka lang at mahal mo siya para masabi mong kayo ang para sa isa't isa." The couple that has been through thick and thin, survived tides high and low, is considered unbreakable. Miles and Reina are the best examples of that. Th...