*Miles*
Dumating na ang araw ng pag-alis ko.
Hindi ko lubos maisip na darating ang araw na pipiliin kong umalis ng bansa at magpakalayo-layo para sa pangarap ko.Pangarap na binuo ko kasama ng espesyal na tao. Ngayon, ako na lang muna mag-isa ang magpapatuloy, kahit mahirap at masakit, kailangang tanggapin.
Ganito na nga siguro yun, kapag lumabis talaga sa lahat ng bagay napapasama.
Pinili ko ang daan na ito para maisalba ang natitira pa naming alaala. Pinili ko ang mas mahirap na daan, ang malayo sa kanya at bigyan siya ng kalayaan.
Hindi pa siya handa sa ganitong responsibilidad, hindi pa siya handa na harapin ang mga hamon ng buhay sa aming pagsasama, hindi rin ako naging handa kahit pa pinilit ko namang ihanda ang sarili ko. Pareho kaming nagkamali, nasugatan, nasaktan at naubos.
Napaso sa nag-aapoy na hamon ng pagbabago, napagod sa patuloy na siklo at hindi na kami umusad. Pinilit ko siyang pangarapin ang pangarap ko na masaya at kuntento buhay, simple at walang pagpapanggap.
Ngunit hindi pala ganun ang gusto niya.
Aaminin ko, nabulag rin naman ako ng paghahangad kong umunlad kaagad, nasilaw sa oportunidad na umangat sa buhay kahit alam kong posibleng huwad at di yun makatotohanan. Itinuloy ko pa rin. Kaya kami nauwi sa ganitong sitwasyon.
Inuna ko ang pride at ang sarili kong kapangahasan, ngayon, malungkot at nag-iisa akong haharap sa mundo.
Pinili kong iwan siya dahil pareho lang kaming malulunod sa ginawa naming pagkakamali. Mali ko na hindi ko siya pinakinggan, mali niya na hindi siya nagsabi ng katotohanan at nagtago ng sikreto.
Kung anuman yun, hindi ko na malalaman dahil hindi ko na siya pinagpaliwanag. Tiniis ko ang asawa ko hanggang sa sumuko at napagod na siyang lumaban.
Mas gugustuhin ko nang sa akin na manggaling, gugustuhin ko nang ako ang magmukhang gago at masama sa harap nila para hindi siya husgahan ng iba.
Ako ang umayaw, ako ang bumitaw. Dahil alam kong hindi rin siya sasaya sa piling ko. Hindi pa ako kumpleto, hindi na magiging sapat. Hindi na ako nababagay sa pag-ibig niya.
At alam kong hindi mabibigyan ng kahit anong katumbas na sakripisyo ang ginawa ko sa kanyang kamalian, alam kong walang kapatawaran ang pag-iwan ko sa kanya sa oras na kailangan na kailangan niya ako. Pero handa akong akuin ang lahat ng masasakit na salita, ang masakit na paratang. 'Wag lang siyang masaktan ng iba dahil hindi nila lubos na maintindihan ang kalagayan niya.
Ako ang nagkulang, ako ang hindi lumaban. Mas mabuti na rin yun para mas makahanap siya ng ibang mas magmamahal sa kanya. Hiling ko lang sana, kapag dumating ang araw na handa na siyang buksan ulit ang puso niya sa iba, maayos at maging masaya na siya ulit.
Gusto ko pa rin siyang balikan, gusto ko pa rin siyang mahalin, kahit na sinugatan kami ng mga pagkakamali namin. Gusto ko pa ring maging matagumpay siya, gusto ko pa rin makita na maayos siya. Ngunit hindi na mangyayari yun dahil hindi na ako parte ng buhay niya.
Baka nga ngayon, may iba na sa puso niya. At kasalanan ko kung bakit lumayo at nagbago siya. Una akong nagbago, nanlamig, nagsimulang humanap ng ibang kanlungan. Hindi ko maitanggi na ako ang unang sumira sa sumpaan namin.
Wala siyang kasalanan, ako lahat ito. At ang malaking pagkakamali ko, isinisi ko ang lahat sa kanya dahil duwag ako, natakot akong mawalan ng dignidad, natakot akong panindigan ang kamalian ko. Dahil iyon lang ang tanging paraan para isalba ko ang sarili ko.
Makasarili ako. Ako ang sumira sa lahat. Kung maibabalik ko lang sana ang lahat, hindi ko na gagawin iyon, hindi ko na siya dapat sinaktan, hindi ko na sana ito hiniling sa kanya.
BINABASA MO ANG
Sunset in Paradise
General Fiction"Hindi sapat na mahal ka lang at mahal mo siya para masabi mong kayo ang para sa isa't isa." The couple that has been through thick and thin, survived tides high and low, is considered unbreakable. Miles and Reina are the best examples of that. Th...