CHAPTER 7 (Afterglow)

22 4 0
                                    

*Miles*

Malalim na ang tulog ni Babe, mukhang napagod talaga siya. Bigla akong napangiti habang pinagmamasdan ko siya.

May kung anong sigla sa puso ko nung maisip ko ang future na binubuo ko kasama siya. Di ko ma-imagine ang buhay ko ngayong parte na siya at pinakamalaking bahagi ng bukas ko. Wala akong ibang taong maisip na gusto kong makasama, sa tuwing pagsasaluhan namin ang lamig ng gabi, painitin ng pagmamahalan namin.

At mas lalong lumalalim ang pagtingin ko sa kanya ngayong pinag-isa na kami ng tadhana.

Medyo ang corny pakinggan pero, siya lang talaga ang babae sa buhay ko, well maliban kay Mama, siya lang at wala nang ibang makakapagdulot sa aking ng saya at katiwasayan. Sa piling niya lang ako naging mas masaya at kuntento. Hindi makukumpleto ang araw ko kapag hindi ko siya naiisip at naaalala, siguro kasi, siya lang ang pinaglalaanan ko ng oras at sarili, hindi ko kayang tumingin sa iba, dahil lahat sila, walang wala kapag siya ang kaharap ko.

Well, masyadong obvious na hulog na hulog ako sa kanya. At kahit pa siguro marami na akong nakitang mga kapintasan sa kanya, mga bagay na akala ko di ko kayang tagalan, napagtanto ko na basta mahal ko, tanggap ko ang buong pagkatao, sa kabila ng lahat ng kapintasan at magandang katangian niya.

“Pipiliin kita, araw araw.” inulit kong bulong sa kanya saka ko hinagkan ang noo, maging pisngi at tungki ng ilong niya.

Mahinahon na ang paghinga niya na may mahinang paghilik. Napangiti ako at lalong nahalina di lang sa mala-balahibong pusa niyang pilikmata, matambok na mga labi, at mamumula-mulang pisngi kundi sa buong proporsyon ng mukha niya.

Saktong sukat ng mga mata, korte ng kilay, katamtamang agwat ng noo niya sa kilay at hugis mala-diamanteng mukha, mga bagay na kinabisado ko sa tuwing idino-drawing ko ang mukha niya. At kahit nakapikit ako, nakukuha ko ang tamang angulo at hugis ng maamo niyang mukha.

Masasabi kong isa siyang natatanging obra ng Diyos at nagpapasalamat ako na sa akin siya nahulog. Sa akin lang siya. Pinatunayan niya yun kanina lang.

Bumabalik sa alaala ko ang tagpo namin kanina. Ngayon lang ako lumigaya nang husto. Tila natupad ang isa ko pang hiling.

Kaligayahang labis ang makuha ko ang matamis niyang oo, pero di ko inaasahang langit ang dulot nung ako ang nakakuha ng pagkabirhen niya. Ako ang una. Ang unang gabi namin.

Hindi ako nagmamayabang pero siya rin naman ang nakabinyag sa pagkalalaki ko.

Hindi mawala ang saya ng puso ko at kakaibang sigla ng pagkatao ko. Isa ito sa mga alaala na babalikan at iingatan, mga pangako na tutuparin at pag-ibig na aalagaan.

Hindi ko na naiisip na mag-isa ako. Kasama ko na siya at alam kong ganun din siya. Lalo't kami ang sandalan at tahanang uuwian ng isa't isa.

Hindi ako mawawala, parati lang akong nasa tabi niya. Hindi mapapagod, hindi susuko. Ipaglalaban ko siya hanggang dulo.

Dahil siya lang ang tanging babaeng dadalhin ko sa harap ng altar.

Nanatili akong nakatitig sa kanya at lalong yumakap, malalim na ang gabi, lumalamig na rin ang buga mula sa aircon at dahil wala kaming saplot sa katawan, sa kumot kami nagkukubli at init ng mga katawan namin ang paglaban sa lamig. Hinahatak na rin ako ng pagod, sinasakop na ng antok at nalalasing sa halik ng langit.

Sumiping ako sa kanya at inakap siya nang mahigpit, saka kami parehong nahimbing matapos ang mainit na magdamag.

*********

Nakakasilaw ang liwanag, dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko at hinanap ang pinagmumulan, sa bintana pala at nakahawi na ang kurtina. Medyo tulog pa ang diwa ko at talagang hinihila pa ako ng antok nang makapa ko na wala na pala akong katabi.

Sunset in ParadiseTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon