*Miles*
Tinalikuran ko siya.
Iniwang umiiyak at sa mga oras na ito, durog na durog na ang puso.
Napahinto ako saglit at humugot ng malalim na hininga bago ako tumingin sa itaas para pigilan ang pagbagsak ng luha ko.
Hindi na dapat siya sumugod dito, paano ako mapapanatag nito?
Rinig ko pa rin ang pagtawag niya sa pangalan ko at paghiyaw. Natumba pa nung pilitin niyang tumayo. Nilingon ko siya pero hindi na ako lumapit. Maski ang kaibigan niya, panay na ang mura at isinusumpa na ako sa harap ng maraming tao.
Bakit kailangang umabot sa ganito? Bakit kailangan pa niyang magmakaawa?
Bakit hindi na lang niya ako kalimutan?Sinaktan ko siya. Labis na ang mga dinanas niyang masasakit na sandali na kagagawan ko pero bakit hindi pa rin siya sumusuko?
Hindi ko na napigilan, umagos na ang kanina ko pang pinipigilang emosyon.
Mabigat ang bawat hakbang ko palayo sa kanya. Mahirap lumayo at lalo niya akong pinahirapan dahil sa paghabol niya.
Malalaking hakbang, gumawa na ako ng distansya at sa bawat pag-apak ko sa landas paalis sa mundong pinangarap ko, palayo sa taong inalayan ko buhay ko, mas lalo lang akong nalilito.
Napatigil ulit ako para lingunin ang asawa ko na inaakay na palayo ng mga kaibigan. Lahat sila, ang tingin nila sa akin ay isang tumpok na gago.
Hindi ko lubos maisip na magagawa ko ito sa kanya. Nahahati ang isip ko sa dalawang pagpipilian. Ang tumalikod at maglakad pabalik para yakapin siya o humakbang paabante para sa pangarap ko.
Nagtagal ang pagkalito ko at sa bawat tumatakbong oras, nauubusan na ako ng tsansa para pumili sa dalawa.
Umalingawngaw na ang boses mula sa speaker at nag-aanunsiyo ng boarding time ng nasa ticket ko. Nanginginig ang kamay ko habang hawak ko ang pasaporte at boarding pass ko.
Sa huli, pinili ko ang huli. Humakbang ako pasulong at pumikit, nananalangin na maalpasan ko ang sakit na idinulot ng paglayo ko sa kanya.
Mabigat ang puso ko at wala ako sa sariling naglakad, pumila sa designated na security lane para sa hand-carry at sa pass ko.
Naghubad ng sinturon at ilang alahas. Napahinto ang airport personnel dahil hindi ako umiimik.
“Sir, yung singsing n'yo po,”
Saka lang ako natauhan. Hinubad ko at natahimik.
“First time n'yo po ba? Mukhang ninenerbiyos po kayo,” napangiti lang ang lalaking staff ng security.
“May mga metal pa po ba sa inyo?”
Umiling ako saka niya pinasadahan ang katawan ko ng scanner. Tumunog. “Sir may something sa bulsa n'yo,”
Nakalimutan kong tanggalin ang mga singsing niya sa bulsa ko sa likod ng pants ko.
“Isasama ko na po 'to sa accessories n'yo, mukhang nag-away kayo ng misis n'yo ah,”
“Hoy Philip!” sita nung isang babaeng staff. Saka bumaling sa akin. “Sensya na kayo sir, madaldal talaga 'to eh,”
Hindi na ako nagsalita. Wala akong ganang magalit o magpaliwanag.
Nakalampas na ako sa security at nakuha ko na rin lahat ng mga gamit ko, isinuot ko ulit ang singsing at itinago ang mga singsing sa bulsa ko.
Isinukbit ko na ang bag ko at kinuha ang passport ko na nakaipit ang boarding pass ko.
BINABASA MO ANG
Sunset in Paradise
General Fiction"Hindi sapat na mahal ka lang at mahal mo siya para masabi mong kayo ang para sa isa't isa." The couple that has been through thick and thin, survived tides high and low, is considered unbreakable. Miles and Reina are the best examples of that. Th...