Hindi namalayan ni Tala na nakatulog na pala siya noong humiga siya, kaya't muntik na siyang mapasigaw noong may malakas na umalog sa kaniyang paa.
Napaupo siya mula sa kaniyang higaan nang hawak ang kaniyang dibdib, ngunit ang kaniyang mga mata ay sarado pa rin dahil sa sobrang antok.
Kahit malapit ang bahay nila sa eskuwelahan, hindi pa rin biro ang layo na kaniyang nilakad. Suwerte na lamang siya at walang mga aso sa daan para habulin siya.
"Tala." sabi ng kaniyang lola. "Bangon na, mamamalengke pa tayo."
Humikab si Tala at kinuskos ang kaniyang mga mata upang tanggalin ang antok.
"Sige po." sagot niya.
Tiningnan siya ng panghuling beses ng kaniyang lola bago umalis sa kaniyang kwarto. Nakabihis siya pang-alis at may dalang bayong.
Mahigpit ang kaniyang lola sa oras, kaya't nagmadali siya sa pag-aayos kahit masakit ang kaniyang hita at binti.
Tiningnan ni Tala ang kaniyang repleksyon sa salamin habang sinusuot ang cap sa kaniyang ulo.
Lumabas na siya ng kwarto at sinamahan ang kaniyang lolo at lola.
Tahol nang tahol ang kanilang aso at nagpupumilit na sumama sa kanila. Mayroon siyang suot na damit at nakabilog ang kaniyang tiyan dahil sa sobrang taba.
"Dito ka lang Brownie," ang mabait na sabi ng kaniyang lola sa maliit at makulit nilang askal. "Bantayan mo ang bahay natin, ha."
Lumingon ang kaniyang lola sa kaniya at ibinigay ang bayong. Naging matalim at mataray ang kaniyang tono.
"Ikaw magbitbit." bilin niya. "At hubarin mo nga 'yang sumbrero mo! Ni wala pa ngang araw!"
Nabigla si Tala, ngunit hindi umimik.
'Mas mabait pa siya sa aso. Teka, sino ba talaga aso sa bahay na 'to?' isip niya.
"Sige po." sagot ni Tala.
Hinubad ni Tala ang kaniyang cap at binuksan ang pinto ng kaniyang kwarto upang i-itsya ang sumbrero sa kaniyang kama.
Inalalayan ni Tala ang kaniyang lola sa pagbaba ng hagdan at pagsakay ng tricycle. Nakaupo si Tala sa maliit na upuan ng tricycle at yakap-yakap ang bayong sa buong biyahe papunta sa palengke ng bayan.
"Nasa'n bisekleta mo? 'Di mo yata nakadena ngayon." tanong sa kaniya ng kaniyang lolo pagkatapos niyang i-abot ang bayad sa drayber ng tricycle.
Mahinahon ang kaniyang tono, hindi tulad ng kaniyang lola na palaging nang-iintriga.
"Naiwan ko po."
"HA?!" sigaw ng kaniyang lola. "Binilan ka ng bisekleta tapos iiwan mo lang sa eskuwelahan?"
'Nako, sesermunan na niya 'ko!' isip ni Tala.
"'La! 'Di ba kakilala mo 'yon?" biglang sabi niya at itinuro ang unang tao na makita niya.
Napatingin naman kaagad ang lola niya sa gawi noon.
"Hindi naman yata, hindi ko naman namumukhaan."
"Ay, namalik mata lang po ata ako." sagot ni Tala at mabilis na inalalayan ang kaniyang lola papasok ng palengke bago pa niya maalala ang naiwanan nilang pag-uusap.
Humiwalay naman ang kaniyang lolo sa kanila upang pumunta sa hardware.
Medyo madilim ang paligid at maputik ang lapag sa loob ng palengke. Maraming binabati at kinakawayan ang kaniyang lola na tindera at tindero. Tulad ng dati, ang lola niya ang nakikipag-usap sa mga tindera at namimili ng sangkap habang si Tala naman ang nagbubuhat ng mga pinamili.
BINABASA MO ANG
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...