2013
Inabot ni Tala ang mga nahiwang sibuyas sa nakalahad na palad ng kaniyang ina.
Hinintay naman ng kaniyang ina na madumog ng mga tanong katulad ng "Bakit una sibuyas?", "Bakit kailangan tra... traannn... transapreeeynt?", o kaya naman "Bakit kailangan gan'yan 'yung hiwa?"
Ngunit hindi naman ito dumating.
Tanging ang pagputok ng mantika ang nag-ingay.
"Ang tahimik mo naman yata ngayon? 'Di ako sanay."
Mayroong mapang-inis na ngisi na naglaro sa kaniyang labi, ngunit napalitan ito ng pag-aalala noong nanatiling nakatulala lamang si Tala sa kawali; kahit na kinukuha na niya ang platito na hawak nito.
"Bunso?"
"Pa'no po sila nagkakagusto sa isang tao, Mama?"
Mahina ang boses ni Tala, kaya't mas lalong umukit ang pagtataka sa mukha ng kaniyang ina. Hininaan niya ang apoy at marahan na bumaba sa kaniyang tangkad.
"Ba't mo naman nasabi 'yan?"
Nanatiling pabiro ang kaniyang tono, kahit na ang totoo ay alalang alala na siya sa kakaibang kinikilos at tinatanong ni Tala.
"Sina ate't ditse may gusto, pero ako wala." daing niya, umuusli ang kaniyang labi habang nagmamaktol. "Tapos 'yung mga kaklase ko at si Kay-Kay mero'n din! Ako lang 'yung wala..."
Yumuko siya at bumulong, nauupos ang kumpiyansa sa sarili;
"May mali po ba sa'kin?"
"Walang mali sa'yo, Giezel. Sadyang wala lang talaga sa bokabularyo natin ang salitang 'gusto'." anas ng kaniyang ina. Prangka, ngunit nandoon pa rin ang pag-iingat.
Hinawakan niya ang ulo ni Tala at ginulo ang kaniyang buhok. Nagtikwasan naman ang mga ito kaya't sumama ang mukha ni Tala.
Tumawa lamang ang kaniyang ina at kinuha ang platito mula sa kaniya.
Kumaskas ang bakal na sandok sa kawali at dumaing ang mantika noong lumangoy rito ang mga bawang at sibuyas. Kahit na abala ang kaniyang ina sa pagluluto, hindi naging sagabal ang kanilang pag-uusap sa kaniya; sapagkat hininaan niya pa ang apoy upang mas marinig ang boses ni Tala.
"Eh Mama, pa'no kayo ni Papa? 'Di po ba nagpapakasal lang 'yung dalawang tao na may gusto sa isa't isa?"
"'Di ko naman gusto Papa mo, eh."
Umawang ang mga labi ni Tala roon at namilog ang kaniyang mga mata, hanggang sa magsalita muli ang kaniyang ina.
"Siguro kasi hindi ko lang siya kasing gusto ng gusto n'ya 'ko." tapos niya. "'Di rin naman na ako makakapagtapos kaya pumayag na lang ako magpakasal. Do'n masusuportahan niya ako, at masusuportahan ko naman 'yung pamilya ko, lalo na 'yung mga nakababatang kapatid ko."
Lumapit si Tala sa kaniya at pinanood siyang magluto. Halos kasing tangkad niya lamang ang lamesa na pinagpapatungan ng kalan, kaya't nakatingala siya habang minamata ang mga rekado na tinataktak sa kawali. Pinagmasdan niya ito na para bang mahika.
Kulay berde ang pakete na pinipiga ng kaniyang ina, ngunit kulay pula naman ang lumalabas. Maasim ito, hanggang sa natunton niya ang kamatis na nakatatak sa pakete nito. Sinundan naman ito ng kulay tsokolate na parang palaman na mula sa lata.
Kumiling ang ulo ni Tala noong mapagtanto ang sinabi ng kaniyang ina.
"Sina lola at lolo, tapos sina tita at tito po?"
"Oo."
Humaba ang katahimikan, kaya't lumingon sa kaniya ang kaniyang ina. Napalabi naman siya noong makita ang kaniyang reaksyon na daig pa ang namatayan; marahil nagdadalamhati sa sawing love story ng kaniyang ina. Kaya't muli niyang tinagpo ang tangkad ng munting bata at hinawakan ang kaniyang mga kamay nang mayroong malakas na tapik sa taas nito, naglalayong awatin siya.
BINABASA MO ANG
Spring Onions
عاطفيةMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
