Crush. Pagkagusto.
Iyon ay mga konsepto na hindi lubusang maunawaan ni Tala.
Mga salita lamang sila na kaya niyang bigkasin ngunit hind kayang maramdaman ang bigat. Hindi niya maikoneta ang mga ito sa mga tao na madalas paggamitan nito ng kaniyang mga dating kalaro; ang mga mga artistang mukhang perpekto, o matapang na prinsipe na kayang iligtas ang kaniyang kasintahan.
Humiling ang ulo ni Tala sa bintana at sumabay sa paggalaw nito ang pagyakap ng kaniyang maiksing buhok sa kaniyang balikat, habang ang kaniyang tingin ay nakatuon sa kaniyang katabi na abala sa pagbabasa ng kaniyang libro.
Iba-iba ang depinisyon ng mga tao sa salitang "crush" at "pagkagusto", ngunit pare-pareho nilang inihahalintulad ang pakiramdam nito sa paglipad ng mga paroparo sa tiyan at pagkahiya para sa isang tao.
Naiintindihan ni Tala ang mga ito, sapagkat nararamdaman niya ang mga ito kay Mayumi.
Ngunit mayroong aspeto dito na hindi nagtutugma: Ang nararapat niya na paglayo sa kaniya dulot ng pagbabago ng kaniyang nararamdaman sa kaniya.
Sapagkat imbes na lumayo dahil sa pagkagulo sa kaniyang damdamin, mas lalo lamang siyang lumalapit kay Mayumi.
Gusto niyang maintindihan ang pagbabago na nananaig sa pagitan nilang dalawa, at nais mabigyan kahulugan ang munting sulyap ni Mayumi na madalas niyang samahan ng isang maliit na ngiti na mayroong bigat at ibinubulong na mga salita na hindi niya pa natutuhan ang depinisyon.
Para kay Tala, si Mayumi ang mga nobela na nakadisplay sa isang istante sa silid ni Mayumi. Walang bahid ng lukot sa balat ng aklat at pahina. Hindi nakabalot, ngunit hindi pa nababasa. Nakalagay ito sa sulok, kaya't malayo at tago mula sa lahat ng makakikita; kaya't inaaninag na lamang ni Tala mula sa malayo ang mga salita na nakasulat dito.
Alam niya na binibuo ng mga letra ang mga pangungusap na nakalagay sa likod nito. Tiyak nakasaad dito ang nilalaman ng libro, ngunit hindi niya mabasa kung ano ang nais iparating. Hindi niya maaninag ang pagkakaiba-iba ng bawa't katinig mula sa isa't isa. Letrang a, letrang o, letrang e, at letrang u. Pare-parehas pabilog ngunit iba-iba ang kahulugan.
Habang parang siya naman iyong mga libro ni Mayumi na mayroong kinalaman sa agham, kaya't kabisadong kabisado na niya ang bawa't pahina. Iyong gusot-gusot na ang mga papel dahil sa paulit-ulit niya na pagsuri sa mga letrang nakaimprinta.
At ang mga paroparo na nakahanay sa pader ng kaniyang silid na kabisado na niya ang kakayahan at mga parte na bumubuo rito upang makalipad. Kabisado niya ang mga ito sa punto na kaya niya silang makilala sa isang sulyap pa lamang ng mga nakaimprinta na kulay sa pakpak nito.
Nais maintindihan ni Tala ang lahat ng bagay na hindi niya pa alam kay Mayumi, katulad ng dahilan kung bakit mas gamit na gamit niya ang mga libro tungkol sa mga insekto at agham kaysa sa mga nobela na magbibigay sa kaniya ng aliw;
Kung gaano na lamang kagaan ang kaniyang kamay, kaya't kahit anong talim ng karayom na kaniyang ginagamit upang tusukin ang manipis at bulnerableng pakpak ng mga insekto na lumilipad- hindi niya ito napupunit?
At bakit nariyan siya at parang ang hirap abutin kahit na isang dipa lamang ang agwat sa pagitan nilang dalawa?
Alam niya na hindi sila ganito dati, ngunit hindi mapagtanto kung paano sila tuluyang nagbago.
BINABASA MO ANG
Spring Onions
RomansaMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
