2022
Sunod-sunod ang paghampas ng bola at pagkaskas ng mga sapatos sa magaspang na lapag.
"Luwalhati!"
Papunta sa kaniya ang bola. Mabilis ito na daig pa ang isang bulalakaw; kaya't kaagad siyang lumuhod upang masalo ito. Pinatalbog niya ito sa kaniyang mga braso nang mababa at kontrolado ang lipad papunta sa setter.
Akala niya isang babala ang sigaw na kaniyang narinig para sa parating na bola, hanggang sa humiwa ang tunog ng matinis na pito sa kanilang pandinig. At ganoon kadali, tumigil na sila sa pagdepensa at hinayaan ang bola na humampas sa lapag.
Tumatagaktak ang kanilang pawis habang hinahabol ang kanilang hininga. Pinunasan ni Tala ang pawis na tumutulo sa kaniyang kilay bago tumayo nang maayos.
"Yes po, coach?"
Lumingon siya sa kaniyang coach na nasa hindi kalayuan, ngunit mas nanatili ang kaniyang tingin sa katabi nito na guro. Nakikipag-usap ito sa kaniyang coach ngunit hindi niya maintindihan kung ano ang lumalabas sa bawa't buka ng mga labi nito.
Nakita na lamang niya ang kaniyang coach na tumango bago lumingon sa kaniya.
"Kausapin ka raw ng adviser mo." sabi ng kaniyang coach at binigyan siya ng mabigat na tapik sa balikat na naglalayon na bigyan siya ng alo, ngunit idiniin lamang nito ang kaniyang mga paa sa lapag; pinipigilan siya na takbuhan ang seryosong tingin ni Sir. Alvarez.
"Sa faculty, 'nak." wika ni Sir. Alvarez.
Malamig ang ihip ng hangin ng bentilador sa likod ni Tala na tumatagaktak pa rin sa pawis. Nakayuko siya habang pinapakinggan ang pagtipa ni Sir. Alvarez sa kaniyang keyboard.
"Napapansin namin na dumadalas na ang pag-absent mo," simula ni Sir. Alvarez at iniharap sa kaniya ang laptop. Kumulay ang pula na ilaw sa mukha ni Tala noong tumambad sa kaniya ang kaniyang class record. "Six na absences noong Grade 8 at apat naman ngayon. Maliban doon, marami ka ring missing na individual activities."
"Hindi ba't mayroon tayong excuse letter para makapagpaalam ka nang maayos, hindi 'yung bigla-bigla ka na lang 'di pumapasok?"
Hindi kumibo si Tala. Wala man lamang kibot sa kaniyang mukha o paggalaw sa kaniyang ulo, bagkus nanatili siyang nakatitig sa screen nang blangko ang mukha.
Malalim ang hininga na hinugot ni Sir. Alvarez.
"Ano bang poblema, Luwalhati? Dahil ba 'to nawalan ka ng awards? Nawala ka sa honors? Ano ba?"
Ugong lamang mula sa kaniyang laptop na nag-ooverheat ang sumagot sa kaniya.
"Paano kita matutulungan kung ayaw mo magsalita? Kaya naman mabawi 'yun mga 'yun, eh. Kaya mo. Pero 'di mo 'yun magagawa kung bigla ka na lang aakto nang ganito." paki-usap niya. "Naiintindihan ko na.... hindi maayos ang trato sa iyo ng mga kaklase mo, pero bata pa kayo noon, hindi ba? Bakit hindi mo na lang patawarin?"
Dito, nakatanggap siya ng bahagyang paggalaw sa mga labi ni Tala; sapagkat para itong maling nota na napindot at maling salita na naitala sa isang tula, kaya't nagambala ang multo ng damdamin na nakabaon sa sulok ng puso ni Tala.
"Bata man kami nu'n, pero alam po nila 'yung ginagawa nila. At alam niyo rin po iyon," mahinahon na tugon ni Tala nang mayroong bahagyang bigat sa kaniyang mga salita.
Natutop ang mga labi ni Sir. Alvarez, ngunit nanatiling seryoso ang kaniyang tingin, lalo na noong tumingin si Tala sa kaniya.
"-Sadyang mas pinili niyo lang po maging bulag at bingi kasi hindi niyo kaya gawing responsable ang "bata" sa mga ginawa nila."
BINABASA MO ANG
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
