Viewer discretion is advised: The content might be triggering to some viewers.
CONTINUATION...
Damang dama ni Mayumi ang tensiyon mula sa kusina noong makalapit na sila, sa punto na tumataas ang kaniyang balahibo noong palakas na nang palakas ang tunog ng paghiwa ng gulay.
TAK! TAK! TAK!
Sunod-sunod na nahiwa ang mga sitaw sa iisang sukat.
Gabundok ang mga sangkap na nakahain, sa dami nito ay naookupa na nito ang maliit na bilog na lamesa na nakabalot ng mabulaklak na linoleum.
"Mayumi," simula ni Tala.
Hinawakan ni Tala si Mayumi sa braso. Mahina ito at parang daplis lamang ng kaniyang mga daliri.
Lumingon sa kaniya si Mayumi.
"Thank you sa pagsama sa'kin, pero kaya ko na 'to." sabi niya nang malumanay at mahina, tila ba sinasabi niya ito upang magkaroon siya ng palindayag. "Puwede du'n ka na lang muna sa salas habang nag-uusap kami ni lola? Nood ka na lang muna ng TV, buksan ko. Mahilig din si Brownie manood kaya kapag narinig niya 'yun pupunta siya sa'yo."
Tumango si Mayumi at binigyan si Tala ng maunawain na ngiti.
Ibinalik ito ni Tala nang saglit at bahagya, at dinala niya siya sa salas nang nakahawak sa kaniyang braso. Umupo si Mayumi sa pinakadulo ng bangko habang binubuksan ni Tala ang telebisyon.
Nilakasan ni Tala ang bolyum nito at kaulad ng kaniyang sabi, sunod naman na narinig ni Mayumi ang pagkaskas ng kuko sa lapag.
Parang kumawala ang lahat ng hangin mula sa baga ni Mayumi noong dumagan sa kaniya ang ubod nang bigat na aso. Malikot siya at sabik na sabik mangulit. Ginantihan naman siya ni Mayumi at hinaplos ang kaniyang ulo nang mayroong gigil.
Doon, naging panatag si Mayumi na magiging ayos lamang ang lahat, kahit na umalis na si Tala.
Ngunit habang tumatagal, nagiging mabigat na muli ang pakiramdam ni Mayumi.
Pakiramdam niya may mali.
Hindi niya sila makita mula sa kaniyang puwesto sa salas, kaya't hindi niya malaman kung okay lamang ba talaga si Tala. Umusad na siya sa kaniyabg kinauupuan at lahat ngunit hindi pa rin niya masilayan ni isang hibla ng buhok ni Tala.
Hinaplos muli ni Mayumi si Brownie at hinayaan na lunurin ng kasiyahan at tawanan ng isang sikat na pangtanghaling programa ang kaniyang pag-aalala.
Ngunit hindi pa rin siya mapirmi. Dumedekwatro siya, tapos aalisin niya ito. Uupo siya nang tuwid, tapos yuyuko upang tumingin muli sa gawi ng kusina.
Hindi na talaga siya mapakali.
Paano naman kasi siya mapapanatag kung kanina lamang nasaksihan niya kung paano sinalubong si Tala ng kaniyang lola ng galit?
'Kung wala ako roon... baka...'
Umiling si Mayumi bago pa ito madugtungan.
'Hindi ko alam kung ano ang mangyayari, pero alam ko na hindi ito maganda.'
Gusto niyang makasigurado na okay lamang si Tala, kaya't kahit na nagkasundo sila na mananatili siya rito, hindi niya ito sinunod.
Maingat siya na tumayo upang hindi magising ang natutulog na Brownie, nakahiga pa nga siya sa kaniyang likod at nakalabas ang kaniyang bilog na tiyan para magpakamot, at kaagad na lumapit sa kusina.
Nakita niya si Tala na nagsasalita, nagpapaliwanag sa kaniyang lola. Mahina ang kaniyang boses na para bang nag-iingat siya na hindi ito marinig sa salas.
BINABASA MO ANG
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
