Chapter 42. Halloween Party

235 10 69
                                        

NOTE: The name of real products are modified to avoid trademark infringement.

Inayos ni Tala ang kaniyang kuwelyo sa salamin. Nakalaylay ang iilang hibla ng kaniyang buhok sa noo at mata kaya't nagmukha ito na medyo magulo.

'Okay na siguro 'to, manghihingi na lang ako ng pekeng dugo sa kanila.' isip niya at isinuot na ang kaniyang maskara.

Alas tres y medya pa lamang ngunit mayroon na siyang nadatnan na maiksing pila. Nagsusulat sila sa registration form, at namatahan ni Tala na sina Eloise at Ryan ang namamahala rito.

Isang mangkukulam si Eloise na nakasuot ng mahabang itim na bestida. Gumegewang-gewang sa kaniyang ulo ang kaniyang malaking witch hat. Mayroon pa siyang katabi na mataas na walis tingting.

Namumutla naman ang mukha ni Ryan at nagagalit ang mga ugat sa kaniyang mga pisngi, habang patuloy sa pagtulo ang dugo sa kaniyang malalim na mga sugat sa noo at katawan.

Sumulpot si Tala sa kanilang harapan, ngunit wala man lamang bahid ng takot sa kanilang mukha noong tumingin sa kaniya. Napanguso tuloy si Tala at hinubad ang kaniyang maskara.

Ngunit doon, napasigaw si Ryan sabay hawak nang mariin sa kaniyang dibdib.

"Hayop, nakakatakot!" nanginginig niyang sabi. "Ibalik mo na lang 'yung mask mo, Jason. Makakapatay ka sa mukha mo."

Umismid si Tala at inikot ang kaniyang mga mata.

"Siraulo," sabi niya at itinuro ang mukha ni Ryan. "'Kaw nga 'di ko malaman kung naka-make-up pa o hindi, eh. Ganiyan ka naman talaga ka-pangit."

Humagalpak si Eloise at napapalo pa sa lamesa. Napasimangot naman si Ryan at naghalukipkip.

Ibinaling ni Tala ang kaniyang atensyon kay Eloise at ngumiti nang maliit.

"Nga pala, sa'n kayo nakakuha ng dugo?"

Pumikit si Ryan at hinawakan ang kaniyang puso na parang dinadama ang tibok nito.

Kaagad na nangasim ang mukha ni Tala at ikiniling ang kaniyang ulo nang pabalik.

"Corny! Kadiri!"

"Para kayong magkapatid," biro ni Eloise na nagpalukot naman sa mukha ng dalawa. Lumawak lamang ang ngiti ni Eloise at kaagad na itinuro ang auditorium bago pa makasabat ang dalawa na naka-akma na nang nagagalit pa ang mga kilay, "Du'n po sa may Face Painting Booth ng Theater Club, ate." sagot niya kay Tala.

Tumango si Tala at tinapos ang kaniyang pirma. Noong mahawakan ang pinto ng auditorium, naramdaman niya ang pag-alog ng hawkan dahil sa lakas ng tugtugin. Tinakpan ng malakas na tugtugin ang kaniyang mga tainga noong sumilid siya sa loob. Sa lakas nito ay sumasabay na rin ang pagpintig ng kaniyang puso.

Caution tape at itim na tela na nakalaylay ang sumalubong sa kaniya. Para siyang pumasok sa isang crime scene dahil sa pekeng outline ng katawan na nakaguhit sa lapag na kinumpleto pa ng mga numero na iminarka sa dilaw na papel.

Ngunit noong tumingala si Tala, umawang ang kaniyang mga labi sa ayos ng lugar. Madilim ang atmospera rito, ngunit hindi ito naging nakakatakot. Bagkus, naging misteryoso lamang ito dahil sa mga kandila at ilaw na naglalaro sa dilim. Iba't ibang matitingkad na kulay ng ilaw ang nagkalat sa paligid; mula sa stations, booths, damit ng mga tao, at pati na rin sa mga glow in the dark lightsticks na parang lumulutang habang winawagayway ng mga estudyante.

Ngunit kahit ganoon, hindi pa rin maaninag ni Tala ang Face Painting Booth.

"Hello po--" simula niya, ngunit noong lumingon ang estudyante sa kaniya ay muntik na nitong matabig ang mga gamit na nasa lamesa.

Spring OnionsStories to obsess over. Discover now