Chapter 46. Kislap

111 13 17
                                        

2011

Marahan na hinawi ang makintab na buhok ng manika. Kulay ginto ito at walang katikwas-tikwas. Isang bagong labas na bersyon ng sikat na fashion doll, kaya't hindi nakapagtataka na nililingunan ito ng kaniyang mga kaklase kahit na mayroon na silang kani-kanilang laruan na hawak-hawak at kaharap.

Magkakasama sila sa iisang lamesa na puno ng mga laruan, habang nanatili siyang mag-isa. Nasa sulok habang humihigpit ang hawak ng kaniyang maliit na mga kamay sa katawan ng manika. Tiningnan niya ang kaniyang mga kaklase nang mayroong panghuhusga at namumuo ang ismid sa kaniyang mukha.

Kaagad namang umiwas ng tingin ang kaniyang mga kaklase. Mayroong bahagyang takot sa kanilang mukha kahit na hindi hamak na mas maliit lamang siya kumpara sa kanila.

Ibinaling ni Kayla ang kaniyang atensyon sa manika at hinaplos ang bahagi ng mukha nito na nahawakan ng iba. Pinupunasan, at dinidiretso ang buhok na matagal nang perpekto. Animo ay tinatanggal ang bahid ng dumi rito na siya lamang yata ang nakakakita.

"Okay, kinder, stand up na po." malambing na sabi ng kanilang guro. "Then grab a partner!"

Masayang inabot ng kanilang mga kaklase ang kamay ng kanilang katabi. Sama-sama silang tumayo at lumapit sa kanilang guro, pinupuno ang silid ng kanilang matinis na boses.

Tumayo si Kayla, hawak pa rin ang kaniyang manika. Lumapit siya sa kanila, walang kaklase na katabi, bagkus manika lamang ang kahawak-kamay.

Inabot sa kanila ang isang bilog na net na mayroong dalawang tali sa magkabilang dulo. Nararapat itong hawakan at batakin ng magka-partner upang maibalanse ang bola sa gitna ng net. Tapos, mag-uunahan sila na madala ito sa basket na nasa kabilang dako ng silid.

Ngunit paano niya madadala iyon doon kung mag-isa lamang siya?

Hinawakan ni Kayla ang magkabilang dulo ng tali at niyakap ang kaniyang manika. Sinubukan niyang makasabay sa kaniyang mga kaklase, ngunit kumakaladkad ang net sa lapag. Nakalawlaw ang tali na hindi niya mabatak kaya't nagbabadya nang mahulog ang bola mula sa net.

Naglalakad na ang kaniyang mga kaklase papunta sa basket nang dala-dala ang bola, habang narito pa rin siya sa umpisa.

Malapit na niyang ibalibag ang tali at hayaan na gumulong ang bola, hanggang sa gumaan ang bigat na kaniyang dinadala at bumalik ang bola sa gitna ng tela. Nababalanse na ito. Ngunit kahit ganoon, nanatiling mabagal ang kaniyang paglalakad upang ingatan ang kaniyang manika na hawak niya sa kaniyang dibdib.

"Daliii!! Dali! Gusto ko manalo!"

Napatingala si Kayla, nagitla sa boses sa kaniyang harapan.

'Ah. Kaya naman pala gumaan 'yung bola.'

Tumalim ang tingin ni Kayla at umismid siya. Binitawan niya ang tali, dahilan para bumagsak ang net at gumulong ang bola. Umawang naman ang mga labi ng kaniyang kaharap, sabay hawak sa kaniyang kulot na buhok.

"Yuh! Ba't mo binitawan?!"

"'Di ko kailangan ng awa mo." saad ni Kayla at niyakap ang kaniyang laruan sabay lingon palayo. Muli niyang hinaplos ang buhok nito.

Hindi niya tuloy nakita ang bahagyang pag-usli ng ibabang labi ng bata.

"Ba't ako maawa sa'yo? 'Di ka naman mukhang kawawa." depensa niya, hawak-hawak pa rin ang kabilang dulo ng tali. "Dali na! Gusto ko manalo! Kapag nanalo tayo, may ice cream tayo kay tiiiiiiiicher."

Hindi siya nilingunan ni Kayla.

Nakakalahati na ang iba nilang mga kaklase, habang ang iba naman ay umuulit sa umpisa dahil nahuhulog ang kanilang bola. Humahagikgik sila at mayroong paka-pilyo ang kilos.

Spring OnionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon