Chapter 30. Proyekto

156 15 7
                                    

Ngumunguya si Tala ng mainit na pandesal habang nanonood ng telebisyon. Nakapatong ang kaniyang plato sa kaniyang tuhod na nakataas sa bangko.

Inaabangan niya kasi kung lalabas ang Bulacan sa mga suspendido ang klase.

"Anong lagay?" sabi ng kaniyang lolo.

Mayroon siyang hawak na mainit na kape at umupo sa tabi ni Tala. Hinigop niya ito at nanood din ng telebisyon.

Umiling si Tala nang mayroong pagkadismaya.

"Wala po 'yung Bulacan, eh. Mukhang me'ro'n po kaming klase."

"Ganu'n ba? Dalhin mo na lang 'yung malaking payong para 'di ka mabasa."

Tumango si Tala, hindi makapagsalita dahil puno ang kaniyang bibig.

Pinagpag ni Tala ang kaniyang kamay na mayroong mugmog ng pandesal, pati na rin ang kaniyang palda na nalagyan nito. Mabilis niyang hinugasan ang plato sa kanilang kusina bago bumalik sa bangko upang isukbit ang kaniyang backpack.

"Mauna na po, 'ko." sabi niya bago magmano sa kaniyang lolo.

"Sige, apo. Mag-iingat ka."

Ang dilim sa labas.

Akala mo gabi pa rin dahil sa sobrang itim ng ulap.

Naglakad siya papuntang eskuwelahan habang bitbit ang malaking payong na otomatik.

Giniginaw pa rin siya kahit na nakasuot na siya ng hoodie, para kasing tumatagos ang lamig sa makapal na tela ng kaniyang hoodie.

"A-choo!" sabi niya at kinilabutan.

'Gara, sana 'wag naman ako magkasakit uli sa lamig.' isip niya at tumikhim nang ilang beses sabay kurap ng kaniyang nagluluhang mga mata.

Parang walang tao sa labas. Nagdadalawang isip tuloy siya kung papasok pa ba siya o itutulog na lamang niya ang lamig ng panahon sa bahay.

Ngunit pag-akyat niya sa kanilang silid-aralan, nabigla siya sa kaniyang mga kaklase na nakapila sa labas ng kanilang silid-aralan.

Nagtataka din sila katulad niya, hanggang sa narinig nila ang malakas na boses mula sa loob.

"Bayad! Bayad! Bayad muna bago upo!"

Sinilip ni Tala kung ano ang ganap at nakita ang kanilang treasurer na may hawak-hawak na alkansya at hinaharangan ang bukas na pintuan.

"Kakadating lang namin, sinisingil mo na kami ka'gad!" angal ng kanilang kaklase na nasa unahan ng pila.

"Aba, malamang! Marami sa inyo lakas makikain pero 'ala namang ambag!" palaban na sagot ng kanilang treasurer.

Naiinis na naghulog ng sampung piso ang kaniyang kaklase, at gumilid ang kanilang treasurer upang makapasok siya sa loob ng silid-aralan.

Hindi na dumaing ang iba niyang mga kaklase at naghulog na lamang upang kaagad nang makapasok ng silid-aralan.

Si Tala na ang kasunod.

Kinuskos niya muna ang magkabilang suwelas ng kaniyang sapatos sa basahan bago lumapit sa bukas na pintuan.

Tinaasan siya ng kilay ng kanilang treasurer sabay alog ng de lata na alkansya. Ang tinis ng tunog nito at nakangingilo.

"O, Luwalhati," mataray niyang sambit. "Ano na?"

Tinitigan ni Tala ang alkansya bago tumingin sa kaniya, nagtataka.

"Para sa'n ba 'yan, Raymond?"

"Ano ba ganap ng October?"

Spring OnionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon