Chapter 27. Fireworks

113 13 8
                                    

"Ano na ngayon?" sabi ni Tala.

Palubog na ang araw noong lumabas sila ng Snow City, kaya't marami na ang lamok na todo kagat sa kanilang braso.

"Kahit sa'n, basta 'yung mataas para makita natin 'yung view!" sabi ni Chelsea habang tinataboy ang mga lamok.

"Sky Fiesta kaya?" sagot ni Franchesca.

Tiningnan ni Tala ang Sky Fiesta na mukhang swing ngunit ubod nang taas at bilis.

Kinilabutan si Tala.

"'Yoko." sabi niya.

"Takot ka ba sa heights?" tanong naman ni Chelsea.

"Medyo. Ayoko lang nu'ng mabilis 'yung andar."

"Ferris wheel ba, keri?" sabi ni Franchesca

Tumingin naman si Tala sa Ferris wheel na mataas ngunit mabagal lamang ang ikot.

Tumango si Tala.

"Kaya naman."

Mahaba ang pila sa Ferris wheel, ngunit kakayanin naman ito ng oras. Noong makasakay sila sa capsule ng Ferris wheel, pakiramdam ni Tala hinahalukay ang kaniyang tiyan ng kaba.

Wala kasing bars na nakapalibot sa capsule! Literal na open siya!

Siguro kung dumungaw man ang isa sa kanila, baka lumipad nang hindi oras at mameet-and-greet ang lumikha sa kaniya.

Nanatiling nakaupo si Tala at nakahawak nang mahigpit sa kaniyang upuan. Kumakabog ang kaniyang dibdib at lalo itong lumala noong naramdaman niya na itinataas ang kanilang capsule.

Umaakyat yata ang kaniyang dugo sa kaniyang ulo, sa punto na hindi niya masabayan ang kaniyang mga kasama na tumayo upang pagmasdan ang tanawin.

Kahit ganoon, nakikita ni Tala mula sa kaniyang upuan ang paglubog ng araw, kung kaya't naghahalo ang iba't ibang kulay sa langit. Kitang kita nila kung paano nahahati ang araw habang unti-unti na itong bumababa sa guhit-tagpuan (horizon).

Mistula malamig ang hangin na dumadampi sa kaniyang mukha at balat, at tila nagyeyelo ito dulot ng takot at kaba ni Tala.

Ang taas na nila sa ere!

Parang langgam ang mga tao sa baba!

Napahinga nang malalim si Tala at dali-daling inalis ang kaniyang tingin upang titigan ang lapag.

Abala ang iba sa pagkuha ng litrato at bidyo sa paglubog ng araw upang mapansin ang kaniyang takot.

Hindi nakatutulong na nakikita niya ang kalawang sa sinasakyan nilang capsule at ang paggewang-gewang nito habang umaangat sa ere.

Pataas ito nang pataas.

Paakyat naman nang paakyat ang kaba ni Tala.

Hanggang sa huminto ang kanilang sinasakyan sa pinakatuktok.

Mahigpit ang kapit ni Tala sa railing at hindi na niya kayang tumingin sa kaniyang paligid.

'Kulay green ang sahig, kulay green ang sahig, malamig ang hangin, 'di naman 'to malalaglag, okay lang ako!'

Malalim ang paghinga ni Tala at parang tinutusok-tusok ng karayom ang kaniyang balat tuwing gagalaw ang kanilang sasakyan sa bawat paghakbang at paggalaw ng kaniyang mga kasama.

"Woah! Kita ko ang Rio Grand dito!"

Lumapit si Mayumi sa kaniya na naging sanhi ng pagtagilid ng capsule. Akala ni Tala lumundag ang kaniyang puso sa takot noong tumabingi ang kanilang sinasakyan.

Spring OnionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon