Chapter 45. Libro

150 11 6
                                        

Viewer discretion is advised: The content might be uncomfortable to read due to mild harassment, and detailed animal dissection.

MEANWHILE, KAY TALA...

Patuloy ang pagkurap ng cursor sa maliwanag na monitor, habang umiiling naman ang nangangalawang at inaagiw na bentilador.

Hindi mahawakan ni Tala ang keyboard sa kaniyang harapan, bagkus nanatili lamang siyang nakatitig sa monitor habang patuloy ang paglipas ng oras na nakatala sa timer ng kompyuter.

Hinihintay siya ng kompyuter na gawin ang kaniyang alam. Ang kaniyang nakasanayan.

Ngunit parang nakalimutan na ito ni Tala.

Napakurap si Tala noong marinig niya ang pagkaskas ng mga sapatos sa lapag. Mabagal ito at tatamad-tamad hanggang sa huminto ito malapit sa kaniya.

Tiningnan ito ni Tala sa gilid ng kaniyang mga mata.

Kasing edad niya ito, at base sa mapusyaw na asul na polo nito na mayroong gintong tatak ng kanilang eskuwelahan sa dibdib at madilim na asul na necktie, galing itong Sacred Angels.

"Umaandar timer mo," sambit nito nang mayroong ngisi. Ngumunguya siya ng bubblegum habang minamata ang maliit na kahon kung saan kumukurap ang mga numero.

Nanatiling nakatuon ang pansin ni Tala sa monitor; nagkukungwari na walang naririnig.

''Wag mo na lang siya pansinin. Aalis din 'yan.' isip niya.

Ginalaw ni Tala ang kaniyang mouse kaya't umilaw ang monitor. Iginiya niya ang cursor upang pindutin ang pamilyar na laro. Handa na siyang marinig ang pamilyar na tunog nito at maipakita na abala siya.

Ngunit nanatiling nakalapat ang cursor sa pixelated na larawan.

Tinitigan niya ito. Hindi magawang pindutin kahit na sobrang dali nito.

Hindi magawang magbabad katulad ng nakasanayan niya.

Pero saan siya pupunta kung hindi rito? Ito lamang ang lugar na alam niyang tago.

Naging tensiyonado ang kaniyang mga balikat noong maramdaman ang isang presensya sa kaniyang tabi. Dama niya ang ihip ng hangin mula sa kaniyang paghinga, pati na ang bahagyang init na mula sa kaniyang balat.

"Taga-G.S. ka, 'di ba? Parang kilala kita," simula niya.

Kinilatis niya pa ang mukha ni Tala; at dama rin ni Tala kahit ang paglapat ng kaniyang tingin sa kaniya, kahit na noong lumihis ito papunta sa kaniyang bukas na polo.

Nanatiling nakatingin si Tala sa monitor. Pinilit niya kahit na tumitiim ang kaniyang panga at namumuti ang kamay na nakakapit sa mouse. Hustong pinipigilan ang sarili na huwag paliparin ang kaniyang kamao para tanggalin ang ngisi sa mukha ng lalaking ito, at sa gayon lumawak na rin ang puwang sa pagitan nila.

''Wag kang magreak. Mas matutuwa pa 'yan kapag nagalit ka, kapag sinigawan mo siya-- kahit nga irapan mo lang siya.'

Ibinaling ni Tala ang kaniyang atensyon sa timer na patuloy ang pag-andar.

'Pagod na 'ko. Ba't ba sumasabay pa 'tong mokong na 'to?' Pinagaan niya ang kaniyang hawak sa mouse at unti-unting pinakawalan ang bigat sa kaniyang katawan at ulo.

"Tapang mo naman para magcutting. 'Lam 'ko 'yang laro na 'yan, ano IGN name mo?--"

Kumaskas ang upuan noong tumayo si Tala, dahilan para lumawak ang ngisi sa mga labi ng binata.

Hinintay niya ang pagsigaw ni Tala, inaabangan ito.

Hanggang sa inabot lamang ni Tala ang kaniyang backpack at naglakad paalis. Mabigat ang kaniyang hakbang at hindi mabasa ang ekspresyon sa mukha. Hindi niya siya tinapunan ng tingin, kahit na agaran siyang pinalitan sa upuan. Mayroong tagumpay sa ngisi ng binata habang nilulubos ang naiwang oras sa kompyuter, masaya na gumana ang kaniyang panggugulo.

Spring OnionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon