Chapter 36. Pagtingin

297 18 51
                                        

Inikot ni Tala ang kaniyang bisekleta at nilagpasan ang iilang estudyante na pumipila sa court habang inaayos ng mga kasapi ng Student Government ang bandera sa pole.

Unti-unti niyang pinabagal ang kaniyang pagpapatakbo noong malapit na siya sa paradahan ng bisekleta.

Mayroong nakatayo roon at nakasandal sa poste. Mukha siyang nagmumuni-muni dahil nakatayo lamang siya habang nakatanaw sa kulay lila na langit, ngunit noong natunugan niya ang papalapit na bisekleta, tumingin na siya.

Kumaway siya at mayroong sinabi, ngunit hindi siya narinig ni Tala dahil sa earphones na nakapasak sa kaniyang mga tainga. Tinanggal niya ang mga ito.

"Aga mo, ah." sabi ni Tala at lumapit sa kaniya nang hatak-hatak ang kaniyang bisekleta. "Magsasabit ka rin ba ng flag?"

Umiling si Mayumi, nakangiti siya at namumula ang kaniyang mga pisngi at tainga dulot ng lamig. Suot niya muli ang kaniyang kulay lila na cardigan, habang grey na hoodie naman ang suot ni Tala.

Iniabot niya kay Tala ang isang paperbag nang walang sinasabi.

"Ano 'to?" sabi ni Tala at kinuha ito.

Binuksan niya ito at nakita ang dalawang malaking pinsel na makapal ang mga bristles at lata ng thinner.

''Di niya nakalimutan...'

"Naglagay ka pa ng thinner." sabi ni Tala at ibinalik ito sa paperbag. "Brush lang okay naman na."

"But you need it din, hindi ba?" sabi ni Mayumi.

"Oo, pero..."

''Di mo naman kailangan gawin 'yun.'

Umiling siya sa naudlot niyang sasabihin, tapos tumango.

"Tenkyu, May-May." sabi ni Tala at binigyan siya ng bahagyang ngiti bago ayusin ang kaniyang bisekleta.

Habang kinakadena niya ito sa poste, nararamdaman niya na umaaligid pa rin sa kaniyang gilid si Mayumi at pinapanood siya. Nakatayo lang siya at damang dama ni Tala ang pagiging awkward niya.

"Ba't? May sasabihin ka ba?" sabi ni Tala. "Ba't ngayon ka pa nahihiya sa'kin, parang 'di mo sinabi sa'kin na ginagawa mong bookmark ang centipede."

Narinig niya bumulong si Mayumi na para bang nagpapaliwanag na hindi raw bookmark, kung hindi preservation ang ginawa niya. Para tuloy siyang bubuyog na nagrereklamo, kaya't napangiti saglit si Tala.

"I made you something." sabi naman ni Mayumi.

"Dami mo namang ibinibigay sa'kin." sabi ni Tala. "Hulaan ko... si Noodle 2.0 'yan."

Noong na-click na niya nang maayos ang lock, at tsaka pa lamang siya pumikit at inilahad ang kaniyang palad kay Mayumi nang hindi lumilingon.

Para surprise!

Hinintay niya ang paggapang ng insekto sa palad niya, ngunit narinig niya ang paglukot ng papel at naramdaman makinis na tekstura nito.

Idinilat niya ang kaniyang mga mata at napatda siya noong makita ang assortment ng bulaklak na nakabalot ng maganda at makintab na wrapper.

Yari sa fuzzy wire ang mga bulaklak at iba-ibang klase pa ang mga ito. Mayroong sunflower, daisies, at tulips. Isa pala itong bouquet.

"It's not Noodle 2.0, but I made you flowers." malumanay na sabi ni Mayumi.

Naubusan ng salita si Tala. Naging blangko ang kaniyang utak.

Sobrang dalas na yata siyang nauubusan ng salita dahil kay Mayumi.

Maingat niya na hinawakan ang bouquet at inilapit ito sa kaniyang mukha.

Sa detalye pa lamang nito ay hinala niya na mahabang oras ang ginugol upang matapos ang mga ito- marahil isang oras ang katumbas ng isang bulaklak.

Spring OnionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon