'Ito ba yung "feeling" na sinasabi nila na parang mga paruparo sa tiyan?
Ibig sabihin ba nito, gusto ko si Mayumi?
Pero ngayon ko lang 'to naramdaman para sa isang tao, kaya baka mali ako.
'Di ko nga alam kung ano 'yung totoong ibig sabihin ng magkagusto sa isang tao.
Kung gusto ko si Mayumi, bakit ko siya gusto?
Gusto ko ba talaga siya, o 'di lang talaga ako pamilyar sa pakiramdam na 'to kaya nasabi ko na "gusto" ko siya?
Dapat siguraduhin ko muna 'to bago 'ko mag-isip. Ayokong magkamali, lalo na kay Mayumi.'
Nagsalita si Mayumi at nabalik si Tala sa kasalukuyan. Alam niya na mayroon siyang sinabi dahil narinig niya ang kaniyang boses.
Ngunit hindi niya ito naintindihan.
Napagtanto niya lamang na kinakausap siya ni Mayumi noong idinako ni Mayumi ang kaniyang tingin sa kaniyang mata.
'Ngayon ko lang yata siya tiningnan pabalik nang direkta sa mata. Kadalasan, naiilang ako kapag tinitingnan ko 'yung isang tao sa mata.
Para kasing nakikita ko 'yung pagkatao niya, kaya naiilang ako.
Pero hindi ganu'n kay Mayumi.
Parang ang hirap alisin nu'ng tingin ko sa kaniya.'
Bahagyang gumalaw ang mga mata ni Tala noong suriin niya ang tingin ni Mayumi. Pilit niya na iniintindi kung ano at bakit niya nararamdaman ang init sa kaniyang pisngi at paruparo sa kaniyang tiyan habang tinitingnan siya.
'Ano ba mayro'n sa'yo?
Bakit gan'to ako sa'yo?'
Pero 'di ko naman pwede itanong sa'yo 'yan, 'di ba? Pa'no kung sabihin ko sa'yo na gusto kita pero 'di naman talaga.
Masasaktan lang kita.
At masasaktan lang ako kasi nasaktan kita.'
Naramdaman ni Tala ang pagkawala ng init sa kaniyang pisngi at napalitan ito ng lamig. Naging maalalahanin ang tingin ni Tala.
'Ayokong mangyari 'yon.'
Inalis ni Mayumi ang kaniyang tingin sa kaniya at kasabay nito ang paglayo ng kaniyang mukha sa kaniya at ang dahan-dahan na pag-alis ng kaniyang mga kamay sa magkabilang gilid ng mukha ni Tala.
Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Mayumi, ngunit sapat na ang kaniyang ikinilos upang maramdaman ni Tala ang bahagyang paninikip sa kaniyang dibdib.
'Ba't ganu'n? Ang gara naman. Ba't kaya mo 'ko basahin pero 'di kita mabasa?'
Sinusuri niya ang kaniyang mukha ngunit blanko lamang ito.
'Ba't ka lumayo? Naiilang ka ba na nakatingin ako sa'yo? Naiilang ka ba sa'kin?'
Hinawakan ni Mayumi ang kaniyang sariling kamay at tumingin sa lapag; ayaw siya tingnan pabalik.
Lalong bumilis ang pagtibok ng puso ni Tala dahil doon.
"I think magmamarka 'yong wound mo sa lip mo." sabi ni Mayumi.
Ngunit hindi kaagad na nakasagot si Tala, sapagkat parang hindi naunawaan ng kaniyang utak ang sinabi ni Mayumi.
'Nailang ka ba sa'kin?'
Ang gusto niya sanang ikumpirma.
Ngunit, napakurap siya nang isang beses noong umandar na ang kaniyang utak. Umawang ang kaniyang mga labi noong naintindihan niya ang sinabi ni Mayumi.
BINABASA MO ANG
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
