Chapter 48. Ikaw at Ako

180 9 35
                                        

Pakiramdam ni Tala natutunaw siya sa init ng yakap ni Mayumi. Para siyang mantikilya sa mainit na kawali. Nalulusaw siya at humuhulma sa bisig ni Mayumi. Ngunit hinayaan niya si Mayumi na kumawala, kahit na gusto niya pang manatili rito.

Naging mailap ang kaniyang tingin, nanatili pa rin ang init na nananalaytay sa kaniyang katawan at namumuno sa kaniyang mukha. Lumunok siya upang pawiin ang bara sa kaniyang paghinga na pilit nilalagutan ng mabilis na pagpintig ng kaniyang pulso.

Yumuko siya upang ipakita ang kaniyang mga dala kay Mayumi, hanggang sa mapansin niya ang mga paa ni Mayumi na wala man lamang sapin sa malamig na lapag.

Kinilabutan si Tala sa lamig noong tanggalin niya ang kaniyang suot na malambot na tsinelas. Lumapat ang kaniyang paa sa matigas at madulas na lapag, ngunit lumuhod pa rin siya rito upang ayusin ang tsinelas sa harap ni Mayumi.

Mayroong balot sa magkabilang paa ni Mayumi. Mistula benda ito na kakulay dapat ng kaniyang balat, ngunit masiyadong tisay si Mayumi para mapantayan nito.

Kumunot tuloy ang noo ni Tala.

"Anyare? Kapit ka sa'kin."

"Hindi naman siya ganoon kalala." paliwanag ni Mayumi. "Sumakit lang dahil sa heels."

Kumapit naman si Mayumi kay Tala. Nakaangkla ang kaniyang braso sa balikat ni Tala habang sinusuri niya ang kaniyang paa.

"Mukhang 'di naman magpapaltos," wika ni Tala, maingat na kumakapit ang kaniyang mga daliri sa bukung-bukong ni Mayumi at kumikiling ang ulo. "Pero parang namamaga?"

Maingat naman niyang inangat ang paa ni Mayumi upang pagpagin ang talampakan bago isuot ang malambot na tsinelas. Sunod naman niya itong ginawa sa kabilang paa ni Mayumi.

Hinayaan siya ni Mayumi. Malamyos niya siyang pinanood, lalo na iyong pagtalbog ng tumitikwas niyang buhok. Namayani na ang kaniyang kuryosidad, kaya't isinilid niya ang kaniyang kamay sa buhok ni Tala at pinaglaruan ito habang abala siya.

Nanatili ang makapal na hibla ng buhok ni Tala sa daliri ni Mayumi. Inikot niya ito sa kaniyang hintuturo at lumuhod upang pantayin ang tangkad nila ni Tala.

Tiningnan niya ang mukha ni Tala, at ganoon din si Tala sa kaniya. Mayroon lamang bahid ng pagtataka sa mata ni Tala at bahagyang pagka-aliw. Nagtatanong siya gamit ang mga ito, ngunit hindi naman siya sinagot ni Mayumi.

Para sa isang tao na hindi gusto ang atensyon ng iba na nakatutok sa kaniya, komportable siya sa tingin ni Tala.

Banayad ang pagdampi nito sa kaniyang mukha. Parang malamyos na dampi ng kamay sa pahina ng isang libro upang maingat na basahin ang nilalaman nito. Hindi mausisa, bagkus magalang. Mayroong kuryosidad na nananalaytay sa nanatili na tingin.

Nakikita lamang ni Mayumi ang bahagyang paggalaw ng kaniyang mga mata, at lalong pagdilim nito; lumalawak ang balintataw habang nanatili sa kaniya. Kumurap man siya, ngunit bumabalik pa rin sa kaniya ito.

"Ba't?"

"Bakit?"

"Ba't nakatingin ka?" tugon ni Tala. Mayroong kislap sa kaniyang tingin habang ngumingiti at pagka-aliw sa kaniyang tono.

Nagkibit-balikat lamang si Mayumi, mayroong mapaglarong ngiti.

"Nagtataka lang why napadaan ka rito?"

Naramdaman ni Mayumi ang pag-ilap ng tingin ni Tala. Hindi sana ito halata kung hindi niya lamang siya kilala. Alam niya iyong bahagyang pagkibot ng kaniyang mukha na parang nabigla siya, bago bahagyang lumihis ang kaniyang tingin bago ito ibalik sa kaniya, at ang pamumuo ng tensiyon sa kaniyang magkabilang balikat.

Spring OnionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon