Chapter 32. Secret

142 11 20
                                    

Nakalatag ang mga papel sa lapag nang maayos at tabi-tabi sa isa't isa na mistula isang malaking puzzle. Sinusuri ito ni Tala nang nakapangalumbaba, nag-iisip.

Nasa magkabilang gilid naman niya sina Hana at Ryan na nakikitingin mula sa taas ng kaniyang balikat.

"Ito 'yung disenyo na naisip ko." lumapit si Tala rito at itinuro ang taas na bahagi ng kaniyang mala-tarpapel na costume design.

"Laki naman ng concept design mo? 'Di ba puwede sa isang papel na lang 'yan?" mungkahi ni Ryan.

Lumuhod siya sa tabi ni Tala at lumapit sa tarpapel upang kuhanin ang isang bahagi nito at tingnan nang malapitan, ngunit sinampal ni Tala ang kaniyang kamay bago pa ito dumaplis dito.

"'Wag mo ngang guluhin!" daing ni Tala bago maging mahinahon at mapagmalaki muli ang kaniyang tono. "Ginaniyan ko talaga para mavisualize niyo nang mas maayos."

Tumingin naman si Tala kay Hana nang mayroong ngiti sabay turo sa kaniyang gawa.

"Ikaw, ano sa tingin mo? Ganda 'di ba?"

Tahimik na tiningnan ni Hana ang disensyo ni Tala. Walang emosyon sa kaniyang mukha habang inililibot niya ang kaniyang mga mata rito.

"Ang pangit."

Nalaglag ang ngiti ni Tala.

Ngunit, hindi siya nagreklamo.

Ayaw na rin niyang kwestyunin si Hana dahil siya rin ang mapapahiya.

Alam naman niya na mahusay si Hana sa kahit na anong may kinalaman sa pagdidisenyo, kaya't tinanggap na lamang niya ang kaniyang sinabi. Huminga na lamang siya nang malalim at humiga sa lapag nang pasuko na.

Habang si Ryan naman ay mahinang pinagtatawanan siya.

"'Idlip na muna 'ko, gisingin niyo na lang ako kapag gagawa na tayo." bulong ni Tala sabay subsob ng kaniyang noo sa lapag at pikit ng kaniyang mga mata.

"'Kay." sagot ni Hana.

Umusad si Hana palapit sa ginawang disenyo ni Tala. Kumuha siya ng isang papel mula rito at binaligtad ito upang gumuhit sa blankong parte nito.

Ang tanging naririnig na lamang ni Tala ay ang kaluskos ng papel at pagkaskas ng lapis sa papel. Doon pa lamang, alam na niya na bumubuo na si Hana ng panibagong disenyo na susundin nila.

"Kahit 'wag ka na gumising, okay lang." sabi ni Ryan.

Dumilat si Tala at lumingon sa kaniya sabay sipa sa kaniya nang malakas, kaso maiksi ang kaniyang biyas kaya't hindi rin ito umabot kay Ryan.

Hinablot ni Ryan ang bukung-bukong (ankle) ni Tala sabay tingin kay Hana nang mayroong malaking ngiti.

"Uy, 'di ba pinagtritripan ka ni Tala? Ku'nin mo 'yung kabila dali!"

Nanlaki ang mga mata ni Tala lalo na noon hatakin siya ni Ryan kaya't napahiga siya sa kaniyang tagiliran. Nagpumiglas na si Tala at sinipa-sipa si Ryan, ngunit hindi ito tumatama sa kaniya.

"Luh? LUH?! Subukan niyo lang!"

"Dali, Hana! Isako natin si Tala!"

Hindi kumikibo si Hana.

Patuloy lamang siya sa pagguhit sa papel at nakatuon ang atensyon sa bawa't marka na kaniyang iniiwan rito.

"'Yoko. Bati kami n'yan, eh." sagot niya.

Nadismaya si Ryan habang napaupo naman si Tala nang mayroong malaking ngiti.

"Bati tayo??" masayang sabi ni Tala.

Spring OnionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon