NOTE: The characters' profile pictures are taken from Pinterest.
'Paanong okay siya? Pa'nong parang walang nangyari...'
Nasa harap na siya ng maraming tao. Patuloy siya sa paggalaw katulad ng kaniyang naensayo, ngunit okupado ang kaniyang isip.
Hindi niya pa rin mabugaw paalis ang multong ginagambala ang kaniyang isipan. Marikit ang kilos nito na parang bulaklak na sinasayaw ng hangin.
'Imposible 'yun.. Hindi siya dapat nandito. Sinigurado ko 'yun.. Pa'no..?'
Tumapat siya sa mikropono at hinarap ang mga judges.
'Pa'no kung sabihin niya sa lahat? Pa'no kung guluhin niya na talaga lahat?'
"G-Greetings..." huminto siya saglit.
Napapapikit siya nang panandalian nang madiin, pati ang kaniyang hawak sa kaniyang baywang sa punto na nag-iwan ng mala-buwan na hugis ang kaniyang mga kuko. Pinilit niya ang kaniyang sarili na mas ituon ang pansin dito.
'T*ngina... T*ngina talaga. Magfocus ka nga. Walang kwenta 'yang iniisip mo, katulad niya.'
Ngumiti siya muli, "Greetings, dear judges," tumingin siya muli sa mga judges na nakaupo sa mahabang lamesa na pinalamutian ng makintab na tela at bulaklak. "--lovely audiences," tingin niya naman sa kalahatan. "My name is Kayla Fernandez, representing Grade 10!"
Inangat niya ang kaniyang mga kamay, dahilan para magising ang mga tao sa boses at kilos niyang puno ng enerhiya.
"In a world where everything stays the same,"
Unti-unti, nararamdaman na niya ang panunumbalik ng kaniyang kumpiyansa. Naging malabong pigura sa kaniyang isipan ang multong pilit na nagpapaalala.
Ngumit siya, sa wakas ay buong buo at mayroong kislap sa mata.
"Let's aspire to be the one that stands out."
_______
NOON...
Matinis ang siyap ng mga daga. Sunod-sunod ang tunog ng pagkaskas ng maliksi at maliit nilang mga paa sa lapag.
Naramdaman ni Mayumi ang pagdaplis ng malamig at mamasa-masa nitong buntot sa kaniyang braso. Kinilabutan siya. Ngunit wala naman siyang makita.
Alam niyang nakadilat ang kaniyang mga mata, ngunit wala siyang mahagilap na liwanag at pigura. Basta't naririnig lamang niya ang nagkakagulong siyap ng mga munting daga na palayo nang palayo, ngunit umaalingawngaw pa rin sa maliit na bodega.
Sinubukan niyang itulak ang kaniyang sarili paangat, subalit ayaw makinig ng kaniyang katawan. Bumagsak muli siya sa lapag at sumaboy ang alikabok. Napaubo siya rito at nanumbalik ang sakit at kirot ng kaniyang katawan na mas nagpako sa kaniya sa lapag.
Itinulak niya muli ang kaniyang sarili.
Napapasinghap at napangiwi siya sa kumikirot niyang kalamnan at mahapding galos. Kinapa niya ang magaspang na pader at ginamit itong gabay. Kinakaladkad niya ang kaniyang puro lupa at alikabog na mga paa, hanggang sa makapa niya ang isang switch.
Umugong ang bumbilya sa kaniyang uluhan. Napatingala siya noong magkaroon ng kislap ng liwanag. Kumurap ito, hanggang sa tuluyan nang namayani.
Kumuyom ang kaniyang mga palad sa pader noong parang tinutusok-tusok na naman muli ang kaniyang talampakan. Hindi naman siya makareak, sapagkat kaunting kibot ng kaniyang mukha at angat ng kaniyang labi, daig pa ang pagtuklap at pagbudbod ng asin sa kaniyang sariwang sugat.
YOU ARE READING
Spring Onions
Roman d'amourMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...
