Note: Please read with a white background.
Sinusuri ni Tala ang kaniyang mukha sa salamin habang dinadampiaan niya ng bimpo na mayroong yelo sa kaniyang batumpisngi. Mayroong pasa na mamuo rito.
Hindi naman ito halata dahil nakatulong ang kaniyang pagiging morena, ngunit kapansin-pansin pa rin ito sa malapit.
Dumako ang kaniyang tingin sa gilid ng kaniyang labi na mayroong maliit na sugat. Tumama yata ang kaniyang ibabang labi sa kaniyang ngipin noong suntukin siya.
Kumuha siya ng bandaid mula sa kaniyang drawer ngunit napahinto siya.
Umiling siya at ibinalik ito.
'Mausisa si May-May, tatanungin niya 'yan.' Isinarado niya ang kaniyang drawer at tiningnan muli ang kaniyang sarili sa salamin. Maliit lamang ang sugat sa kaniyang labi at nangitim na dahil nagkaroon na ito ng langib. ''Di naman pansinin 'yan.'
Inayos ni Tala ang kaniyang buhok at hinayaan ito na mahulog sa kaniyang mga mata at pisngi upang maitago ang kaniyang pasa. Kinuha niya ang kaniyang sumbrero mula sa sabitan at isinuot ito upang mas lalo itong manatili sa puwesto.
Matapos niyang mag-ayos, bumalik siya sa kaniyang bintana at tinitigan ang kaniyang bulaklak.
Tuluyan nang naging kulay brown ang mga talulot nito. Nakayuko ito at sumasara dahil sa panunuyot.
Kapag lumipas pa ang ilang oras, tiyak malalanta na ito nang tuluyan, lalo na't hindi naman ito tunay na bulaklak, isa lamang itong ligaw na halaman.
Maingat niyang inangat ang kaniyang daliri at tinapik ito.
Matigas na ang talulot nito, ngunit hindi naman ito bumagsak.
Nakahinga nang maluwag si Tala.
Maingat niya na binuhat ang paso nito at kinuha ang metal basket na ikinakabit sa harapan ng kaniyang bisekleta.
Ang alam niya namamalengke ang kaniyang lolo at lola sa ganitong oras, kaya't kampante siya na bumaba ng hagdan nang nakangiti at hindi nagmamadali.
Huminto siya sa dulo ng hagdan noong marinig niya ang kaluskos mula sa kusina. Dahan-dahan siya na naglakad at dumungaw. Nakita niya ang kaniyang lola na mayroong kinukuha sa loob ng refrigerator, nakayuko siya at nakahawak sa kaniyang likod upang alalayan ang kaniyang sarili.
"Hay, nako, nako!" daing niya at bumulong. "'Di dapat ako ang yumuyuko sa gan'to."
'Nakatago naman na 'yung pasa ko, 'di na niya mapapansin 'yan. Tsaka, malabo naman 'yung mata.'
Kaya't lumapit na sa kaniya si Tala.
"'La? Ano po ba hinahanap niyo?" mahina niyang sabi upang hindi magulat ang matanda.
Narinig niya ang patuloy na kaluskos ng plastik at pagkaskas ng mga tupperwear.
"Aba, aywan ko ba." simula niya. "Pa'no ba naman kasi, 'yung kamatis na'tin bagong bili lang nawawala na naman."
Inilapag ni Tala ang kaniyang gamit at kaagad na umupo sa kaniyang tabi upang halughugin ang loob ng storage box ng refrigerator.
'Huling luto ko, alam ko dito ko nilagay 'yun, eh.' isip niya at iniangat ang isang buong repolyo upang mas mahanap ito.
Pumailalim pala ang kulay dilaw na plastik na mayroong laman na tatlong maliit na kamatis.
"Ah! Heto na po." sabi ni Tala at kinuha ito.
Tumayo si Tala at binigay ito sa kaniyang lola. Katabi niya lamang siya kaya't madali niya itong naiabot.
Nakakunot ang noo ng kaniyang lola habang tinitingnan ang plastik. Inilapit niya pa ito sa kaniyang mata habang nakapamewang.
BINABASA MO ANG
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...