Pagsapit ng pangalawang breaktime, hindi pa rin kinukulit ni Mayumi si Tala para sa floorwax.
Doon napagtanto ni Tala na hindi pala makulit si Mayumi sa pagpapaalala ng responsibilidad ng iba, kasi hindi naman siya apektado rito.
'Teka.' napahinto si Tala noong may mapagtanto siya. 'Ba't 'pag nagcutting ako no'n sobrang big deal? Ibig sabihin ba no'n apektado siya 'pag nagcutting ako?'
Ngumiti si Tala nang malaki.
Parang sinuwerte si Tala dahil wala si Mayumi sa labas ng silid-aralan at canteen, ngunit hinarangan naman siya ng guwardiya sa entrance ng eskuwelahan.
"Sa'n ka pupunta? Bawal lumabas!" sabi ng guwardiya.
Sumimangot si Tala at itinuro ang kaniyang paa.
"Kuya, pilay ako, oh. Kailangan ko na umuwi, masakit na eh."
"No'ng isang araw pa 'yang pilay mo na 'yan! Nako, 'di mo ko maloloko, balik na sa klase!"
"Kuya, pauwiin mo na ako! Masakit nga, ehh."
"'Di nga puwede, 'wag ka na makulit. Mas mahirap kung masagasaan ka pa sa labas." sabat niya. "Bilin din sa akin ng mga titser mo, 'di ka puwede lumabas kung wala kang kasama."
"May kasama naman ako, kuya."
"Oh sige, nasa'n?"
"Susunod na lang daw."
Napahalakhak ang guwardiya.
"Maniwala ako sa'yo. 'Wag mo na 'ko lokohin, bumalik ka na sa klase mo o tatawagan ko adviser mo!"
Malungkot na bumalik si Tala sa kanilang building.
Nakasalubong niya si Mayumi sa may hagdanan at mukhang pabalik pa lamang sa kanilang silid-aralan mula sa canteen. Ngumunguya siya ng turon at napatingin kay Tala.
Mas napagtuunan niya ng pansin ang bag sa kamay ni Tala kaysa sa simangot niya.
"Oh, so you were serious." sabi niya.
"Hindi ah," katwiran ni Tala. "Bibili ako ng floorwax."
"Ohh..." tumango si Mayumi at sinabi nang hindi naniniwala, "Bibili ng floorwax."
"Oo nga, bibili ng floorwax!"
Napansin ni Mayumi na nahaharangan nila ang hagdanan, kaya't dahan-dahan niyang hinila si Tala sa may gilid ng hagdanan upang hindi sila makaabala.
"Kung bibili ka ng floorwax, need mo ng kasama." sabi ni Mayumi.
Inilabas niya ang maruya na nakapaloob sa plastik mula sa malalim na bulsa ng kaniyang palda upang ialok kay Tala.
"Hindi ako mahilig." ang mahinahon na sagot ni Tala sa pag-alok niya, pero dumiin ang kaniyang tono noong sumagot kay Mayumi. "Ayoko nga bumili! Wala naman ako kasama, eh. Tsaka, malapit na magklase."
"Sasamahan kita."
"'Di ba?!" kaagad na sagot ni Tala kasi akala niya sasang-ayon sa kaniya si Mayumi, pero para siyang nabulunan noong mapagtanto niya ang talagang isinagot ni Mayumi. "Ha?!"
BINABASA MO ANG
Spring Onions
RomanceMGA KARAKTER... Magaling magcutting sa klase si Tala, ngunit uubra kaya iyon sa terror nilang class president na si Mayumi? _______ ANG NILALAMAN... Hinahanap-hanap mo ba ang pakiramdam na maging isang Junior High School student, o isa kang Junior...