FATHER JOSEPH

1.3K 16 0
                                    

FATHER JOSEPH

Sa kahilingan ng aking kapatid na si Mercy ay ako na ang magtutuloy ng kuwento niya dahil wala naman siyang malay ng mga oras na iyon habang ginagawa ang pagpapalayas sa masamang espiritu sa sistema niya.

Tawagin niyo na lang po ako sa pangalang Ronel, ako ang panganay sa aming magkakapatid. Nang mga panahong itinatali na ang kapatid ko ay awang-awa ako sa kalagayan niya. Wala man ako sa posisyon niya ay ramdam ko ang kaniyang takot.

Ang totoo niyan ay tanging si father Joseph lang ang pumayag na sumama sa amin ng mga panahong iyon dahil tumanggi ang ibang pari. Kaya nagpapasalamat na kami ng sobra sa kaniya.

Ang istilo po ni father Joseph ay kakaiba sa lahat, ibang-iba ito sa mga nakikita natin sa telebisyon o pelikula. Hindi po siya gumamit ng holy water o krus, ang tanging dala lang niya noon ay nag-iisang bibliya lamang.

Si mang Doming naman ay naghanda ng mga insenso dahil ito raw ang isa sa mga mabisang paraan para palayasin ang mga masasamang espiritu sa paligid. Opo, tama kayo sa narinig dahil ang sabi ni mang Doming ay may mga espiritu pa raw sa paligid ang nag-aabang lamang o kumukuha ng tiyempo para pumasok sa katawan ng kapatid ko.

Sa pagkakataong iyon ay kami-kami lang ang tao roon dahil pinaalis na muna ni mang Doming ang mga taong magpapagamot pa sana sa kaniya. Hanggang sa sinimulan na ni father Joseph ang pagbabasa ng mga talata, na para lang kaming nasa simbahan at nakikinig ng oras na iyon.

Nag-umpisa na rin sa pagdadasal si mang Doming hanggang sa natapos si father  Joseph sa pagbabasa ng talata at sumasabay na rin ito sa pagdadasal.

Sobra po kaming nagulat sa senaryong iyon dahil mabilis ang reaksyon ng katawan ng kapatid ko. Nagising ito pero sa tingin ko ay hindi na siya ang kapatid ko dahil namimilog ang mga mata nito na nanlilisik.

Lalong nilakasan nina father Joseph at mang Doming ang pagdarasal hanggang sa unti-unting bumubuka ang bigbig ng kapatid ko. Grabe po ang kilabot ko maging ang tatay ko at ang kapatid kong nagtatakip na sa tainga dahil sa ingay na hindi namin maintindihan. Hanggang sa may lumabas po na pagkarami-raming bubuyog sa bunganga ni Mercy. Nang sandaling iyon, pakiramdam namin ay nakasakay kami sa sasakyan habang dumadaan sa matagtag na lugar, at sobrang bigat sa pakiramdam.

“Sa pangalan ni Hesus! ay inuutusan ko kayong lumabas sa katawan ng babaeng ito!”

Iyon po ang huling narinig ko sa bibig ni father Joseph bago lumabas ang mga umuusok na buhok sa bibig ng kapatid ko. Mabilis na inilayo ni mang Doming ang buhok na iyon habang unti-unting nasusunog na. Ang mga bubuyog naman ay lumabas mula sa bintana ng bahay ni mang Domeng.

Pagkatapos nga po ng kaganapan na iyon ay dali-daling tinanggal ni father Joseph ang tali sa kamay ni Mercy, nilapitan naman ni tatay at niyakap ng mahigpit. Inihiga na ito sa kutson para makapagpahinga. Nakikita ko sa kaptid ko na parang napaso ang lahat ng daliri niya, hindi pa rin ito nagigising. Ang sinabi naman ni father Joseph ay huwag na raw mag-alala dahil wala na ang mga masasamang espiritu sa katawan. Pinakumpirma pa nga ito kay mang Doming dahil ito ang talagang nakakakita o nakakaramdam.

Sa totoo lang ay nagtataka rin ako dahil si father Joseph ang nagpaalis ng masasamang espiritu pero hindi kayang makita o maramdaman, samantalang si mang Doming na isang albularyo ay hindi kayang paalisin ang masamang espiritu ngunit kayang maramdaman o makita. Nang sandaling iyon ay na-astigan ako sa kanila, na kapag siguro palagi silang magkasama ay marami pa silang maililigtas na buhay.

SA KASALUKUYAN nga po ay hindi na nakakakita pa si Mercy ng mga nilalang na iyon. Nagtatrabaho na po siya sa isang Mall sa Trece Martires, Cavite. Ako naman po ay sa bukid pa rin nagtatrabaho kasama ang kapatid ko at si tatay.

Hanggang dito na lang po ang aming kuwento, sana ay maipost ito dahil mahilig pa rin si Mercy magbasa ng mga kuwento rito. Salamat po.
xsaw



📜Spookify
▪︎2023▪︎

[7] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Where stories live. Discover now