Sa May Kurtina

423 6 0
                                    

SA MAY KURTINA

Sana ay nabasa po ninyo ang una kong entry na Buhok sa Mukha na nangyari sa Japan. Hanggang ngayon kapag sumasagi ito sa isip ko ay medyo kinikilabutan ako. Yung paghaplos ng mga buhok sa mukha ko, yung pagtagilid ko sa higaan, yung bahagyang pagsampal ko sa magkabila kong pisngi, yung dahan-dahang pagdilat ng mga mata ko at pagkakita ko sa mukha ng isang babae na nakatapat mismo sa mukha ko ay pawang nangyari sa panaginip lamang. Naka-experience ako ng sleep paralysis. Akala ko totoo kong kinilos ang mga bagay na iyon pero hindi pala. Nasa isip ko lang pala. Nagising ako noon dahil pinilit kong idilat ang mga mata ko nang paulit-ulit. Sa aking pagdilat, nakita ko ang liwanag ng buwan. Walang babae na nakatapat sa mukha ko. Saglit akong natulala at saka ko pa lamang kinapa ang kinaroroonan ng cp ko. Time check 3:33AM.

Nang mga sumunod na gabi, bumalik na ako sa loft matulog. Mga 3 metro lang ang layo nito mula sa kurtina. Mababa lang ang loft bed ko. Halos singtaas lang ito ng bunk bed. Kapag nakatayo ako ay kapantay lamang sya ng dibdib ko. Storage room ang ilalim ng loft bed. Doon nakalagay ang mga maleta ko. Maaga ako natutulog. Kadalasan before 10PM dahil medyo maaga din ako nagigising.  Mahimbing ang tulog ko 3 gabi matapos ang una kong experience. Nagising ako dahil nararamdaman kong naiihi ako. Babangon na sana ako nang mapansin kong gumagalaw ang kurtina sa may bintana. Mayroon akong 2 kurtina. Isang manipis na kulay puti at isang makapal na kulay brown. Yung kulay brown ay nasa dulong kanan lang sya at yung manipis naman ay natakip sa buong bintana. Yung puti ang madalas kong ginagamit dahil tumatagos ang liwanag ng ilaw o buwan mula sa labas ng apartment.

Hindi ako gumagamit ng lampshade para tipid sa kuryente. Tinitigan kong mabuti ang puting kurtina. Gumagalaw talaga sya. Parang hinahaplos. Ibinaling ko ang tingin ko sa bandang kanan ng bintana kung saan nandoon ang brown na kurtina. Nanlaki ang aking mata nang makita ko ang itim na anino ng isang lalaki. Hindi katangkaran. Hinahaplos nya ang puting kurtina. Tumigil sya at dahan-dahang syang naglakad patungo sa akin. Pasigaw ko syang tinanong. Sino ka? Bakit ka nandito? Anong kailangan mo sa akin? Pero walang lumalabas na boses mula sa bibig ko. Nakahiga pa rin ako ng mga oras na yan. Parang naninigas na ang buo kong katawan habang papalapit sya sa akin. Inulit ko ulit ang mga tanong ko pero wala pa ring lumalabas na boses mula sa bibig ko. Isa o dalawang dangkal na lamang ang layo nya sa akin nang sumigaw ako ng “Umalis ka!” na ubod ng lakas. Sa aking pagsigaw na iyon ay nagising ako. Tahimik ang paligid. Para akong pagod na pagod. Nagka-sleep paralysis ulit ako. Naisip kong kunin ang cp ko subalit ang dalawang kamay ko ay naiipit sa pagitan ng aking mga hita. Nakatagilid ang posisyon ko paharap sa bintana. Parehas na posisyon sa aking panaginip. Nasa bandang tuhod ko lang ang cp ko. Kinuha ko ito at binuksan. Time check 3:30AM. Bumangon ako at pumunta sa CR. Pagkatapos non ay uminom ako ng konteng tubig dahil pakiramdam ko ay sobrang pagod ako.  Pagbalik ko sa higaan, niyakap ko ang isa ko pang unan. Inayos ko ang mga kamay ko at siniguro ko na hindi ko sila maiipit sa aking pagtulog. Tuluyan na akong nakatulog pagkatapos nito. Hindi ko pa rin pinansin ang oras na 3:30AM. Akala ko walang meaning kaya hindi ko ito pinagtuunan ng pansin. Sa susunod ko pang kwento mangyayari iyon.

ComemBoo



📜Spookify
▪︎2023▪︎

[7] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Where stories live. Discover now