Simula Ng Katapusan

146 3 0
                                    

Simula Ng Katapusan

Kalakip ng totoong kwentong karanasan kong ito ay ang imahe ni manong elemento mula sa resulta ng pagtatawas (divination), ng una kong mentor sa espiritwal.

Taong 2016 may isang kakilala na nagsabi na may nagpapakitang maitim na nilalang sa kanyang pagtulog. Wala akong inisip na iba kundi kung paano matutulungan yung taong yun, at kung paano mapapalayas yung nilalang na nakakatakot ang itsura na kanyang binanggit.

Ang nangyari, mga maling tao ang nalapitan ko nung una, ang mga nahingan ko ng tulong. Kaya, mali din yung mga ibinigay sa aking mga payo.

Noong panahong iyon, ang totoo ay nahihiya kasi ako dun sa mga kakilala ko na ngayong mga panahong ito ay mga ka-grupo, kapatid at mga kapamilya ko na sa espiritwal. Inaamin ko naman na noon ay ako yung tipo na mabilis umaksyon nang hindi muna nag-iisip mabuti. Padalos-dalos, walang pagpaplano, at hindi nag-iisip ng magiging resulta ng aking mga gagawin.

Ang nangyari, nasaktan ko yung isang grupo ng mga elemento na nakatira sa puno, kung saan pinaghihinalaang nagmula yung mga nananakot. Hinagisan ko ng kalahating kilong asin yung lugar nila ng eksaktong alas-sais ng gabi kung saan naglalabasan sila. Sa kabilang bayan lang yun, malapit sa bundok. Pagkauwi ko sa amin ay halos nagsidatingan narin yung halos isandaang mga alagad nung pinuno nila. Binantayan ako. Nagulat din ako kung paano ako nasundan, o kung paano nila ako natunton nang ganun kabilis.

Wala na akong pagpipiliang solusyon, lumapit na ako sa kaibigan ko na kalauan ay naging unang mentor ko. Tinawas nya ako at kinausap ng mentor ko yung mga nasaktan kong mga elemento. Lampas 17 kilometro ang layo pero nakausap nya sila. Clairaudient kasi yung mentor ko mula bata pa.
Nakakarinig at kayang makipag-usap.
Ang nirereklamo nung mga elemento ay — wala daw silang kaalam-alam at kung bakit sila ang pinarusahan ko. At itinuturo din nila yung bagong gawang kwarto sa di kalayuan ng tahanan nila sa puno. Maaaring ibang grupo naman ng elemento ang nandun sa dakong iyon.

9pm, Inutusan ako ng mentor ko na magsindi ako ng puting kandila at kausapin sa isip ang mga nasaktan ko para humingi ng tawad sa nagawa ko. Dun ako sa gilid ng bahay namin. Nakarinig agad ako ng boses babae na tila nang-aasar na nasa paligid ko lang. Dyan ko unang narinig ang boses ng gabay ko na formally nagpakilala matapos ang dalawang taon matapos. Buong gabi nyun ay andaming pumapasok sa isip ko. Ayokong matulog baka diretso na akong paglamayan kinabukasan.

Nanlalamig ang buong katawan ko nyun. Iniiisip ko nyun "ito na ba ang katapusan ko?" "anong klaseng resbak ang gagawin nila sakin?" "magpapakita ba sila nang sabay-sabay na horror yung mga itsura at sa takot, dun na ako matigok?" Pero sabi ko nyun, "ako naman talaga yung gumawa, ako yung nakasakit sa inyo, ako na lang yung resbakan nyo. I-todo nyo na para isang sakit na lang. Tatanggapin ko naman lahat ng parusa nyo".

Kinabukasan ay kinontak ako nung naging mentor ko at dalawa pang mga kaibigan nya para isama ako sa bayan ng San Pablo upang isangguni. Pagdating sa shop nung gagamot sakin, pinaakyat muna ako sa 2nd floor kasi may alaga syang espiritu na kumakain ng mga mas mahihinang mga espiritu. Nasa isang maliit na kwarto yun na nasa ikalawang palapag at bukas ang pinto. Nito lang mga ilang taon ay saka ko naintindihan ang konsepto ng espiritu na kumakain ng mas mababang uri ng espiritu.

Yun nga palang pinuntahan namin ay isang antique collector, kaya tadtad, siksik, liglig at nag-uumapaw ng horror yung shop nya.
Mula sa segunda-manong mga kabaong ng bata, trophy heads, sunog na rebulto ng santo mula sa mga simbahan, cursed dolls, haunted paintings, bungo ng tao, atbp. Ay hindi ko lahat yun alintana.
Iniisip ko nyun ay kung paano ko malalampasan yung napasok kong gulo at problema.
Pagkababa ko matapos ang 30 minuto ay nabawasan na ng 3/4 yung mga nagbabantay sakin. Medyo gumaan ang pakiramdam ko.

Oras na ng gamutan. Gamit ang kanang palad ko, sa tulong nung antique collector, ang pagkaintindi ko ay kumbaga inamplify nya yung kakayahang makipag-usap sa espiritu nung kasama naming isang babae na isang clairvoyant.
Doon ay kinausap yung pinuno (matandang elemento na nasa larawan) at nagkaroon ng negosasyon. Nagtatampo pala yung matandang pinuno na elemento sa nagawa ko.
At napakiusapan na mag-alay na lang ako ng isang buhay na puting manok at dalawang prutas na mandarin (pwedeng dalanghita sa tagalog).
Na sya namang ginawa ko kinabukasan.

Hindi pa ako nagdedebosyon sa SB nung mga panahon na yun. Hindi ko pa alam paano dumipensa, kung paano maglagay ng kalasag, kung paano makipag-usap/ diplomasya sa mga espiritu, at kung paano mag-isip nang tama. Inaamin ko na napakahina kong nilalang nung mga panahong yun.

Kung sana matapos ang halos walong taon mula noon ay ganito na ako, disin sana'y hindi naging ganun ang mga nangyari. Magkaganunpaman, naintindihan ko na lahat ng nangyari nung nagpasya na akong akapin ang pag-eespiritwal at hindi puro paranormal na lang.

Matapos ang apat na taon mula nung 2016 at napag-usapan muli namin yung pangyayaring yun ng mentor ko, ay sinuggest nya nang pabiro na kausapin ko yung pinuno ng elemento at gawin ko daw gabay. Ang tugon ko sa kanya ay "aanhin natin ang maraming gabay, kung isa lang ay sapat na" napangiti na lang sya.

At ito ang natutunan ko na pwede ko nang ibahagi sa lahat ng nagbabasa dito — "Ang pagtulong sa kapwa ay isang DESISYON. At ang pag-gawa ng mabuti ay isang DEDIKASYON".

Yun lang po.
Salamat sa pagbabasa.




📜Let's Takutan, Pare
▪︎2024▪︎

[7] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Where stories live. Discover now