Utang

361 7 0
                                    

UTANG

Hello po. Medyo mahaba po ang aking ikwekwento. Pasensya na din po kung medyo magulo ang aking pagkwekwento.

Itong istorya na ito ay nangyari noong panahon ng pandemic. Dahil pandemic at compound ang bahay naming magkakamag-anak ay naging libangan namin ang maglaro ng card games araw-araw mula pagkatapos kumain ng tanghalian hanggang umabot minsan ng hanggang alas-syete ng gabi.

Isang gabi, halos katatapos lamang naming maglaro ng card games nang narinig kong nagtatawag ang pinsan ko na may halong pagmamadali sa kaniyang tono. “Tita! Tito! Si Tita Mercy po!” (Itago na lamang natin sa pangalang Mercy) Dahil sa kaniyang tono, nagmamadali kaming pumunta sa pinakaharap na bahay kung saan nakatira si tita Mercy. Pagdating namin ay nakahiga na sa sahig si tita Mercy at sinusubukan irevive ng aking mga kamag-anak, ngunit sa kasamaang palad ay di na umabot si Tita Mercy sa ospital at ang findings ng mga doctor ay inatake siya sa puso.

Tinanong namin ang anak ni Tita mery na nakasaksi ng kanyang pagkamatay. Kwento nito ay kukunin lamang sana ni tita Mercy ang kanyang telepeno na nagchacharge sakanyang gilid ng bigla itong uminda na masakit ang kanyang leeg na parang nabibilaukan habang nakatingala at minumwestra nito na bumababa na ang sakit papunta sa kanyang dibdib hanggang sa bigla na lamang itong nawalan ng malay.

Fastforward, ilang araw matapos icremate si tita Mercy ay bumalik kami sa dating gawi na maglalaro ng card games tuwing tanghali. Isang araw habang naglalaro ay dumating ang pinsan ko na nakatira sa ibang bayan at nagtanong kung anong kinamatay ni Tita Mercy. Nagtatakang sinagot ng mga pinsan ko ang tanong nito at ang sagot ng pinsan ko ay “Kakagaling lang namin kay Mang Rey (itago natin sa pangalang Rey, kilalang magaling na albularyo sa bayan nila) dito na kami dumiretso”.

Kinwento nya na nagpunta sila kay Mang Rey dahil sa personal na pakay nya dito at naisip niyang ipatawas na rin ang pagkamatay ni tita Mercy. Pinakita niya dito ang picture ni tita Mercy at dito na nagsimula ang lahat.
Wala pa siyang kinukwento ay nagsalita na ang albularyo. “Kinulam itong taong ito, tinusok ng matalim na bagay ang kanyang lalamunan pababa sa kanyang dibdib at dinaganan ng bato ang kanyang dibdib” kwento ng aking pinsan. “Ha? Eh sinong gagawa nun sakanya, wala naman siyang kaaway?” tanong namin, dahil nung una ay hindi kami naniniwala dahil hindi rin kami naniniwala sa k/ulam.
“Pangatlong bahay mula sa court, kaliwang parte mula sa maliit na eskinita, yan ang lugar kung saan nakatira ang gumawa nito sakaniya” at ng tuntunin naming kung saan ang tinutukoy ng albularyo ay unti-onti na kaming kinilabutan. Isang matandang babae ang nakatira sa bahay na yun at madalas na naming marinig ang mga kwento tungkol sakanya.

Dito naalala ng isang pinsan kong babae na ilang araw bago ang pagkamatay ng aming tiyahin ay nakita niyang kausap ito ng aming tita tungkol sa matagal ng utang nito na hindi pa mabayaran. Napataas daw ng bahagya ang boses ni Tita Mercy habang kausap ito at marahil ay nagdamdam ang matanda kung kaya’t nagawa nya ang mga bagay na iyon. Dahil sa konklusyon na ito ay nabalot ng takot ang buong compound.

Ilang araw matapos ang araw na iyon. Dahil mag-isa na sa harap na bahay ang anak na babae ni Tita Mercy ay sinasamahan muna namin siyang matulog don.
Isang gabi, yung pinsan naming at asawa nya na buntis ay duon natulog sa sala ng bahay habang kami naman ay nasa kwarto at naglalaro pa din ng card games. Dahil sa kainitan ay binukas nila ang kurtina ng bintana at ang glass ng sliding window at hinayaan na ang net lang ang nakasarado sa kaliwang parte ng bintana. Bandang alas dose ay may narinig kaming kalabog sa labas at hindi maiwasan magtakutan, sinilip namin sa labas at wala naman kaming nakita kundi itim na pusa, samantala, nagising naman ang asawa ng pinsan ko na buntis na parang may nakatingin sakanya at pagdilat nya ng mata nya ay may nakita siyang babae sa bintana. Nanlilisik ang mga mata nito na nakatingin sa vase na pinaglalagyan ng abo ni Tita Mercy. Pumikit na lamang daw siya at nagdasal at pagdilat nya ng kanyang mata ay nawala na ang matandang babae.

Kinabukasan, paggising nya ay kinwento nya saamin ito at agad kaming kinilabutan. Patago naming hinintay na dumaan sa harap na bahay ang matandang babae upang ikumpirma kung ito nga ba ang kanyang nakita, at ng makita nya ang matandang babae ay agad siyang pinagpawisan ng malala at hindi mapakali.
Sumapit ang ilang araw, madalas tuwing pag sapit ng gabi habang natutulog kami ay mararamdaman namin ang anak ni tita mercy na lagi itong nanginginig at inaakala niya na laging lumilindol, hindi rin mapalagay ang kanyang pakiramdam. Nagpasya ang mga tita namin na dalhin na siya kay Mang Rey. Pagbaba pa lamang nila sa sasakyan ay nagsalita na agad ito “May k/ulam ka iha”. Nakunan sa video ng pinsan namin kung paano pinagpantay ng albularyo ang mga hinliliit na daliri ng pinsan namin sa kamay na dapat ay magkapantay lamang sana ngunit ng pinagdikit ang kanya ay magkapantay naman ang kanyang palad ngunit magkalayong magkalayo ang haba nito.

Sinimulan nila ang tipikal na ritwal na ginagawa kapag may k/ulam. Nasa pagitan ng hinlalaking daliri sap aa at sumunod na daliri sa hinlalaki ang kamay ni Mang Rey at binubulong-bulungan niya ang kanyang daliri at hahawakan ang paa at mag hihiyaw na sa sakit ang pinsan ko. Pilit tinatanong ang pangalan ngunit ayaw nitong sabihin. Inutusan din ito ni Mang Rey na alisin nito ang kung anumang mga black magic na nilagay nya dito, nung una ay ayaw nito ngunit kalaunan ay ginawa rin. Nagpapagpag ito ng katawan na akala mo ay may tinatanggal sa kanyang katawan na mga dumi. Matapos nito ay binigyan kami ng pangontra ni Mang Rey sa k/ulam at sinabing ang taong iyon ay malakas sa kanyang ginagawa. Hindi lamang siya basta basta dahil malakas ito na ultimo si Mang Rey ay nanghihina sa pakikipag usap. Ayon din kay Mang Rey ay hindi nagtapos ang galit nito sa ginawa nya kay tita Mercy kaya ang sunod nyang pinaparusahan ay ang anak nito at kung hindi naagapan ay matutulad ito sa ina.

Matapos nun ay lumuwas na ng Manila ang anak ni Tita Mercy at unti-onti na rin nalimutan ang kwento na ito. Ano pong tingin niyo mga ka-LTap, totoo po kaya na ki/nulam ang tita ko o inatake lang talaga?

-MS



📜Spookify
▪︎2023▪︎

[7] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Where stories live. Discover now