ALING ZAP

75 1 0
                                    

ALING ZAP

Naniniwala ba kayo sa aswang? 2010 ng mangyari ang kwento ko. Ako ay bente anyos ng mabuntis ng ex-boyfriend ko. Nung mga panahong iyon ay hindi ko pa pinapaalam sa aking mga magulang na ako ay buntis dahil sa takot sa tatay ko. Kahit ang ex-boyfriend ko hindi alam na buntis ako.

Meron kaming kapitbahay, itago nalang natin siya sa pangalang Aling Zap. May usap usapan nuon pa na aswang si Aling Zap. Mabait siya pero may something about her na hindi maipaliwanag. Hindi siya palaging nasa lugar namin kahit may bahay sya dun. Madalas sinasabi niya nagpupunta sya sa Alabang. Napapansin ng mga kapitbahay namin na andun lang si Aling Zap kapag may buntis.

Kada hapon, isa ako sa nakikisali sa umpukan sa aming lugar. Kagaya nga ng sinabi ko, buntis ako at walang nakakaalam. Pero nung mga panahong yun kahit nasaan ako basta sa labas ng bahay, laging andun si Aling Zap. Malagkit parati ang tingin sa akin at nakikita kong parating napapapahid ng dila sa kanyang bibig. Yung itsura niya yung parang matandang takam na takam sa kung ano kahit walang pagkain.

Sa gabi, madalas ko din naririnig na may kumakaluskos sa bintana at bubong na parte ng kwarto ko. Ang ginagawa ko lang ay naglalagay ng asin at nagdadasal bilang pangontra.

Nakapagtataka din na kapag gabi, napapadalas ang pagbisita niya sa bahay at nakikipagkwentuhan sa nanay ko. Na hindi naman niya ginagawa dati. Pati nga tatay ko nagtataka na, tinanong niya si Aling Zap at ang sabi lang ni Aling Zap ay naiinip siya sa bahay nila.

Nakakapangilabot nung isang gabi na bumili ako sa labas at nakasalubong ko siya. Ang sabi ni Aling Zap, ang bango bango mo. Wag mo munang ipaalam sa kanila ha. Nagpanggap akong hindi siya narinig at naglakad lang palayo.

Nalaglag ang dinadala ko. Hindi ko nasabi kahit kanino yung mga karanasan ko kay Aling Zap, wala din ako pruweba pero hanggang ngayon kapag iniisip ko ang mga nangyari baka nga totoo ang balita. Aswang si Aling Zap.



📜Let's Takuta, Pare
▪︎2024▪︎

[7] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Where stories live. Discover now