SHORTCUT ROAD
TINATAHAK namin ang shortcut road sa pagitan ng Silang, Cavite papuntang Alfonso. Noong una naman ay hindi nakakatakot kasi maraming motorista ang nakakasabay, bali bago lang ako sa lugar na nadaanan ko dahil itong kumpare kong driver ng minamaneho kong multicab ay nalasing nang husto. Naroon siya nakahiga sa likod.
Uminom din naman ako pero hindi nagpakalasing dahil nga alam kong hindi magpapaawat ang kasama ko sa pag-inom. Ako nga pala ang konduktor ng kaibigan kong nalasing na, inaya kasi kami ng isa naming kaibigan dahil kaarawan nito. Biruin niyo, dumating kami umagang-umaga pa, kaya ito...madaling araw na habang tinatahak ang rotang hindi ko pa masyado gamay—iwas huli dahil kolurum pa ang sasakyan.
SA totoo lang po ay namamangha ako sa daanan dahil parang dumadaan lang ako sa bitukang manok ng Quezon. May mga mangilan-ngilang tulay ang nadadaanan, dahil may malalalim na ilog, may malalaking puno na litaw na ang mga ugat at ang mga kawayan na parang kumakaway dahil hinahangin. Ang problema lang talaga ay madilim dahil bukod sa liblib ay tinipid sa ilaw ang daanan, hindi ko maiwasang mag-isip ng kung anu-ano ng mga oras na iyon. Posible kasi na bigla na lang may magpakita na white lady o mga malignong naririnig ko sa mga kuwento, pero kaagad ko iyong inaalis sa isip ko.
Mga bente minutos pa ay may nadaanan akong kabahayan, halu-halo ang uri ng mga bahay. May mga bato, kahoy, kawayan at marmol. May mga poste rin ng ilaw kahit na mahina lang ang liwanag, kitang-kitang ko pa rin ang mga taong nasa labas. Opo, tama kayo nang narinig. Marami silang nakatayo sa labas ng mga bahay nila.
Matatanda, mga babae, at mga bata. Iisa lang ang direksyon ng mga tingin nila, sa direksyon lang namin. Unti-unting lumukob sa akin ang sindak ng oras na iyon dahil sobrang kakaiba nila. Ginigising ko ang kasama kong naghihilik pa rin.
“P’re! Gising! Lintek naman oh, gumising ka p’re!”
Halos mangiyak-ngiyak na ako ng mga sandaling iyon, pakiramdam ko rin ay ang bagal ng oras idagdag pa ang bagal ng takbo ng sasakyan dahil paaahon. Ang iniisip ko ay baka may okasyon sila sa barangay nila, pero lumalabas pa rin na imposibleng mangyari sa ganoong oras ay halos nakatayo lang sila na nakatingin sa amin.
Ang hinayupak ko namang kasamahan ay hindi talaga magising. Sobra na rin akong nanginginig kasi ibang-iba talaga ang titig ng mga taong iyon. Hanggang makaahon sa patag, pero mas lalo akong nagimbal dahil may mga tao ring nakatayo sa gitna ng kalsada. Ang sasama ng tingin nila na parang kakainin kami ng buhay. Napahinto ako dahil naduwag akong dumiretsu, hindi ko na rin alam ang gagawin ko ng oras na iyon.
NAGISING ang kasamahan ko habang nag-uunat ng mga kamay. Laking pasalamat ko na lang dahil may karamay na ako ng sandaling 'yon.
“O, ba’t huminto ka p’re? Nakarating na ba tayo?”
Wika niya sa akin habang mumukat-mukat ang mata. Sinabi ko sa kaniya ang mga nasaksihan ko at itinuro ko rin ang mga taong wirdong nakatingin sa amin. Pero ang gago ay hindi man lang nagulat. Sinabihan pa akong businahan ng tatlong beses at kapag hindi umalis ay idiretsu ko raw.
Sinabi ko sa kaniya na hindi ko kayang gawin 'yon.
“Tumabi ka diyan. Ako na ang magmaneho.”
Kalmado lang niyang sabi. Ginawa nga ng kasama ko ang sinabi niya, bumusina ng tatlong beses pero hindi natinag ang mga taong nakaharang. Hanggang sa pinaandar niya ang multicab at walang alinlangang binangga ang mga tao. Halos hindi ako huminga ng mga sandaling iyon pero nagtataka ako dahil nilagpasan lang namin ang mga taong iyon na walang nababangga.
Pagkalagpas nga namin ay sinabihan ako ng kasama ko na kung magpapadaig daw ako sa takot ay baka mamatay na lang akong hindi lumalaban. Napabilib ako lalo sa kaniya dahil sobrang kalmado lang niya ng mga oras na iyon. Pagdating namin sa kaniya-kaniyang bahay ay dun pa lang ako nakahinga ng maluwag. Napapaisip na lang ako kung sino ang mga multong 'yon. Naghanap ak sa ineternet na posibleng may malagim na sinapit sa lugar na iyon pero wala akong nahanap.
Simula nga po noon ay hindi na ako dumaan pa sa shortcut na iyon. Hanggang dito na lang po ang aking kuwento. Maraming salamat po
xsaw
📜Spookify
▪︎2023▪︎
YOU ARE READING
[7] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)
HorrorAlmost all of the stories here are from the FB page Spookify, Let's Takutan Pare and other FB horror pages that I compiled. They are the ones that I enjoyed reading over the years.