CHAPTER 31
Unedited...
"Salamat sa pagluto ng pagkain," pasalamat ni Irene.
"Masarap ba?" tanong ni Kean na sinusubuan si Ariana.
"Yes, masarap naman. Kailan ka natutong magluto?" tanong ni Irene. Sa bahay nila, ang papa rin niya ang masarap magluto kaysa sa mama niya. Mas masarap ang panlasa ng mga lalaki niya kaysa sa mga babae sa pamilya nila.
"Ngayon lang," sagot ni Kean.
"Ngayon lang? Bakit masarap?" tanong ng dalaga. Ilang beses na niyang sinusubukang magluto ng menudo, iba pa rin ang lasa.
"Ganoon kasi talaga kapag mahal mo," sagot ni Kean kaya nabitin sa ere ang isusubo sanang kanin ni Irene.
Kanina pa 'to si Kean e. Kinakabahan tuloy siya. Minsan, hindi niya ito maintindihan. Nakakainis lang dahil parang gusto niyang umasa? Iba na kasi ang interpretasyon niya sa mga pinagsasabi nito. Okay, inaamin na nitong nagseselos ito kay Alwyn pero sapat na ba iyon para may panghawakan siya? Isa pa, may girlfriend na ito. Ang pagtulog nga nila rito ni Ariana, sobra-sobra na. Tiyak magagalit si Hattie kapag malaman nito kahit pa sabihin nilang wala naman silang ginagawang masama.
"Mahal ko na kasi ang pagluluto kaya siguro masarap na ang pagtimpla ko kahit na sa youtube at cooking book lang ang guide ko," ani Kean nang mapansing namumula ang pisngi ni Irene.
" Nagba-blush ba siya?" bulong ni Kean at tinititigan pa rin si Irene. Damn, nagba-blush talaga ito.
"May iniisip ka bang iba, Irene?" tanong niya.
"W-Wala a. Sang-ayon naman akong masarap kang magluto," sagot ni Irene at ipinagpatuloy ang pagkain.
Ngumiti si Kean at ipinagpatuloy rin ang pagpakain kay Ariana.
"Kumain ka nang marami, Princess, palagi na kitang ipagluluto," bulong ni Kean kaya ipinagpatuloy na ni Irene ang pagkain.
Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ang mag-ama niya. Palihim siyang napapangiti sa tuwing marinig ang tawa ni Ariana kapag utu-utuin ni Kean.
Si Irene na ang nagligpit ng pinagkainan nila. Ang mag-ama ay naupo sa sala at nanood ng TV. Habang naghuhugas, rinig pa niya ang tawanan ng dalawa.
Ganito na lang ba sila? Hanggang kailan ang ganitong sitwasyon? Paano kung maisipan ni Kean na pakasalan si Hattie o ibang babae? Paano na si Ariana lalo na ngayong nakadepende na siya sa ibang gawain kay Kean.
"Matulog ka muna, kulang ka pa sa tulog," sabi ni Kean nang lumapit si Irene sa kanila.
"Okay lang, gusto kong makasama muna ang anak ko," sagot ni Irene at pinagmasdan si Ariana na naglalaro ng barbie sa sahig.
Girl version ito ni Kean at aminado naman talaga siya rito. Para itong manika na naglalaro ng barbie doll. Ang cute tingnan.
"Ang ganda talaga ng anak natin, ano?" wika ni Kean habang nakatitig din kay Ariana.
"Oo nga," pagsang-ayon ni Irene.
"Matulog ka na, ako na ang magbabantay. Alam kong pagod ka pa dahil ginising kita."
"Hindi pa ako inaantok," sagot ni Irene.
"Irene? Puwede bang huwag ka nang magtrabaho sa bar na iyon?"
"Kean naman, wala akong pambili ng ibang pangangailangan ni Ariana. Isa pa, nahihiya naman ako sa parents ko. Nahihiya ka ba dahil iyon ang trabaho ng nanay ng anak mo?" tanong niya at napasulyap sa kaharap na binata."Hindi naman. Ayaw ko lang na binabastos ka ng mga parokyanong mababaho. Ayaw ko ring hinuhusgahan ka ng ibang tao dahil doon ka nagtatrabaho," seryosong sagot ni Kean.
"Wala na kasing ibang mapapasukan," sagot ni Irene. Iyon lang ang puwede sa gabi. Kapag call center naman, hindi aabot sa oras niya. Male-late lang siya dahil sa biyahe.
"Sa resto bar ko," sagot ni Kean, "doon ka na lang, at least hindi ka babastusin ng mga tao dahil kilala sa lipunan ang mga costumer ko."
"Huwag na--"
"Doon ka na. Magpaalam ka bukas o ako ang magpaalam sa manager ninyo."
"Kean, paano kung malaman nila? Alam mo namang marami ang taga Westbridge na dumadayo roon," nag-aalalang tanong ni Irene.
"E, ano naman? Uunahin mo pa ba ang sasabihin nila?"
"Iniingatan ko lang ang pangalan mo, mahirap na," sagot ni Irene. Kawawa si Kean kapag malaman ng lahat na ito ang ama ng anak niya. Tapos sa pagkakaalam nila, si Alwyn pa ang boyfriend niya.
"Mas iniingatan ko ang kapakanan mo," seryosong sagot ni Kean, "ayaw ko lang na mapahamak ka dahil sa bar na iyon. Paano na lang kami ni Ariana kung may masamang mangyari sa iyo sa bar na iyon? Safety first bago pera."
"N-Nandiyan ka naman para sa anak ko, 'di ba? Kapag may mangyaring masama sa akin, alam kong hindi mo naman pabayaan si Ariana," sagot ni Irene. Kahit ganito si Kean, alam niyang mahal nito ang anak nila. Kahit wala pa itong alam sa buhay, sigurado siyang hindi nito pababayaan si Ariana. Kean is a good father, nakikita niya iyon. Sa ngayon, wala pang naniniwalang magiging mabuting ama ito pero darating ang araw, magiging proud si Ariana sa ama.
" Sana huwag kang magbago," hiling ni Irene sa isip. Baka kasi magkapamilya na ito, mawawala na ang atensiyon sa ni Kean sa anak nila.
"Huwag ka ngang mag-isip ng ganiyan! Walang masamang mangyari sa 'yo, hindi ko kaya!"
Napatingin si Irene sa binata. Salubong ang kilay nito na nakatitig sa kaniya pero agad na iniwas ang mga mata at si Ariana ang tinitigan.
"H-Hindi ko pa kayang alagaang mag-isa si Ariana, kailangan ka pa namin. Iba pa rin kapag nandiyan ka sa tabi namin bilang nanay niya," ani Kean at napasulyap kay Irene na nakatitig pa rin sa kaniya na para bang may hinahanap na isang pirasong puzzle para mabuo ang ginagawa nito.
"Matulog muna ako, Kean. Inaantok na ako," paalam ni Irene at tumayo kaya hindi na sumagot pa ang binata.
Nang maisara ni Irene ang pinto mg kuwarto, napahilamos si Kean sa mukha.
"Haist! Ang daldal ko!" bulong ni Kean at binuhat si Ariana.
"Hindi ka pa ba matutulog, Princess?" tanong niya pero hinahampas lang nito ang mukha niya.
Ding dong!
Bitbit si Ariana, lumapit siya sa pinto para pagbuksan ang nag-doorbell.
"Kaninong anak 'yan?" tanong ni Black na kasama ang kasintahang si Nathalie.
"Ang cute!" puri ng dalaga at pinisil amg pisngi ni Ariana, "oh my, anak mo?"
"H-Ha?" natarantang wika ni Kean. Hindi niya ito inaasahan. Pumasok ang dalawa at agad na isinara niya ang pinto. Nakalimutan talaga niyang nagtatago pa sila ni Irene. Napasulyap siya sa pintuan ni Irene, sana huwag lang itong lumabas.
"Anak ng katulong ko, umalis kasi namalengke," pagdadahilan niya.
"Ayos a, kamukha mo ang anak ng katulong mo," wika ni Black pero poker face ang mukha."Huwag ka na ngang makialam!" naiinis na saway ni Kean sa pinsan.
"Hindi naman ako nakikialam pero kung anak mo 'yan, hindi ba't pamangkin ko na siya? Alam na ba ito nina Tito Kyler?" seryosong tanong ni Black.
Kinuha ni Nathalie si Ariana kay Kean dahil nagpapabuhat ito sa kaniya.
"Hindi ko nga siya anak! Anak siya ng--"
"Hindi ako ipinanganak kahapon, Kean," blangko ang mukhang wika ni Black, "huwag mong hintaying alamin ko ang totoo at ako mismo ang magsumbong sa mga magulang mo!"
"Oo na! Anak ko na siya! Ano ngayon? Pakialam mo? Isusumbong mo na ako sa mga magulang ko? Sige, magsumbong ka!"
"Buhay mo 'yan, wala akong pakialam kaya ikaw pa rin ang may karapatang umamin," sagot ni Black at iginala ang paningin sa buong unit ng pinsan. Napansin niya ang shoulder bag na nasa sofa. Napasulyap siya sa isang pintong nakasarado. Sigurado siyang nasa loob lang ang ina ng bata pero hindi naman siya tsismoso para alamin pa kung sino. May ideya na siya at mukhang tama nga ang hinala niya noon pa. Hindi lang niya akalaing may anak pala ang dalawa.
"Bakit kayo napadalaw?" pagsisinuplado ni Kean.
"Sinundo ko si Natty sa kabilang unit ng kaklase niya," sagot ni Black, "kaya naisipan kong dalawin ka."
"Salamat sa pagdalaw pero hindi ka welcome," prangkang sagot ni Kean.
"Ganoon ba? Aalis na kami, wala naman kaming balak na tumagal," sagot ni Black na halatang tinatamad nang makipag-usap sa pinsan.
"Mamaya na, gusto ko pang makipaglaro sa bata," tanggi ni Nathalie. E? Ang cute talaga ng anak ni Kean, ang sarap pisilin na mamula-mulang pisngi.
"Gagawa na lang tayo ng sa atin para may alagaan ka na," sagot ni Black, "may utang ka pa sa akin, Nat-nat!"
"Hanggang ngayon, hindi pa siya bayad sa 'yo?" tanong ni Kean. Ang tagal na ng utang ni Nathalie sa pinsan niya, "hindi ba puwedeng palampasin mo na lang? Syota mo na ang tao e!"
"Ang utang ay utang!" giit ni Black kaya naikuyom ni Nathalie ang kamao.
"Mauna na kami, Kean. Sa susunod na lang, dadalaw ulit kami rito," paalam ng dalaga at hinila na si Black palabas ng unit.
Nang umalis ang magkasintahan, pinatulog na niya si Ariana at dinala sa kuwarto ni Irene. Mahimbing na natutulog na ang dalaga. Maingat na inilapag niya ang bata sa tabi nito.
Nahiga rin siya kaya napagitnaan nila si Ariana.
Dahan-dahang nagmulat si Irene ng mga mata nang maramdamang umuga ang kama.
"K-Kean..." inaantok na wika niya habang nakatitig sa mukha ng binatang titig na titig sa kaniya. Inaantok na siya pero hinihila naman ng kaguwapuhan ni Kean ang diwa niya para magising.
"Puwedeng bang dito na rin ako matulog? Gusto ko ring makatabi si Ariana," tanong ng binata. Kahit na inaantok si Irene, ang ganda pa rin nito tingnan. Hindi nakakasawa ang mukha. Sarap haplusin ng pisngi pero baka magalit kaya kay Ariana na lang ang hinaplos niya.
"Bahala ka," inaantok na sagot ni Irene na nilalabanan ang panunukso ng mga mata ni Kean. Kailangan talaga niyang matulog dahil sa mga oras na ito, tulog ang kulang sa buhay niya.
"Matulog ka na, pasensiya na sa istorbo," paumanhin ni Kean.
"Palagi mo naman akong iniistorbo kaya okay lang, sanay na ako," sagot ni Irene na hindi na idinilat ang mga mata. Gising na talaga ang utak niya.
"Kasalanan ko ba kung gusto ko ring makatabi ang anak natin?" tanong ni Kean pero hindi na sumasagot si Irene. Baka tulog na nga ito. Niyakap niya si Ariana at ipinikit ang mga mata.
Nasa tabi lang niya si Irene kaya napangiti siya.
"Sa susunod na araw, dalawa na kayo ang yakap ko,"
bulong ni Kean sa sarili. Dumilat siya at sumalubong ang mga mata ni Irene sa kaniya.
"Akala ko tulog ka na," saad ni Kean.
"Kung gusto mong makasama si Ariana sa pagtulog, puwede mo siyang dalhin sa kuwarto mo. Hindi na siguro siya iiyak dahil sanay na siya sa 'yo," pagpayag ni Irene. Tatawag lang din naman ito kapag umiyak si Ariana. Isa pa, mahihirapan na siyang makatulog dahil sa presensiya ni Kean. Amoy na amoy pa niya ang pabango nito na nanunuot sa ilong niya. Amoy na minsan nang nagpawala sa katinuan niya.
"Okay na kami ni Ariana rito sa kama mo, mas masarap matulog dito," sagot ni Kean.
"Bakit mo ginagawa ito, Kean?" tanong ni Irene sa binatang nakapikit na ang mga mata at nakayakap sa anak nila.
"Dahil gusto rin kitang makasama sa pagtulog, Irene," sagot ni Kean kaya napanganga ang dalaga.
"B-Bakit?" nauutal na tanong ni Irene.
Tumalikod si Kean sa kanila ni Ariana at ang hotdog pillow ang niyakap.
"Dahil gusto kita," pabulong na sagot ni Kean habang nakangiti at mahigpit na niyakap ang unan. Kunwari si Irene ito. Bahala na kung narinig o hindi ni Irene ang sagot niya. Basta siya, matutulog na siya. Sa ngayon, kakalimutan muna niyang may boyfriend ito.
![](https://img.wattpad.com/cover/244224278-288-k245881.jpg)
BINABASA MO ANG
Got A Baby With A School Heartthrob(Kean&Irene)
Roman d'amourMahirap pero kakayanin. Kapag isa ka nang ina, hindi pwede ang ayaw mo na lalo na kung hindi naman sumusuporta ang ama ng anak niya? Paano kung malaman nila na ang school heartthrob at kinababaliwan ng iilan ay isa na palang ama? Pero paano kung hin...