Lycan LXV: Ceros*Icien (I)
DALAWANG araw na ang nakakalipas magmula noong magising si Icien habang nasa tabi ni Ceros. Kapwa sila nasa anyong tao at kawangis ang anyo ng kanilang tao. Pero kung si Calix ay mayro'ng kulay itim na buhok, si Ceros ay magkahalong itim at pula, at kahit nakapikit ito alam niyang kulay ng dugo ang mga mata nito. Siya naman ay mayro'ng ginintuang abo na kulay na buhok at kulay berde ang mga mata. Nasa isang liblib at masukal na kagubatan sila ni Ceros na matatagpuan sa ispirituwal na mundo na kung tawagin ay Dagum.
Sa mundong ito sila nagmula at dito rin sila mahihimlay hanggang muli silang ipanganak. Ayon sa lumang kasulatan, ang Diyosang lumikha sa kanilang mga Lycan, ay gumamit ng dalawang magkaibang ispiritu at iyon ay pinag-isa. Ang isa ay bilang tagapagprotekta habang ang isa ay bilang tagapag-isip. Sa mundo ng Dagum kinuha ang ispirito nilang mga lobo habang ang ispiritu ng kanilang tao ay kinuha sa mundo ni Bathala. At upang makabalik ang ispiritu nilang mga lobo sa mundo ng Dagum, kakailanganin nilang makipag-isa sa isa pang ispiritu.
Sa kasamaang palad, ang nasabing isa pang ispiritu ay kinamumuhian ni Icien, at ang nasabi ring isa pang ispiritu na iyon ay dalawang araw na niyang hindi nakikita magmula noong iwanan niya ito sa lugar kung saan siya nagising na katabi ito. Inaasahan niyang hahanapin kaagad siya nito oras na ito'y magising kung kaya't dagli-dagli siyang lumayo at naghanap nang mapagtataguan. Alam naman niyang wala na siyang magagawa para pigilan pa ang pagkakumpleto ng mating bond sa pagitan nila Calix at Lucien, at nila ni Ceros. Ngunit hindi pa siya handang sumuko rito. Hindi pa niya matanggap na natalo sila rito. At mas lalong hindi niya matanggap na puwersahan silang nakuha nito. Pakiramdam niya ay isa siyang walang kuwentang alpha, isang alphang hindi man lang nagawang protektahan ang sarili.
Iyon nga lang, sa dalawang araw na pagtatago niya, ni anino o presensya ni Ceros ay hindi niya naramdaman. Marahil ay hindi pa ito nagkakamalay? Masuwerte lang siguro talaga siya na siya ang naunang magkamalay rito? Pero bakit ganito? Bakit masyado siyang nababahala? Bakit pakiramdam niya ay nahulog siya sa patibong nito at anumang oras ay bigla na lamang ito lilitaw nang hindi niya mamalayan? Sa mga isiping ito, ilang araw na siyang laging alerto at halos hindi makatulog.
Dalawang araw pa ang lumipas, pero wala pa ring Ceros ang nagpaparamdam kay Icien. Kahit sa koneksyon nila sa mindlink ay hindi niya ito nararamdaman. Marahil ay hindi na ito interesado sa kaniya? O baka naman iniisip nitong kusa siyang babalik rito kaya kampante lamang itong naghihintay? Kung gano'n man, masyado itong hangal. Hindi pa siya baliw para kusang bumalik rito, at kahit anong pagpilit pa sa kaniya ng mating bond na bumalik kay Ceros. Hinding-hindi niya iyon gagawin.
Lumipas pa ang apat na araw. Unti-unti nang nasasanay si Icien sa mundong ito. Sa ngayon, naghahanap siya ng lagusan pabalik sa mundo ng Mylthir. Napag-isip-isip niya rin kasi na baka bumalik na sa kanilang mundo si Ceros kung kaya't hindi niya ito nararamdaman. Bagama't hindi niya inaasahan ito, at buong akala niya ay kukumpletuhin kaagad ni Ceros ang kanilang mating bond, labis naman siyang nagagalak na mali ang kaniyang hinala.
Mabilis niya pang binaybay ang isang mahabang ilog habang nasa kaniyang anyong lobo. Bitbit niya sa kaniyang likuran ang isang mahabang pang ibabang kasuotan na ginawa niya na mula sa balahibo ng isang malaking ibon. Ilang oras na niyang tinatahak ang ilog na iyon, umaasang mayro'n siyang makikitang lagusan. Ngunit lumubog na ang araw ay bigo siyang makita ang kaniyang pakay. Dahil madilim na, napagpasyahan niyang ipagbukas na lang muli ang kaniyang paghahanap. Dagli siyang humanap ng kaniyang pagkain at kuwebang pansamantala niyang tutulugan. At 'di tulad sa mga nakalipas na gabi, masarap at mahimbing na ang kaniyang pagtulog ngayon. Marahil ay dahil kampante na siyang walang Ceros na bigla na lamang magpapakita upang angkinin siya.
Dito nga lang siya nagkakamali.
NAGISING si Icien kinabukasan dahil sa mainit na pakiramdam. Para bang nasa ilalim siya ng mga pinagpatong-patong na mga kumot. Nagtataka. Kunot-noong dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata. Unang bumungad sa kaniya ang pamilyar na pader ng kuweba. Bahagya siyang kumalma. Iyon nga lang, hindi pa rin maliwanag kung bakit mainit. Malamig ang temperatura sa loob ng mga kuweba kaya hindi dapat siya naiinitan. Iginala niya ang kaniyang paningin at dahan-dahang nagsalubong ang dalawa niyang kilay.
BINABASA MO ANG
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Paranormal" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...
