Natagalan me mag edit. Lintik na nasipon na 'to. 🤧 Pagpasensyahan niyo na kung masyadong maraming typo sa chapter na 'to.
Lycan LXII: Natural na Amoy
NANG SANDALING lumabas si Calix ng kanilang silid—kaagad na padapang napahiga si Lucien sa kanilang higaan. Naiinis niyang isinubsob ang kaniyang mukha sa malambot at makapal na sapin ng kanilang higaan at saka siya impit na napasigaw sa magkahalong inis at hiya. Ack! Ano ba ang nakain niya at bigla na bigla na lang siyang umiyak sa harapan ni Calix? Sino bang alpha ang bigla-bigla na lang iiyak ng walang dahilan? Argh! Nakakahiya talaga! Nilamon na lang sana siya ng lupa kanina!
Bakit ba kasi siya umiyak? Eh tinatanong lang naman siya ni Calix kung ano ang nais niyang kainin? Hindi niya alam pero, may kung anong gusto kasi siyang kainin ngunit hindi lamang niya matukoy kung ano, at noong tinanong siyang muli ni Calix ay bigla na lamang sa naluha dahil sa matinding pagkasiphayo. Naiinis siyang napabuntong hininga bago niya mas lalong isinubsob ang kaniyang mukha sa malambot na sapin.
Dahil naman sa ginawa niyang ito ay muli niyang nalanghap ang natural na amoy ni Calix na nanuot sa suot nitong kapa na ibinigay nito sa kaniya kanina. Natigilan siya. Pagkatapos ay biglang pinamulahan ng kaniyang mukha. Nahihiya man siyang aminin pero, napakabango talaga ng natural na amoy ni Calix. Argh! Ang naiinis niyang ungol sa kaniyang isipan. Kapag nalaman-laman ito ni Calix. Tiyak ay di siya nito titigilan asarin. Gayon pa man, wala naman si Calix ngayon. Kaya... Maaari niyang gawin ang anumang naisin niya ngayon.
Sa isiping ito, mas lalo niyang isinubsob ang kaniyang mukha sa kuwelyo ng kapa ni Calix. Nasisiyahan siyang napahimig at bahagya pang kinilig. Lalo namang namula ang kaniyang mukha ng mapagtanto ang kaniyang ginawa. Ngunit kahit na gano'n, hindi pa rin niya mapigilan ang sariling samyuin nang paulit-ulit ang kuwelyo ng kapa ni Calix kung saan ay mas nanunuot ang natural nitong amoy. Wala sa sariling namaluktot siya't ibinalot ang kapa sa buo niyang katawan. Tanging ang mukha lamang niya ang nakalabas, na kasalukuyan namang nakasubsob sa kuwelyo ng kapa at marahan iyong sinasamyo. Mabuti na lang talaga at wala si Calix, kundi ay baka kanina niya pa itinapon sa pagmumukha nito ang kapa nito upang mailayo lamang ang tuksong tela na iyon sa kaniya.
Kung bakit ba naman masyado siya ngayon biglang naadik sa natural nitong amoy. Sa ngayon, hangga't wala si Calix ay susulitin na lang muna niyang mabalot ang kaniyang sarili sa natural nitong amoy. Nasisiyahan niyang muling malalim na sinamyo ang kuwelyo ng kapa ni Calix. Mariin siyang napapikit nang nanuot sa kaniyang pang-amoy ang natural na amoy nito, kasunod nito, ay ang paglabas ng isang nakukontento at natutuwang paghimig mula sa kaniyang bibig. Mabilis ding kumalma ang buo niyang katawan at animo'y hinihele siya ng amoy ni Calix.
Sa kinamalas-malasan nga lang ni Lucien, dahil masyadong nakatuon ang kaniyang atensyon sa pagsamyo sa natural na amoy ni Calix ay hindi na niya naramdaman ang muli nitong pagbalik, ni ang pagbukas ng pinto ng kanilang silid ay hindi niya narinig. Kaya laking gulat na lamang niya nang sa muling pagmulat ng kaniyang mga mata ay bumungad sa kaniyang harapan ang puno ng pagkaaliw at pagkagalak na mukha ni Calix na halos isang dipa na lang ang layo mula sa kaniya. Sakto din, nang mga sandaling iyon ay malalim niya muling sinamyo ang kuwelyo ng kapa ni Calix.
Napamura na lang siya't mabilis na namula na animo'y isang kamatis ang kaniyang mukha.
"Masyado bang nakakaadik ang aking amoy, hmm, aking mahal?" ang nakangisi at makahulugang tanong nito sa kaniya habang puno ng intensidad ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
.
BINABASA MO ANG
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Paranormal" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...
