Gha. Ang drama ko kaninang umaga. Napapost pa ako kaninang umaga dito 😅🤧Nawalan talaga ako ng gana magsulat bigla. Pagkagising ko ba naman, unang bungad sa akin yung masamang balita. Binura lang naman ni rotxinxpieces yung Underworld chronicles niya 😭
Di ko kayang 'di mabasa story ni Hades 😭. Kaloka, si Hades lang nag iisang novel characters na talagang kinahumalingan ko. To think na 'di ko na siya mababasa, gha 😩 sakit sa puso. Baka mayro'ng nakapagsave ng soft copy dyan, nung kapanahunan pa ng ebook day 😭😭😭 Although, medyo ok, ok na ako ngayon, kasi plano naman niyang ire-upload sa inkitt sa future. Pero edited version na kasi, gusto ko pa rin yung original. Iba yung raw emotion doon eh. Kahit super violence at masakit sa puso. I still love it. 🥺
Anyway, ito ang new chapter.
Lycan LXIII: Ang Muling Pag-angkin
KAGAT-KAGAT sa batok—nagmamadaling hinihila ni Calix ang wala nang buhay na katawan ng Taros—isang uri ng hayop na may huwangis tulad sa kalabaw ngunit mayro'ng tatlong buntot at nagtutulisang mga sungay sa nguso na kahalintulad sa isang baboy ramo. Mabilis siyang naglalakad habang nasa kaniyang anyong lobo pabalik sa puno ng prutas ng Beiri—isang maliit na pulang bilog na prutas—kung saan niya iniwan si Lucien kanina bago siya mangaso.
Labag sa kalooban niya ang iwan doon si Lucien ng mag-isa kanina ngunit matapos niya itong mahuling pinapapak ang mga hinog na bunga ng puno ng Beiri, ay hindi na niya itong makuhang istorbohin. Lalo na ngayong, mukhang masyado itong nagiging sensitibo dahil sa mga nararamdaman na nitong pagbabago sa sistema ng katawan nito. Mahirap na, at baka bigla na naman itong umiyak o magalit.
Isa pa, hindi rin naman kalayuan mula roon ang naamoy niyang Taros kung kaya't medyo nakampante siyang iwan doon saglit si Lucien, wala rin naman siyang nararamdamang ibang presensya malapit sa kanilang lokasyon kaya mas lalo siyang napanatag. Pero ngayon—habang nakatitig siya sa paanan ng puno ng Beiri kung saan niya huling iniwan si Lucien at ni isang bakas ng anino nito ay wala roon—labis-labis ang kaniyang pagsisisi sa kaniyang naging desisyon. Natatandaan niyang mariin ang bilin niya ritong huwag na huwag na aalis sa punong iyon bago siya tuluyang umalis, pero heto't sinuway na naman siya nito.
Iritable siyang napamura sa kaniyang isipan at saka niya padabog na inihagis sa lupa ang wala nang buhay na katawan ng Taros. Mahirap ba talagang sundin siya nito kahit na isang beses man lang? Gustong-gusto ba nito siyang makita palagi na mawalan ng kontrol? Muli siyang napamura bago niya iritableng nilanghap ang hangin at dagling hinanap ang amoy ni Lucien. Kakaunti na ang amoy nitong naiwan sa paligid, ibig sabihin, kaagad din itong umalis sa puwestong iyon nang sandaling iwanan niya ito roon. Nagtagis ang bagang niya at nagpuyos sa galit. Lalo pang pinaigting ng kaniyang pag-aalala at ng kaniyang Rut ang galit na kaniyang nararamdaman.
"Lucien." ang malamig niyang pagtawag sa pangalan nito gamit ang kanilang mindlink, "sabihin mo kung nasaan ka ngayon, ngayon din, munting alpha." ang malamig at walang halong emosyong dugtong pa ni Calix habang mabagal na binabagtas ang daang itinuturo ng amoy ni Lucien.
Naramdaman naman niyang bahagyang natigilan si Lucien mula sa kanilang mindlink, ngunit hindi ito sumagot.
"Lucien." ang muli niyang malamig na bigkas sa pangalan nito. "Sigurado ka bang kaya mong makipagtaguan sa akin ng mga sandaling ito, huh, aking munting alpha?"
Sandali naman niyang naramdam ang pagdaan ng takot sa sistema nito bago nito iyon mabilis na ikinubli. Napangisi siya sa kaniyang isipan nang wala pa rin siyang narinig na pagtugon nito.
"Huwag mong sabihing hindi kita binalaan." ang puno nang lamig niyang saad bago niya binilisan ang kaniyang paglalakad.
"Sa-sandali!"
BINABASA MO ANG
Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)
Paranormal" Nanalo ako. Akin ka na ngayon. " malamig na saad ng lalaking sakal sakal siya at ang sanhi ng kaniyang paghihirap ngayon. " Ako, si Haring Calix Silvestre, tinatanggap at pinipili bilang aking mate si Alpha Lucien Darus. Subalit, dahil sa ginawa n...
